Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Tuesday, October 26, 2010
Hanapbuhay
Bawat trabaho o hanap-buhay maging managerial position o pangkaraniwang empleyado lang ay may kaakibat na hirap. Sagana man sa pinasyal at malaki man ang kanilang mga sahod hindi biro ang binabalikat nilang responsibilidad o ang hirap ng trabaho kasabay nang pagganap sa tungkulin. Karamihan naman sa atin ay sadyang mahirap na ang trabaho ay napakaliit pa ang tinatanggap na sweldo kapalit ng kanilang pagpapakapagod at paggugol ng napakahabang oras at panahon sa trabaho. Sa liit ng kinikita ng karamihan alam natin na hindi ito sasapat sa pang araw-araw na buhay ang iilan ay hindi nakukuntento at napipilitan gumawa ng hindi kanais-nais at ilegal na gawain ngunit ito ba'y dahilan para tuluyan ng malunod sa kasalanan? Halika't alamin natin ang hirap ng kani-kanilang trabaho at ang bigat ng responsibilidad na nakapatong sa kani-kanilang balikat.
Security guard - Kung hindi pa mahirap ang pag-duty ng labing-dalawang oras sa trabaho idagdag pa natin ang panganib ng kanilang buhay. Isa ito sa hindi matatawarang hanapbuhay. Lubhang napakahirap ng kanilang trabaho, kung ang pangkaraniwang empleyado ay nasa loob ng opisina o pabrika ng walong oras ang mga security guard ay pangkaraniwan na ang lampas dito. Kung ito ang trabaho mo kailangan marunong kang labanan ang pagkabagot, pagod sa katatayo at kalalakad, puyat at kawalan ng magawa, at kawalan ng makakausap kung ikaw ay nadestino sa night shift. Kadalasan kung mayroong nakawan sa isang establisimiyentong binabantayan ang pangunahing suspek ay ang guwardiya mismo. Kailangan bang mamatay ang isang guwardiya para lang hindi siya mapagbintangan?
Pulis - Sa Pilipinas napakababa ng tingin ng mga Pinoy sa pulis kaya unfair ito sa mga matitinong pulis. Ang tiwalang binibigay sa kanila ay hindi buo sa dahilang madalas na ang nasasangkot sa krimen ay ang pulis mismo. Ilan ito sa mga dahilan kung bakit mahirap ang trabaho nila, pinipilit nilang maging matino pero ang tingin naman sa kanila ng madla ay hindi matino. Paano na lamang ang marami pa ring mga pulis na handang maglingkod ng walang kapalit? Sabi nga, 'pag ikaw ay pulis ang isang paa mo raw ay nasa hukay na totoo naman ito dahil ang front liner ng pangkaraniwang krimen ay sila kahit na hindi sopistikado ang kanilang armas, kahit na kulang sa training, kahit na ga-barya lamang ang pondo ng kanilang departamento ay pilit pa rin nilang ginagampanan ang kanilang tungkuling makapaglingkod.
Traffic Enforcer - Mainit, mausok, maalikabok at uncomfortable; kung kaya mong harapin ang lahat ng ito pwede kang maging traffic enforcer. Sa dami ng mga motoristang matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa batas-trapiko kasabay ng init ng araw ay iinit din ang iyong ulo. Kailangang manhid ka na rin sa pabago-bagong panahon dahil kung mahina ang katawan mo kinabukasan ay hindi makapapasok at kulang na ang sweldo mo. Pilitin mo mang magpakatino at tiketan ang lumalabag sa batas lahat naman ng hinuhuli mo'y may padrino, lumalaban, nakikiusap o di kaya'y may padulas. Ano ba ang matimbang tawag ng tungkulin o ang tawag ng pangangailangan?
Saleslady -Bawal umupo, bawal ang flat shoes at bawal nakasimangot requirements ito ng pagiging saleslady. Customer is always right kaya't kahit na gaano ka na kairitable sa supposed to be customer all smile ka pa rin kahit na sa totoo ay gusto mo nang batukan ito dahil sa kagaspangan ng ugali. Pagod ka na nga eh makaka-encounter ka pa ng ganyang klase ng customer. Sa hirap ng buhay ngayon at sa hirap maghanap ng trabaho na aakma sa pinag-aralan mo kahit na graduate ka ng matinong 4-year course ito ang bagsak mo. Ang tenure of service din dito ay walang kasiguruhan dahil kahit na dedicated ka sa kompanyang pinapasukan mo ay kadalasan mae-endo (end contract) ka. Paano na lamang 'pag umabot ka na sa edad na 28? Wala nang tatanggap sa'yo bilang saleslady dahil ang turing naman sa'yo ay isa nang over-age!
Nurse - Ang makakita ng tumatalsik na dugo, labas na mga buto at nag-aagaw buhay na mga tao ay hindi kaaya-ayang eksena pero ito ang araw-araw na kinakaharap ng ating mga nurse, idagdag mo pa diyan ang eksena ng isang pamilya ng pasyente na tumatangis dahil sa dalawang dahilan: ang hirap at sakit na dinaranas ng pasyente at ang urong-sulong na desisyon dahil sa kawalan ng pera. Kailangan ng matibay na sikmura, matinding dedikasyon at pagmamahal sa trabaho para makatagal sa trabahong ito kung half-hearted ka hindi ka qualified maging nurse. Nakakalungkot lang malaman na nagiging stepping stone lang ng ating mga nurses ang pagta-trabaho sa mga local hospitals dahil karamihan sa kanila 'pag may experience na ay sa US o Europe na magta-trabaho.
Doktor - No offense meant, 'di hamak na mas mataas ang antas nang pinag-aralan ng mga doktor kaysa sa mga nurses pero dahil sa mas magandang oportunidad na naghihintay sa mga nurses sa mga mauunlad na bansa napipilitang mag-aral muli ng pagka-nurse ang ating mga doktor natin dito. Gaya ng nurse, kailangan sa trabahong ito ang may matibay na sikmura at damdamin at walang selan sa paghawak nang sakit ng pasyente nakakahawa man ito o hindi. Para sa akin itinuturing ko silang mga tahimik na bayani dahil ang magsalba ng buhay ang kanilang sinumpaang tungkulin bagamat karamihan sa mga doktor ay batid na walang sapat na pasilidad para sa ilang operasyon ng malalang sakit o mga pasyenteng salat sa pambayad sa hospital at doktor patuloy pa rin sila sa pagbibigay lunas sa mga nagngangailangan ng kanilang serbisyo. Pero hindi naman maaari na palaging "labor of love" lang ang kanilang serbisyo sa hirap ng buhay, sa laki ng ginastos sa kanilang matrikula at sa tagal na panahon nang pag-aaral dapat din nating ibigay sa kanila ang karampatang sahod at respeto.
Guro - This is one of the underrated job in the Philippines considering na ang karamihan sa estudyante these days ay napakakukulit, napakalilikot at matitigas ang ulo. Just imagine the scenery of 40+ students from different walks of life na hindi nakikinig sa pinagtuturo mo. Paos na ang boses mo eh parang hindi naman interesado ang karamihan sa kaniyang estudyante. Idagdag pa natin ang pag-gawa nila ng lesson plan sa gabi para sa kaniyang ituturo sa susunod na mga araw. Hindi na ko magtataka kung bakit maraming mga guro ang nagiging DH sa Hong Kong dahil sa barya-baryang sweldo nila. Ilang mga guro na rin ang napahamak sa tuwing magkakaroon ng eleksyon dahil sa sila ang mga front liner na parang mga sundalo sa giyera na dumedepensa, nakikipaglaban at nakikipag-agawan sa mga balota ng mga gunggong nating mga pulitiko. Kung may pangarap kang yumaman hindi ito ang trabahong para sa'yo.
Bumbero - Naaalala lang natin sila sa tuwing may sunog, akala lang natin madali ang trabaho nila dahil bihira lang naman ang sunog pero dahil ang bansa natin ay mahirap syempre kabilang sila sa sangay ng gobyero na kapos sa pondo, resulta: kakulangan sa fire-fighting equipments, firetruck na kakarag-karag, lumang communication equipment at unipormeng magpo-protekta sana sa kanila sa pagtuos sa sunog. Huwag ka na ring magtanong kung bakit mas nauunang dumating sa sunog ang Volunteer Firefighter kaysa sa gov't firefighter. Habang ang mga tao ay tumatakbo palayo sa sunog sila naman ay lumalapit pa at buong-tapang na aapulahin ang nag-ngangalit na apoy sa kabila ng kakulangan ng nasabi kong equipment. Madalas pa na inaaway sila ng mga residenteng nasusunugan dahil lahat ng mga ito'y gustong unahin ang bahay nila at minsan naakusahan pa silang may kinikilingan kung hindi napagbigyan. Hindi ba nila alam na karamihan diyan ay walang mga sweldo at nagmamagandang-loob lang?
Sundalo - Matagal na silang pinangangakuan ng mataas na sahod at modernong mga armas pero ngayon nananatili pa rin itong pangako. Habang ang mga walang ranggong sundalo ay nadedestino sa iba't-ibang probinsya, nalalayo sa mahal sa buhay, nakikipagbarilan sa mga NPA, Abu Sayaff at mga bandido, ang mga opisyal naman nila ay nasa loob ng isang kwartong malamig at nagkakamal ng pondong nararapat na para sa lahat, kumakain sa mamahaling restaurant at nagseseminar sa Russia at Europe gamit ang pondo ng Armed Forces. Ganun talaga, life is unfair di ba? Sila ang napakagandang halimbawa ng katagang: "Ang mamatay ng dahil sa'yo". Hindi nila alintana ang panganib kahit na ang hawak nilang mga M-16 ay panahon pa ni Marcos habang sa mga Abu-Sayaff naman ay may M-203, high-caliber na mga baril, GPS at satellite phones. Malalaman lang natin ang kabayanihan nila kung may namatay sa kanila at naibalita sa paborito kong 24-Oras.
Reporter - Kung wala kang pagmamahal sa trabahong ito ngayon pa lang 'wag mo nang pangarapin na maging reporter. Akala ng marami na madaling yumaman kung ikaw'y ay isang reporter pero taliwas ito sa katotohanan. Oo nga na may mga umuunlad ang buhay at umaasenso sa pagiging reporter pero ito ay mga isolated case lamang. Sila yung mga napupunta sa mga higanteng istasyon na nabibigyan ng magandang oportunidad pero ilan lang ba ang kailangang reporter ng bawat istasyon? At ilang libong estudyante din ba ang guma-graduate taon-taon ng journalism o masscom? Kung ito ang trabaho mo iwaksi mo na ang iyong mga nightlife, ang pagiging tamad at antukin dahil ang kailangan sa pagiging reporter ay ang pagiging resourceful, always on the go, intelihente at masipag. Kung ang lahat ng istasyon ay may ulat sa nasasakupan mong field of assignment at ikaw ay wala, sermon ang aabutin mo kung hindi suspensyon. Wala ka ring karapatan na tumanggi kung ma-assign ka man sa pinangyarihan nang bagyo, lindol, riot, welga o massacre site.
Bus Driver - Ang kanilang kikitain ay nakadepende sa dami ng pasahero nila, hindi fixed ang kanilang sweldo at ang kanilang pinakasweldo ay nasa pagitan ng 20% to 30% ng kabuuang kita sa maghapong pagmamaneho na tumatagal ng 12-18 oras! Sila ay napaka-underpaid dahil sa kabila ng pagpapakapagod sa stressful job na ito karamihan sa kanila ay walang sick leave, vacation leave, night differential, OT pay, hazard pay at kung anu-ano pang pay. Wala rin silang job security dahil ang mga operator nila ay gustong contractual lang sila. Karamihan ng sakuna sa kalsada ay involved ang mga bus ang dahilan ng driver: pumalyang brake o pumalpak na makina. Maaaring driver error din ito pero sa kabilang banda at kung susuriing mabuti ang mga bus na sangkot sa aksidente ay mga lumang modelo na hindi na dapat pang bumibyahe. Responsibilidad dapat ito ng LTO na huwag ng i-renew ang prangkisa kung magdudulot nang panganib sa mga pasahero. Masisisi mo ba sila kung matakaw sila sa pasahero? Sa dami ng alternatibong pwedeng sakyan ng pasahero at mga lalagyang mga tiwaling traffic enforcers may violation man sila o wala.
Call Center agent - Ito na marahil ang pambansang hanapbuhay ng mga Pilipino. Bukod sa pagiging OFW ito ang next in line na gustong trabaho ng mga gumradweyt sa isang 4-year course. Habang ang karaniwang Pinoy ay patulog na heto ang mga call center agents nag-uumpisa pa lang mag-trabaho hindi ka ganap na call center agent kung hindi mo maranasan ang night shift. Parang simple lang ang trabaho nila; magandang salary at disenteng pananamit. Sa dami ng reklamador na mga tao (lalo na ang mga pinoy) dapat ay maging relax (read: manhid), focus (read: bingi) at accommodating (read: plastic) ka pa rin sa mga client na naninigaw, nagmumura at halos isumpa na ang kausap na call center agent. Buntunan sila nang sisi ng mga customer na ito kahit na hindi naman sila direktang empleyado ng kanilang niri-represent. Hindi naman sila binabayaran para alipustahin pero parang ganun na rin, idagdag pa natin ang mga caller na walang relevant ang question, kwento ng kwento ng walang kwenta at mga mahihirap intindihin ang mga pinagsasabi. Pls watch: http://www.youtube.com/watch?v=GFcwQdmln0s
Accountant - Marami ang may ayaw sa numbers lalo't sa Math pero ang mga accountant ay ito naman ang nakahiligan. Hindi man CPA Board Exam ang itinuturing na pinakamahirap na exam pero mas marami ang umaayaw dito. Mahirap ang kanilang trabaho dahil hindi biro ang magbalanse araw-araw na ultimo kahuli-hulihang piso ay dapat eksakto dahil kung hindi malamang mag-abono ka o gagawan mo ito nang "paraan". Labag man sa kanilang kagustuhan sila rin ang may sapat na kaalaman na mapababa ang mga buwis na dapat sa gobyerno. Masisisi mo ba sila kung hanap lang naman nila ay trabaho? Ang accountant ay napakalapit sa tukso at kung hindi mo kayang labanan ang temptasyon na ito at marami kang pangangailangan baka makagawa ka ng kasalanan unti-unti at hindi mo namamalayan katulad ka na rin ng mga pulitikong ganid.
Abogado -Thou shall not lie. Parang ang kautusang ito ay napakahirap tuparin kung ang iyong propesyon ay ito. Sila ang may itinuturing na pinakamahirap na exam (pero para sa akin ay ang Medical Board Exam) saan man. Bukod sa talino kailangan din nang talento sa pag-iinterpret ng batas at skills sa pakikipagdebate sa korte. Kunsabagay lumalabas na natural na lang ito kung ikaw ay likas na matalino. Hindi usapin ng pera ang pagiging mahirap sa kanilang propesyon dahil kung nanaisin nila marami ang mag-o-offer sa kanila ng magandang salary kaya nakabibilib ang mga abogadong nasa Public Attorney's Office (PAO) na nagbibigay nang serbisyo sa mga dukha ng libre. Ang mahirap sa trabaho nila ay ang pag-aralan ng mabuti ang hawak na kaso at pakikipaglaban sa kanilang kliyente na ito'y maabswelto at hindi makulong kahit na alam niya sa sarili niya na ang kanyang kliyente ay may sala! Aminin man nya ito o hindi. Ano ba ang importante ang tawag ng tungkulin? ang tawag ng pera? ang kagalingan sa korte? Kailangang ihiwalay mo rin ang emosyon mo 'pag ito ang trabaho mo. Hindi pwedeng maaawa ka isang rape victim kung ang kliyente mo ay naakusahang rapist. Hindi pwedeng "i-tabla" mo ang hawak mong kaso kahit na alam mong ang kliyente mo ang may utak sa pag-massacre sa Maguindanao. Hindi pwedeng paaminin mong guilty ang kliyente mong notorious na pusher na sumisira sa pamilya at kinabukasan ng maraming kabataan. Ika nga eh, trabaho lang walang personalan.
OFW (in general) - Sila ang bagong bayani kung ituring natin pero ang mga benepisyo at proteksyon ba na nararapat para sa kanila ay naibibigay? Kung akala ng karamihan ay mas madali ang mamuhay at magtrabaho sa ibang bansa eh marami ang nagkakamali diyan. Mayroong mga instances na maginhawa at madali pero kung iyong susuriin mas marami ang hirap kaysa sarap lalo't sumuong ka sa bansang wala kang kamag-anak o kaibigan. This is a case of homesick vs. dollar. Marami ang lumuluha, nagtitiis, nagdurusa at nagpapaka-api para sa kapakanan at kinabukasan ng mga naiwan nila dito sa Pilipinas. Napakalapit din nila sa tukso lalo't kung masyadong silang nabalot nang kalungkutan at pagkabagot. Ang anumang masamang problema na ibabalita mo sa kanila ay lalong magdudulot ng pagkabalisa at pagkawala ng konsentrasyon sa trabaho, skilled worker man sila o propesyonal. Ang konotasyon na ang OFW ay mayaman ay dapat nang ibasura ng mga kapit-bahay at kamag-anak ng mga naiwang OFW dito sa Pinas, na sa tuwing bakasyon ng isang OFW dito ay katakot-takot na kaibigan at kamag-anak ang humihingi ng pasalubong at kung mayroon kang nakaligtaan ay siguradong mapupulaan ka. Gustuhin man ng ibang OFW na huwag nang magtrabaho sa abroad ay hindi niya magawa dahil sa dumadami na ang umaasa sa kanya; aakalain niyang nakaipon na siya ay hindi pa pala. Kung mayroong sapat na trabaho para sa kanila sigurado mas marami ang nanaiising dito na lang mahirapan kaysa ibang bansa.
Customs Broker - This is last on the list hindi dahil mas angat ito sa mga propesyong nasa itaas, nasa huli ito dahil ito ang aking trabaho at nais kong ipaliwanag ang hindi madaling parte ng aming hanapbuhay. Ang pagiging lic. customs broker ay isang halimbawa ng mistaken identity dahil kapag sinabing "customs broker" ang pumapasok sa isip ng karamihan ay "mayaman". Maling-mali ito. Maaaring maganda ito pakinggan pero hindi simple ang trabahong ito. Maraming mga broker (esp. young broker) ang ginagamit lang ng kani-kanilang mother company na binibigyan lang ng hindi sapat na "signing fee" sa kabila ng panganib na kanyang pinipirmahan, hindi sasapat ang kanyang natatanggap na signing fee kung magkakaroon ng matinding problema sa kanyang napirmahan. Ang gobyerno ay maaari kang habulin partikular na ang BIR, BOC at mas malupit ay ang DOJ na eventually suspensyon ng PRC ID kahit na ilang mga taon na ang nakalipas kaya't malaking problema kung hindi ka na empleyado sa napasukan mong dating kompanya na may problema. Idagdag pa natin ang pag-ayuda ng mga broker sa paglala at pagkagarapal ng katiwalian at korapsyon sa mga empleyado ng BOC, magmula pinakamataas na opisyal hanggang pinakamababang empleyado. Hindi man gustuhin ng broker na gawin ito ay wala siyang magagawa, walang choice; kailangan sumunod sa agos ng tubig kundi'y maiiwan ka kasabay ng iyong mga papel na hindi makakarating sa dapat puntahan. Ang tamang dokumento ay hahanapin ng mali at ang maling dokumento ay magiging tama kapag may panggastos. Ang tuwid na daan ay hindi mo makikita sa trabahong ginagawalan ng broker dahil mistula itong KANSER na wala nang lunas. Kung sasapat ang buwanang sweldo ng mga empleyadong ito sa kanilang mga luho maaaring masugpo ang korapsyon. Kailan? Asa ka pa. Kaya 'wag ka nng magtaka kung maraming mga empleyado at opisyal nito ang may malalawak na properties, magagandang bahay, magagarang kotse, atbp. Itatanong mo pa ba kung saan nanggagaling yun? Siyempre karamihan sa kanila ay may mga negosyo. Monkey business nga lang. Habang ang broker ay kabi-kabila ang subpoena at kasong kinakaharap dahil sa naging problema niya sa dokumento ang mga empleyado at opisyal na dapat sana'y may kaso din ay patuloy na humahakot ng "grease money". Sa pagkakaalam ko it takes two to tango.
Marami pang mga hanapbuhay ang may kakambal na hindi birong hirap na sadyang hindi ko na isinaad sa dahilang masyado na itong hahaba, nakakatamad na basahin. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na ako saludo sa kanila na sa kabila ng hirap at hindi makatarungang baba ng kanilang mga sweldo ay ginagampanan pa rin nila nang matapat ang kanilang tungkulin. Ang trabaho ay isang napakalaking bahagi ng ating buhay; sa katunayan tayo'y isinilang para maghanapbuhay, pinag-aral, pinalaki at iminolde para dito. Kung hindi mo naranasan ang magtrabaho hindi ganap ang iyong pagkatao dahil ang pinakamayayamang tao sa mundo ay nagbabanat ng buto para magkapera. Ang pagganap sa tungkulin o obligasyon mo sa trabaho anuman ang iyong posisyon ay dapat na yakapin at mahalin, maaaring hindi sapat ang kinikita mo sa bigat nang binabalikat mong responsibilidad pero ganyan talaga ang buhay. Mahirap ang buhay malupit ang mundo; bawat tao ay may kanya-kanyang pag-iisip anuman ang gawi mo ay dapat mong panindigan; maraming nagaakala na mas matimbang ang tawag ng pangangailangan kaysa tawag nang tungkulin subalit naisip mo na ba ang magiging dulot nito sa iyo at sa iyong pamilya? Saan ka man mapunta, anuman ang pinag-aralan mo, anuman ang estado mo sa buhay kakambal na natin ang pagtatrabaho.At tandaan: Kahit ang pinakamayamang tao sa mundo ay nagtatrabaho.
Ika nga eh: "Hindi mo kasalanan ang isinilang kang mahirap pero kasalanan mo kung mamatay kang higit na mahirap".
No comments:
Post a Comment