Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, July 7, 2011
DINASTIYA
Ang pulitika ay hindi negosyong itinatag para sa pamilya at lalong hindi ito isang kaharian (monarkiya) na maaaring ilipat ang taglay na kapangyarihan sa malapit na kapamilya kung ikaw’y matanda na, pagod na o sa sandaling gusto mo munang magpahinga subalit hindi naman ito ang nangyayari sa Pilipinas. Bawat lalawigan sa kapuluan ng Luzon, Visayaz at Mindanao at kahit sa Kamaynilaan ay tila pagmamay-ari na ng iilang angkan lamang.
May batas na nagbabawal sa Political Dynasty sa ating bansa (1987 Constitution, Article 2 Section 6) pero balewala lang ito dahil ang ating mga mambabatas mismo ang lumalabag dito. Kunsabagay, may bago pa dito? Synonymous na nga sa isang probinsya ang apelyido ng mga pulitikong ito sa tagal nang kanilang panunungkulan, sa katunayan at sa katagalan nga ay pinapalitan na ng kanilang pangalan (apelyido) ang kanila mismong pinaglilingkurang bayan o probinsiya. Dahil siguro ito sa legasiyang kanilang naiwan, sa sobrang pagmamahal ng kanyang kababayan o sa husay ng kanilang serbisyo sa bayan.
Nakakatawang malaman na marami ang tumutuligsa at nais buwagin ang dinastiyang itinataguyod ng mga makakapangyarihang mga angkang ito subalit kabaligtaran naman ito sa nais nilang mangyari dahil hindi sila natatalo sa anumang halalan at lalo silang dumarami na ultimo Kapitan o Kagawad ng isang maliit na Baranggay ay kanila na ring kaanak at kapanalig. Isipin mo; ang isang bayan ay pinamumunuan ng iisa o dalawang angkan lang magmula alkalde, bise-alkalde, kinatawan ng distrito, gobernador, bise-gobernador, bokal, konsehal at iba pa bukod pa dito ang hindi halal ng bayan na nanunungkulan o nabigyan ng posisyon sa iba’t-ibang ahensiya na itinalaga ng kanilang kamag-anak na may otoridad na magtalaga sa kanila. Sino na lang ang maglalakas-loob na kumalaban sa kanila kung sakaling mayroong anomalya o katiwalian?
Kung tutuusin mo hindi naman sana ganoon kasama ito lalo’t kung ang serbisyo nila sa mga tao ay tapat, ang kapakanan ng bayan ang iniisip, ang pondo’y winawaldas este ginugugol sa pagpapaunlad ng nasasakupan. Subalit ikaw ba’y naniniwala dito? Sa liit ng sahod ng nasa posisyon sa gobyerno bakit marami ang kumakandidato? Kung sila’y nahalal at nasa posisyon na; bakit ang bilis ng asenso ng kani-kanilang negosyo? Nakakalungkot na napakalaking porsyento ng Pilipino ay naniniwalang pondo lang ng bayan ang habol ng mga angkang ito. At huwag na rin tayong magtaka kung bakit may pinapaslang na mamamahayag na nagsiwalat ng kalokohan ng isang opisyal, may mga kandidatong oposisyong inuutas para siguraduhin ang panalo sa eleksyon. Gagawin ang lahat para lamang mapanatili ang trono ng kanilang angkan.
Ayon sa pag-aaral, nakakalulang humigit-kumulang pitumpu't-limang porsyento ng nanunungkulan o nakapwesto sa isang bayan/lalawigan ay magkakamag-anak. Dominasyong nananatili mula noon hanggang ngayon. Ang ating demokrasya ay "gobyerno ng mga tao para sa tao" pero iilan lang yata ang nakikinabang sa gobyernong ito at kung sila'y tatanungin mariin nilang itatanggi na mayroong umiiral na Dinastiyang Pulitikal sa kanilang lugar. Ang manaig si David sa digmaang David at Goliath sa daigdig ng pulitika ay tila hindi aplikable sa ating bansa dahil sa sandaling sinagupa mo ang mga Goliath na ito ay para mo na ring ibinunggo ang iyong sarili sa napakatatag na kongkretong pader na adobe.
Hindi na rin lingid sa'tin na karamihan sa mga taong nasa likod ng dinastiyang ito ay may taglay na 3G. Guns, Goons & Gold.
Guns ~ Mga armas na handang itutok at iputok sa sinumang magtatangkang kumalaban at hindi umayon sa kagustuhan ng nanunungkulan. Mga armas na mas sopistikado pa kaysa sa hawak na armas ng ating sandatahang lakas.
Goons ~ Mas kilala sa tawag na Private Armies. Mga taga-sunod ng pultiko na parang mga asong handang tupdin ang anumang ipag-uutos ng kanilang amo. Mga taong tila inalisan ng sanidad at handang mamatay at pumatay mali man o tama ang rason.
Gold ~ Karangyaan. Pantapal, panuhol at pantakip-butas sa lahat ng anomalya, kabuktutan, kalokohan at kasamaang ginawa ng isang pulitiko. Lubhang makapangyarihan ito dahil 'pag ito na ang nagsalita, halos lahat ay nakikinig.
May kampanya na noong buwagin ang mga private armies ng mga pultiko pero tila nabahag na rin yata ang buntot ng mga taong nais lamang naman ay kapayapaan tuwing halalan at katiwasayan sa bayan.
Sa kabilang banda, may mga bayan o lalawigan din naman na pinamumunuan ng angkang mayroon pang natitirang katinuan at may katiwasayan sa kanyang lalawigan kahit alam natin na may dinastiya ay may nakikita namang bahagyang progreso at ang disiplina’y mahigpit na ipinapatupad pero mabibilang mo lang ito sa ating mga daliri! Mayroong mga tsumatsamba at nahahalal na may matuwid na plataporma ngunit isa o dalawang termino lang ang itinatagal at balik na ulit sa pwesto ang mga higante sa mundo ng dinastiyang pulitikal. Ano ba talaga ang mayroon sila at hindi sila mabuwag-buwag? Gusto natin ng pagbabago pero ibinoboto naman sila. Silang mga (B)Milyonaryo ang estado sa buhay pero ang kanilang nasasakupan ay kabilang sa isa sa pinakamahihirap na lalawigan sa Pilipinas.
Sayang at hindi nabibigyan ng pagkakataon ang iba na makapaglingkod ng matino.
Sayang at hindi nila maisasakatuparan ang maganda nilang adhikain.
Sayang at tumatanda ring kasama nila ang kanilang mga komprehensibong plataporma at ideolohiya.
Sayang at tila nauupos na kandila ang pag-asa ng tunay na mahihirap na namumuhay ng animo'y alipin sa sariling bayan. Ayaw man nila ito o ginusto.
Sayang at hindi nabigyan ng pagkakataon ang iba na makinabang sa pondo ng bayan.
Sayang.
No comments:
Post a Comment