Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Monday, November 22, 2010
Demonyo sa likod ng Maguindanao Massacre
“My wife’s private parts were slashed four times, after which they fired a bullet into it,” he added.“They speared both of her eyes, shot both her breasts, cut off her feet, fired into her mouth. I could not begin to describe the manner by which they treated her.” - statement of one the husband's victim.
Ang krimeng mas mabaho pa sa umaalingasaw na basura sa Payatas.
Ang pangyayaring mas nakakadiri pa sa nabubulok na patay at bulok na hayop.
Ang eksenang mas nakasusulasok pa sa lumalangoy na tambak ng lahat ng klaseng dumi sa ilog.
Ang kaganapang muling nagpatanyag sa bansang Pilipinas hindi sa positibo kundi sa isa na namang negatibong banda.
Ang eksenang dinaig pa ng Pilipinas ang anumang bansa sa buong mundo kabilang ang notoryus na Iraq at tagurian tayong: "ang pinakamapanganib na bansa para sa mamamahayag".
- Ang Maguindanao Massacre.
Isang taon makalipas ang kagimbal-gimbal, karima-rimarim, napakalupit, nakalulungkot, nakagagalit, nakatutulala, nakadidismaya, nakapa-praning, nakaiinis, nakakahiyang pangitain (na naman) at pang-guiness book of world records na Maguindanao Massacre; ang tanong ng marami (maliban sa mga Ampatuans): "Nasaan na ang hustisya?"
Tanong ko din 'yan. Sadya nga bang mailap na parang hayop sa gubat ang pagkamit ng hustisya sa Pilipinas? Ang Pilipinas kung saan ang may kapangyarihan ang naghahari, kung saan ang kinikilalang diyos nang iba ay pera, kung saan ang nakapwesto ay alipin nang pulitika, kung saan ang pananaw nang baluktot ang isip na ang mali ay tama at ang tama ay mali, kung saan ang katanungan ay mas marami pa kaysa kasagutan.
Hindi nakakapagtakang mabalitaan na ang magkabilang panig ay kapwa humihingi ng hustisya; ang kaanak ng bikitima at ang mga akusadong Ampatuan - mariin pa rin nilang itinatanggi ang pagkakasangkot nila sa krimen! Sinong ulol ba ang maniniwala sa kanila? Ang huwes, ang kanilang abogado, ang pulisya, ang mundo o ang kanilang kinikilalang Diyos? Mahirap magsalita ng tapos dahil baka makumbinsi at mayroon ngang mapaniwala.
Ang tao ay may angkin at likas na kasamaan sa katawan na may iba't-ibang antas kaya sinabing: "walang perpektong nilikha" dahil sa buhay natin tayo'y magkakasala, magkakamali. Minsang makararanas ng inggit, selos, desperasyon at galit subalit ang eksena sa Maguindano isang taon ang nakararaan ay hindi gawa ng isang mababaw na kasamaan ito ay sensyales na demonyo ang pumapaloob sa taong may sala nito; sa isip, sa salita at sa gawa. Ang simpleng pagsisinungaling, pagmumura, pagtikim sa bawal o pangungupit kung hindi likas na gawain ay kumukukurot sa konsensya dapat itong ipagbunyi dahil kahulugan nito'y may natitira pang kabutihan sa atin. Subalit ang maltratuhing daig pa ang mga hayop, barilin ng walang nararamdamang awa, ibaon na parang walang pakinabang na basura at iwanang parang walang anumang nangyari ang limamput-pitong tao ay gawain ng mga taong hindi kumikilala sa konsensiya, karma at tunay na Diyos. Paano mo sisikmurain ang pag-utas sa maraming buhay gayong kung aso lang natin ay mamatay ay papalahaw na tayo ng iyak? Paano ka makakatulog nang mahimbing kung walang habas kang namaril ng mga tao gayong kung nasaktan mo ang iyong anak ay agad ka ring nag-aalala? Paano ka mamumuhay nang tahimik kung ikaw ay may gawa nang bundok ng mga patay na tao gayong kung makakita ka ng naaksidente sa kalsada ay tumitimo sa isip mo nang matagal?
Limampu't-pitong buhay, limampu't-pitong pamilya ang nasira, limampu't-pitong pangarap ang naglaho, limampu't-pitong istorya ng pighati at kalungkutan. Ito lang ang nabalitaan natin dahil sa ito'y naging sensesyonal katulad ng pagiging sensesyonal sa buong mundo ng ating tiwaling pulitiko subalit sa likod ng pangyayaring ito'y may iba pang kwento na pwedeng ilahad. Tulad nang; Ilan pa ba ang pinaslang sa lugar na ito bago ang petsang nobyembre 23, 2009? Bakit ang namumuno'y bilyonaryo datapwat ang bayan ay hikahos? Sadya bang inutil ang militar at pulisya kung saan naganap ang krimen? Sa dami ng nakapwesto sa mga salarin, sila ba'y lubos na niyakap at tinangkilik ng nakararami?
Ang Maguindanao kung saan naganap ang krimen at ang paghahari-harian ng mga pulitiko dito ay sumasalamin sa tunay na kapangyarihan at kalagayan nang nalulunod sa pera at pulitika. Kung ito'y naganap sa Maguindanao maaaring naganap din ito sa iba pang lugar. Ang mga pagkakaiba nga lang ay: ito'y kumalat at nabalita sa lahat ng uri ng pamamahayag (TV, radyo, pahayagan at internet), nakababahalang bilang ng namatay at ang paraang ginamit dito. Kung ito ay bumaba sa limang bilang ng taong napaslang, walang media personality na nasangkot at malinis na pagkakabaon sa hukay malamang ay wala tayong nabalitaan ukol dito. Bago ito at sa nakalipas na mga mga panahon marami na ang napaslang, nawala at naabuso sa lalawigang ito kung hindi man natin ito winawalang-bahala ito'y hindi natin nabalitaan at ngayong sumikat, lumala at umabuso sa mataas na antas lahat ito'y uungkatin at malamang kahit na ang krimeng ibang pulitiko ang sangkot at may sala ay sa kanila ikabit at ibunton. Ganito sa atin kung kailan malaki na ang sunog saka darating ang bumbero, kung kailan marami ang napatay saka darating ang pulis at kung kailan namatay ang noo'y buhay pang taong marangal saka gagawaran ng parangal at pagkilala.
Nakalulungkot na ang parusang kamatayan ay hindi na ipinatutupad sa Pilipinas sapagkat hindi raw ito makatao. Makataong pamamaraan ng hustisya pa din ba ang dapat nating iganti sa mga demonyong nag-aanyong tao? Naisip ba nila ito noong walang habas silang mamaril at nang walang pakundangan? Hindi pa ba kademonyohan ang tawag dito? Ngipin sa ngipin, pangil sa pangil - bagamat malupit hindi naman maaari. Tsk, tsk. Sa desperadong kaanak ng biktima malamang sila'y naiinip na dahil alam nilang hindi madali ang kanilang kinakaharap at hindi mabilis ang kanilang paghihintay. Gusto ko tuloy hanapin at manawagan sa mga pulis na mahilig mang-salvage ng small time criminal, mga vigilanteng nanghuhusga sa mga drug pusher at ang kathang-isip(?) na mangkukulam at mangbabarang na may kung anu-anong masamang orasyon para sa kapit-bahay na kanilang naka-alitan.
Hindi man mahatulan ng kamatayan pwede na rin ang makulong nang habangbuhay ang mga salarin - pakunsuwelo na lang ito sa mga naiwan ng bikitima. Kahit nga mahatulan ang mga ito ng kamatayan hindi na rin nito maibabalik ang mga mahahalagang buhay na nawala at ang mga pangarap na nailibing kasama nito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment