Sunday, July 3, 2011

Tag-ulan

Dalawa lang naman ang panahon sa Pilipinas.
Tag-araw at Tag-ulan. Pero bakit marami pa rin ang nagugulat at natataranta sa tuwing bumubuhos ang ulan?! Hindi ba tayong pwedeng kumalma lang at tumabi sa bangketa habang binubuksan ang baong payong? Bakit sa tuwing umuulan na lang ay para tayong mga langgam na nagpupulasan at kanya-kanyang diskarte kung paano maiiwasan ang mga patak nito? Kahit alam naman natin na sa tuwing sasapit ang mga buwan ng Hunyo at Hulyo ay siguradong uulan; 'wag na lang nating hulaan kung ano ang eksaktong araw ~ trabaho na ng PAG-ASA 'yan. Kung ulan lang naman ang ikinagugulat natin bakit 'di na lang magdala ng payong? Mahirap ba magdala nito o nahihiya ka at ayaw mong masira ang porma mo?
Hindi lang naman ulan ang ikinakainis ng marami sa atin kundi ang mga nakakabadtrip na dulot nito; ang baha, matinding trapik, kahirapang makasakay, nakakapagod, matagal makauwi at mababasa ang damit at gamit dahil walang panangga sa ulan.Matagal nang problema ang baha sa tuwing umuulan at kahit na sino pang henyo ang umupo sa ahensiya ng MMDA at sa Department of Public Works and Highways tila hindi ito masosolusyunan. Korapsyon at kawalang-disiplina ang ugat nito.
Korapsyon sa mga humahawak ng nakakalulang pondo para sa pagsugpo at pagsawata ng baha. Kawalang disiplina naman sa mga mamamayang walang pakundangan magtapon ng basura sa kung saan-saan, maliit man yan o malaki. At huwag na rin nating sisihin ang PAG-ASA sa salungat na impormasyon nila sa aktwal na lagay ng panahon, ikaw ba naman ang mayroong lumang kagamitan at equipment malamang ay mamali ka rin ng pahayag. Kaya ba sila tinawag na weather forecaster dahil hinuhulaan lang nila ang taya ng panahon?

Kung ayaw naman nating ugatin ang problema ng baha. Manisi na lang tayo tutal mahilig naman tayo manisi at magturo sa kung kanino at painosenteng sasabihing wala siyang sala. Isisi natin ang baha sa La NiƱa o kaya sa global warming dahil sa pabago-bagong panahon ng hindi tayo inaabisuhan. Sisihin na rin natin ang illegal loggers dahil sa walang habas na pagpuputol ng mga puno sa kagubatan. Idamay na rin natin ang pagawaan at pabrika ng mga plastik; dahil malaking porsyento ng bara sa kanal ay plastik. Maaari naman palang makagawa ng plastic na biodegradable bakit hindi na lang 'yun ang ginawa noon pa? At bakit 'di na lang gawing biodegradable lahat ng plastic bag na gagawin pa lang? Idagdag na rin natin dito ang mga opisyales na nagpagawa ng maliliit na drainage system natin dahil hindi nila naisip na lalago ang populasyon ng Pilipinas at dadami rin kasabay nito ang mga basura.

Mabuti pa ang mga batang lumalangoy, naghaharutan at nagtatampisaw sa baha. Masayang naglalaro sa gitna ng ulan at hindi alintana ang sakit na maaaring idulot ng bahang kanilang nilalanguyan. Subalit kung pagmamasdan mo sila mapapansin mong napakasimple lang ng buhay hindi sila nag-aalala sa perwisyong hatid ng baha taliwas sa mga taong nais na makauwi, mga papasok sa opisina at trabaho at mga mag-aaral na 'di sinuspindi ang klase. Wala silang pakialam na naglilibang at winawaksi ang negatibong dulot ng ulan. Kung kaya lang sana nating gayahin at isaisip ang ganitong mentalidad ng mga bata disin sana'y walang mababad-trip kahit bagyo pa man ang dumating sa atin.

Matagal na problema na ang urong-sulong na pagdesisyon sa pagsususpindi sa klase ng mga mag-aaral, madalas nakapasok na ang mga estudyante saka pa lamang sasabihin na walang klase! Pero hindi pa rin ito masolusyunan. Paurong ba talaga tayo?
Ganoon na din katagal ang panukala na ilipat ang pasukan ng mga mag-aaral sa buwan ng Setyembre (panahon pa ito ni Marcos) upang maiwasan ang abala sa kanilang pag-aaral. At ngayon muli itong binubuhay sa Senado sa pamamagitan ng Senate Bill 2407 ni Sen. Drilon layon nitong ilipat sa Setyembre ang pagbubukas ng klase sa halip na Hunyo upang makaiwas ang estudyante sa matinding baha at ulan. Ngunit marami ang tumututol at sumalungat sa panukalang ito noon pa man dahil panahon daw ito ng bakasyon kung saan masarap ang magliwaliw at magswimming sa kung saan-saang resort.
Sige hayaan na lang natin na Hunyo hanggang Marso ang pasukan at ang mga buwang maiinit at masarap mag-swimming na Abril at Mayo ang bakasyon.
Pabayaan na lang nating lumusong at lumangoy sa baha ang mga mag-aaral na animo'y mga kaawa-awang mga basang sisiw pauwi sa kani-kanilang mga bahay.
Hayaan na lang nating mag-klase ang mga estudyante sa kasagsagan ng ulan na nakababad ang paa sa baha habang tumutulo ang maingay na patak ng ulan.
Hayaan na rin nating magsuspindi nang magsuspindi ng klase sa tuwing may bagyo at malakas ang ulan dahil mas prayoridad ng mga kritiko at magagaling ang bonding time sa paglalakwatsa kaysa ang quality time sa loob ng silid-aralan.
Mababa na nga ang kalidad ng pag-aaral sa Pilipinas nababawasan pa ang bilang ng mga araw ng kanilang pag-aaral dahil sa panahon ng Tag-ulan.
Tutal pareho naman palang importante ang SWIMMING at pag-aaral, eh di pagsabayin na lang natin.

2 comments:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Malaking bagay talaga ang mga plastik na supot na yan pero mas kapansin-pansin ang marami nating kababayan na ginagawang malaking basurahan ang buong Pilipinas lalo na ang Kamaynilaan. Siguro konektado rin ang RH Bill, konektado nga ba? Haha, gandang araw Sir Jkulisap.

      Delete