Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Friday, October 8, 2010
Blasphemous Rumours
Hiramin ko muna ang titulo ng kontrobesyal na kanta ng isa sa paborito kong grupo noong 80's ang Depeche Mode.
Blasphemy is in the eyes of beholder.
Ano ba ang batayan para masasabi na isang blasphemy ang iyong ginagawa? Ang iyong isinusulat? At ang iyong sinasabi?
Ano ba ang kahulugan ng blasphemy sa isang bansang Katoliko?
Hanggang saan ba ang limitasyon ng kalayaan ng pamamahayag ng saloobin?
Ang pag-suporta ba sa RH BILL o anumang uri ng contraceptives ay pwedeng dahilan para itakwil ka ng simbahan? Na niyakap mo at ng iyong angkan simula pagkabata.
Ang contraceptives nga ba ay mga abortifacients?
Ang bawat sabihin ba ng kaparian ay isang sagrado at dapat na tupdin ng isang katolikong tulad mo?
Hanggang saan ka ba dadalhin ng iyong relihiyon?
Ito ba ay sapat at ganap na makakapagligtas sa iyo sa hindi mo gustong patunguhan?
Hindi ba sapat ang kagandahang asal na iyong ipinakita at ginawa na sa isang iglap ay bale-wala dahil ikaw ay tumangkilik sa mga contraceptives?
Sabi ng simbahan, ang artificial birth control ay isang uri ng abortion tama ba ito?
Kung ito'y tama...kung gayon napakaraming mga katoliko ang tumangkilik na rin sa abortion?! Hindi ito magandang balita.
Mababaw lang ang aking kaalaman pagdating sa relihiyon, lalo't sa blasphemy akin itong inilalahad sa paraang alam ko at hindi sa pagmamagaling, nagtatanong dahil ako'y naguguluhan, nagsusulat para maintindihan. Ang usaping pulitika at relihiyon ay napakalawak para itong karagatan na hindi masukat ang tamang lawak at lalim, iba't-ibang pananaw iba't-ibang paliwanag. Maaaring sa pananaw mo'y ikaw ay tama subalit sa iba ay mali naman pala, maaaring sa akala mo'y sapat na ang iyong kaalaman pero marami pa palang dapat pag-aralan. Isinilang akong katoliko at gusto kong mamatay ng katoliko maaaring ako'y hindi banal pero mas nanaisin ko ang relihiyong ito kaysa ibang relihiyon. Ang pagkakamali at pagkakasala ay hindi maiiwasan ninuman pero hindi ito dapat na gawing dahilan para sa patuloy at paulit-ulit na pagkakamali. Ang bigat ng kasalanan ng bawat tao sa bawat bansa ay iba-iba ngunit ang ating kasalanan sa batas ng Diyos ay pare-pareho, pantay-pantay, walang halaga kung ikaw man ay mahirap o mayaman. Walang katoliko na gustong ma-excommunicado o matiwalag sa kanyang ninais na relihiyon. Nakalulungkot malaman na ang pagsuporta at pagtangkilik sa artificial birth control ay isa palang mortal na kasalanan ayon sa simbahan kung ito nga'y isang uri ng aborsyon. Ayon sa survey halos 90% ng Pilipino ay sang-ayon o suportado ang hinahaing batas para sa artificial birth control subalit ayon naman kay Sorsogon Bishop Bastes: "What is approved by the people does not mean it is approved by God" taliwas naman ito sa lagi kong naririnig na: "Vox populi Vox Dei" - na ang ibig sabihin ay voice of the people is the voice of God. Sabi ko na nga ba iba't-ibang interpretasyon, iba't-ibang paliwanag.
Carlos Celdran, isang tour guide na ang kanyang adbokasiya ay suportahan ang RH BILL, kung ang lalaking ito ay nabuhay noong 1800'S Panahon ng Kastila (na ang tingin ng mga prayle sa kanilang sarili ay Diyos) sigurado binaril na rin ito sa Bagumbayan. Karapatan ng bawat tao na manindigan at maipaglaban ang kanyang paniniwala subalit lumampas nga ba siya at malaking pagkakamali ang kanyang nagawa? Sino ba ang magsasabing mali siya; ako, ikaw, ang pulis o ang simbahan? Sa akin lamang opinyon ay tamang-mali. Tama, dahil sa siya'y may adhikaing pinaglalaban subalit mali dahil ito'y ginawa sa isang maling lugar. Siya ba ay makabagong Jose Rizal? Na bukod-tanging katoliko na (sa pagkaka-alam ko) harap-harapang tumuligsa, bumatikos at nagbulalas sa harap ng mga matataas na namumuno ng simbahang katoliko at sinabing: "STOP GETTING INVOLVED IN THE POLITICS!" . Nakabibilib ang kanyang tapang bibihira ang katoliko na may kakayahang ipahayag ang kanyang saloobin sa "radikal" na paraan. Ngunit sa kabila ng kanyang "pagaalipusta at pambabastos" sa banal na simbahan napakaraming sumusuporta sa kanyang ginawa! Ibig sabihin nito'y ang mga taong sumusuporta kay Celdran ay sumusuporta rin sa RH BILL. Kung ang ginawa ni Celdran ay maging dahilan ng kanyang pagiging excommunicado sa simbahan dapat din bang ituring na excommunicado ang mga taong sumuporta sa kanya? Blasphemy din bang matatawag ang ginawa niyang ito? Hanggang saan ba dapat makialam ang simbahan sa pulitika? Pero teka nakikialam nga ba sila? Ang separation of church and state ay matagal ng isyu sa ating bansa subalit walang matalino na naglahad ng eksaktong depinisyon nito at walang matapang na nagpaliwanag ang hangganan ng simbahan o ng kaparian dahil siguro sa pagiging sagrado-katoliko ng karamihan ay hindi na natin ito binibigyang-diin at pansin. Kung hindi kaya nakialam at nanawagan ang simbahan na mag-aklas laban sa rehimeng Marcos sa 1986 EDSA Revolution ay magiging matagumpay kaya ito?
Sa kasalukuyan ang populasyon ng Pilipino ay mahigit na 90 milyon lubhang napakalaki nito para sa maliit na bansang Pilipinas at marami ang naniniwala na isa ito sa sagabal sa pag-unlad at pag-usad ng eknomiya. Kung kokontrolin ba ng pamahalaaan ang populasyon ng Pilipinas, ito ba'y kasalanan?
Ano ba ang mas makasalanan ang pag-gamit ng condom o pagbabasura ng mga fetus at sanggol sa kung saan-saan araw-araw?
Ano ba ang mas makasalanan ang pag-inom ng pills o pagpapa-abort ng libo-libong kababaihan?
Mas makasalanan din ba ito sa taong pumapatay dahil sa kahirapan?
Mas makasalanan din ba ito sa mga taong nagtutulak ng droga?
Mas makasalanan din ba ito sa mga taong paulit-ulit na nanghahalay ng kababaihan?
Mas makasalanan din ba ito sa mga pulitikong garapal na nagnanakaw ng pondo?
Mas makasalanan rin ba ito sa taong gumagawa ng "street crimes" dahil sa kawalan ng pera?
Mas nanaisin mo ba na maraming batang kalye na namamalimos o nagbubungkal ng basura? Sa halip na nag-aaral sa loob ng silid-aralan abala ang mga kabataang ito na maghagilap ng kung anong pagkakakitaan para may pagkain ang pamilya.
Hindi na tayo nabubuhay sa panahon ng mga makasariling mga gobernadorcillo at mga prayle na matakaw sa kapangyarihan (ayon sa kasaysayan) subalit nandiyan naman ang mga pulitiko at mga namumuno na may kaparehong ugali. Lahat ay magaling, lahat ay mahusay, lahat ay tama, lahat may tuligsa. May nagawa na ba sila para sa nagdarahop na karamihan at karaniwang pilipino? Kung ako lang ang masusunod sasabihin kong mas kalapastanganan ang ginagawa ng mga ganid na namumunong ito na nagkukunwaring maglilingkod sa bayan o sa tao at ituturing ko itong BLASPHEMY sa mataas na antas kaysa ang magkontrol ng pamilya. Pero hindi ako ang may otoridad para dito kaya bato-bato sa langit ang tamaan ay masakit.
Napakahirap ng kalagayan ni Pnoy gusto niyang isulong at panindigan ang RH BILL pero tutol dito ang simbahan. Ano ba ang mahalaga para sa kanya ang pagpigil (mapipigil nga ba o ugat lang ng korapsyon) sa lumolobong populasyon o mapagbigyan ang kagustuhan ng simbahan? Kung maisasabatas ang RH BILL maaari ba siyang ma-excommunicado gayundin ang karamihan sa Pilipino? Blasphemy din ba ito? Anti-church din bang matatawag ang batas na ito? Naisip ko tuloy ang mga Hudyo noong panahon ni Hesukristo. Gusto ko tuloy ihalintulad sa kanila ang mga taong nasa likod ng batas na ito, oo nga't hindi si Bro ang kanilang inuusig subalit sila naman ay kasangkapan para pigilan ang pag-usbong ng marami pa sanang tao sa Pilipinas! Kung ito nga ay katumbas ng pagpatay ng inosenteng sanggol na nasa tiyan pa lamang. Nakakatakot na pangitain. Ani Bishop Cruz, kasunod daw ng pag-aproba sa RH Bill ay maaaring pagsasalegal ng diborsyo, same sex marriage at aborsyon! Ito ay isang halimbawa ng lohika at teorya lamang pero siguro kapag may nagpanukala nito mas marami ang hindi sasang-ayon dito. Ang pag-gamit ng contraceptives at aborsyon ay magka-iba kaya ituring silang magkahiwalay.
Tama nga na obligasyon ng pamahalaan na bigyan ng hanap-buhay ang bawat mamamayan subalit hindi ito ang katotohanan kaya nga majority ng mga Pilipino ay gustong maghanap-buhay sa ibang bansa. Ang katotohanan ay harapin natin na dumarami ang mga Pinoy na mangmang at pulubi ang dahilan nito ay kahirapan at walang sapat na kaalaman sa pagpaplano ng pamilya. Sa katunayan kung sino pang pamilya ang salat sa buhay sila pa ang may maraming anak. Sa pagdami ng mga batang ito, hindi na sila napapakain ng tama (malnourished), marami sa kanila ang hindi nakakapag-aral (tambay), marami ang napapabayaan at naliligaw ng landas (addict). Sino ba ang nasa tamang posisyon para diktahan ang tamang bilang ng anak? Kung ang sarili nga nating pamilya ay nangangailangan ng kalinga kaya mo pa bang tulungan ang milyong batang palaboy? Kaya bang pakainin ng gobyerno ang mga batang ito? Kaya bang ibigay ng simbahan ang pangngailangan nila? Ooops...Anti-church yata ang nasabi ko! Baka ma-excommunicado rin ako at ituring na blasphemy ang blog ko na ito. :-(
No comments:
Post a Comment