Thursday, July 30, 2015

Mananakop



"Balang araw ay makakarating din tayo sa planetang 'yan. Iyang lugar na 'yan ang magiging ikalawang tahanan natin at aariing sa ating lahi ang lahat ng kayamanan at likas-yamang ating makukuha doon" susog ng kausap na si Lexi na nakatanaw sa isang asul na planetang kanyang natatanaw gamit ang isang sopistikadong telescope.


"Pero hindi ba't may mga katulad na nating nakarating diyan? At balitang totoo ngang nakakabighani at kamangha-mangha ang kanilang planeta. Sagana rin ito sa ginto, pagkain, malinis na tubig at mineral. Pero hindi pa rin sigurado ang ating mga dalubhasa kung kakayanin ba natin ang supply ng hangin, atmospera at klima sa ganyang planeta." sagot ni Dex kay Lexi.


"Marami-rami na nga raw ang matagumpay na nagtungo diyan upang pag-aralan ang lahat ng tungkol sa planetang 'yan kabilang na ang kanilang uri ng lupa, bato, hangin, tubig at iba pa pero hanggang ngayon nananatili pa ring lihim amg resulta nito sa atin." makahulugang sagot ni Lexi. "Kung mayroong matagumpay na nakabalik, sigurado akong marami ring nabigo at mga nasawi sa paglalakbay na tinuturing ng lahat na napakalaking tagumpay sa larangan ng siyensiya, agham, transportasyon at teknolohiya. Ang mga nasawing 'yon ang sakripisyo para sa kapakanan ng ating kinabukasan at ng susunod na salinglahi. At kahit anong pagtanggi pa ng ating gobyerno hindi nila maitatago na hindi sila tumitigil na gumastos ng malaking halaga upang pag-aralan at kalaunan ay sakupin ang planetang sa tingin nila'y maari nating ikalawang tahanan."


"At ang sigurong kakatwa rito ay tila ganundin yata ang motibo ng mga taga-ibang planeta -- ang sakupin ang iba pang planeta at makinabang umano ang lahat sa mga yamang kanilang makukuha. Ang lihim na ito ay pilit pang itinatago, na bukod sa atin ay mayroon pang ibang nilalang na nabubuhay sa kalawakan." astang dalubhasa kung magsaad ng kwento si Dex.


"Hindi malayo na sa darating na panahon ang mga katulad natin ay kakailanganin ng ating gobyerno o ng ating pinuno hindi upang labanan ang mga rebelde, hindi upang ipagtanggol ang planeta natin kundi upang lusubin at lipulin natin ang mga nilalang na nabubuhay sa planetang 'yan. Para saan ang malalakas nating mga armas kung hindi natin ito gagamitin? Para saan ang bilyon-bilyong halaga na ating mga fighter planes kung hindi natin ito gagamitin sa ating magiging kaaway?" sa tono ng kanilang usapan ay tila sigurado na sila sa kanilang mga sinasabi.

Nagpatuloy si Lexi.
"Hindi na maitatago ang balitang sa lahat ng mga nilalang sa kalawakan ang lahi ng mga naninirahan sa planetang 'yan ay sila ang pinakasakim, pinakamarumi, pinakamaramot, at walang malasakit sa kapwa. Ang maganda at mayamang planeta nila ay 'di nila inaalagaan at patuloy lang nilang sinasalaula, ang napakaraming bilang ng mga nagugutom ay 'di nila makuhang pakainin sa kabila nang napakarami ring bilang ng mayayaman, sila-sila ay nagpapatayan para sa sarili nilang interes, gumagawa sila ng malalakas na armas para patayin ang isa't isa. Ang tanging mahalaga lang sa kanila ay ang tinatawag nilang 'pera'. Pera upang sila'y maging makapangyarihan, upang apihin at alipustahin ang mga salat dito. Ang mga nilalang na katulad nila ay hindi dapat nabibigyan ng puwang na mabuhay at magparami ng lahi. Sila'y kahihiyan sa kalawakan! " Ang kaninang simpleng usapan lang ng magkaibigan ay nauwi sa seryosong diskusyon.

"Sa mahabang panahon palagi nila tayong nilalarawan na pangit, mananakop, walang awa, sakim, masama, malupit at panganib sa lahat ng kanilang sulatin o pelikula ngunit ang totoo'y taglay nila ang lahat ng mga katangiang ito. Maari ngang hindi sila pangit kumpara sa itsura natin pero totoong sila'y mananakop, walang awa, sakim, masama, malupit, at mapanganib. Kung ganon ang tingin nila sa atin gagawin na natin itong totoo dahil mas karapat-dapat tayong mabuhay kesa sa kanila! Ang tawag sa kanila ay tao pero hindi sila makatao! Ang napakagandang kanilang tahanan na kung tawagin ay mundo ay sila rin mismo ang sumisira at wumawasak at kesa tuluyan na itong hindi mapakinabangan, mas mabuti nang ito'y maging sa atin upang magbigay daan sa pagpaparami ng ating populasyon."

"At kung dumating na ang panahong tayo'y ipatawag ng ating gobyerno para gawin ang ating tungkulin gagampanan ko ito ng walang pagdadalawang isip. Walang problema sa akin kung magbuwis man ako ng buhay para lamang malipol ang mga mamamayang naninirahan sa planetang mundo dahil walang karapatang mabuhay ang mga tulad nilang walang malasakit at walang pagmamahal sa kanilang kapwa."

"Oo, sang-ayon ako sa'yo pero tama na nga ang ganyang usapan mabuti pang umuwi na lang tayo bukas na lang ulit tayo magkita. Malalim na ang gabi at masyado na ring malalim ang ating mga iniisip." tinapos na ni Dex ang usapan. 

Thursday, July 16, 2015

Real Talk #1


Habang tumatagal lalong hindi nagiging youth-friendly at post-worthy ang mga lumalabas sa internet i.e. social media. Habang ini-expect nating magkaroon ng isang breaking news o article na magmumulat sa lahat (partikular na sa kabataan) nang isang post na magbabalik at magbubukas sa kaisipan natin sa kahalagahan ng buhay, ng pangalan, ng bayan, ng bayani, ng pananampalataya, ng dignidad, ng kalusugan, ng kapaligiran, ng edukasyon, ng mundo, ng kapwa, ng respeto, at ng iba pa – tila kabaligtaran ang ating nakikita.


Habang tumatagal pabata nang pabata ang nai-involve sa kontrobersiya, scandal o krimen at sa pamamagitan ng platform na social media tila parang parada ito ng magagandang mga bulaklak na pinagpipiyestahan sa tuwing may pagdiriwang ng Panagbenga Festival. Mabuti sana kung ang link na ating iki-click ay palaging maghahatid ng dagdag kaalaman sa ating kamalayan, o ng impormasyong makakatulong sa araw-araw na ating pamumuhay o ng social awareness kung papaano ‘wag masangkot o mabiktima ng scam.


At siguro kahit pa mayroong relevant at post-worthy na mga article ang maglabasan, dadaan lang ‘yan sa ating mga news feed kasi para sa marami hindi ito interesting, hindi entertaining at hindi nakakatawa – walang dating. Hindi ito magti-trend, hindi ito magki-click, hindi tatangkilikin ng marami, gaya ng hindi pagtangkilik ng madla sa dokumentaryo ng GMA News TV na nagsasaad ng lugmok na kalagayan ng bansa.


‘Yung mga nagti-trending sa social media kadalasan nakakatawa pero kung susuriin mong maigi iilan lang dito ang nakakatuwa. May mga video/ post na talaga namang nakaka-pollute sa isipan ng mga kabataan at ‘wag na natin itong itanggi pa, at ang masama rito ‘pag ang kabataan ay kulang sa pang-unawa o walang guidance sa kung ano ang mali at tama, aakalain niya na cool ang mga ganung bagay, na normal lang ito, na wala itong problema at dahil nga kulang sila sa pang-unawa at pag-intindi --- ‘yun ay gagayahin nila.


Hindi sa lahat ng oras ay laging nariyan ang mga magulang/ guardian para gumabay sa kabataan at dahil walang kontrol at restriksiyon sa paggamit ng social media ang mga kabataang ito – hindi natin namamalayan na malaking bahagi ng kanilang puberty period ay impluwensiya ng internet.


Hindi dahil nakakatawa ‘yun na ang tama at hindi dahil okay sa nakatatanda ang napapanood o nababasa okay pa rin ‘yun sa kaisipan ng mga bata. Kairesponsablehan ang mag-share ng mga post na lalason sa kamalayan ng mga kabataan at sana ‘wag nang umabot sa puntong gaya ng mga adik o kriminal sa lansangan, kakatakutan at pangangambahan na rin natin ang kabuuan ng nilalaman ng world wide web maging Twitter man ito, Facebook o Instagram.

Monday, June 29, 2015

Dine-In



Swerte lang siguro at napasok ako sa sosyaling restaurant na ito. Nakatulong marahil ang pinagsama-samang kwalipikasyon ko: graduate sa magandang unibersidad, sapat na experience at 'pleasing personality'. Hindi ba't nakakagagong isipin na kailangang may 'pleasing personality' ang isang tao upang makahanap nang matinong mapapasukan? Paano na lang ang mga aplikanteng kapos nito? Ibig bang sabihin nun na dapat ay makontento na lang sila sa kung anong kompanya ang magtitiyaga sa personality nila? 'Yung kompanyang hindi judgmental, pantay ang pagtingin sa lahat ng antas o uri ng aplikanye, 'yung kompanyang tinitingnan ang kapasidad at kakayahan mong gampanan ang ibibigay sa'yong trabaho hindi dahil sa ikaw ay maganda o gwapo lang.


Isa akong bagitong waiter sa isang magarang restaurant dito sa BGC, isang restaurant kung saan halos lahat yata ng mga customer ay tila mga walang problemang pinansiyal at kung umorder ng mga drinks at pagkaing napakahirap bigkasin ay hindi tinitingnan ang halaga nito. At kahit batid na ng mga customer na ito na overpriced ang karamihan sa mga pagkain at inuming sini-serve dito, marami pa ring tira o left over sa kani-kanilang mga plato. Kakatwang malaman na maraming mga tao ang kapos sa pambili ng pagkain at dahil sa kahirapang ito'y humahantong pa minsan sa paggawa ng krimen pero heto ang mga burgis at mayayamang taga alta-sosyedad na maraming pambili ng halos lahat na naisin nila ay bumibili ng pagkaing overpriced pero hindi naman nila nauubos, minsan nga parang hindi pa nila nabawasan ang kanilang order.


Galing ako sa hirap at masasabi kong mas masarap pagmasdan ang mga mahihirap kung lumantak ng pagkain -- nakakamay, simot na simot ang kahuli-huliang sarsa ng ulam at wala ni piraso ng mumo kang makikita sa plato, 'di tulad ng halos lahat ng mga customer na nagtutungo rito na tila de-numero ang kilos, ang pagtawa at pagsasalita at mahinhing isinusubo ang maliit na piraso ng pagkain sa bibig na sinadyang maliit lang ang pagkakabuka. Kung minsan, hindi ko rin maintindihan ang mga mayayaman kung bakit sarap na sarap sila sa mga pagkaing matatabang at mapuputla ang kulay na ang halaga yata ay isang buong araw na pagtatrabaho ng ordinaryong empleyadong tulad ko. Ewan, pero para sa akin nasa maliliit na carinderia pa rin ang masasarap na pagkain at nasa slum area pa rin ang mga taong masasarap kung kumain -- hindi rito sa lugar na puno ng pagbabalatkayo na ang pagkain ay dinadaan sa ganda ng presentasyon at ang ambiance umano ay ilalayo ka sa mundong maligalig at magulo. Na pagkatapos ay ano?


Halos tatlong linggo pa lang ako rito at gusto kong sanayin ang sarili sa bagong environment na aking napasukan. Dapat masanay ako na ito na ang bagong mundong aking gagalawan at ang trabahong ito ang magiging tuntungan ko patungo sa inaasam kong tagumpay. Hindi gaanong hataw ang trabaho dito, 'di tulad sa huli kong napasukang american fastfood franchise na dagsa ang customer palagi dahil nasa loob ng mall. Maliban na lang kung araw ng Biyernes, Sabado, Linggo at holiday -- doble ang customer na dapat naming pagsilbihan. Dahil mayayaman ang customer dapat astang may 'breeding' din kami, kailangan mas magalang kami, kailangan mas aware ka sa kanilang pangangailangan na sa pagtaas pa lang ng kanilang kamay ay nasa harap ka na nila -- iyon at marami pang iba ang naituro sa aming orientation bago pa ako isalang dito.


Isang ordinaryong Huwebes lang para sa akin ang araw na ito. May mangilan-ngilang customer na karamiha'y napagsilbihan ko na rin. Maliban sa isang medyo may edad na lalaki ns pamilyar ang mukha pero hindi ko maalala kung saan ko nakita. May kasama siyang apat na iba pa; tatlong lalake at isang babae. 'Yung babae ay bata pa siguro'y nasa late 20's, kung may malisya ang magmamasid sa ikinikilos ng dalawa ay sasabihing may relasyon sila. Isa sa natutunan ko sa orientation ay ang pagkontrol sa sarili na hindi makialam sa personal na buhay ng mga customer lalo na kung ito'y pulitiko at artista. Sa iksi pa lang nang panahong paninilbihan ko rito totoo ngang dapat ngang maging wala akong pakialam sa aming mga customer dahil kung hindi, baka mas marami pa akong maihatid na tsismis sa kung sinong showbiz reporter ng programang Startalk.


Paunang order ng matandang lalaki ay brandy, sa kasama niyang babae ay wine. Makalipas ang ilang minuto ay umorder na siya ng pagkain; siyam na putahe ng ulam! Gusto kong itanong sa kanya kung ganun ba talaga sila kalakas kumain? At alam ba nila na ang pinuntahan nila'y hindi karinderya na trenta pesos ang kada order ng ulam? Kung susuriin namang maigi ay hindi naman siya mukhang mayaman -- ordinaryo ang suot na polo, ordinaryo ang kulay ng balat, ordinaryo ang kilos at pananalita. Basta, iba talaga ang kilos at gawi ng mayayaman kumpara sa nagyayaman-yamanan lang.
Teka, sino ba ako para kuwestiyunin ang pagkatao niya? Sino ba ako para umuri kung sino ang mayaman at sino ang mahirap? Sino ba ako para sa kanya? Isa lang akong ordinaryong waiter na tagapagsilbi. Sabi nga sa ingles, 'don't judge the book by its cover' at dapat kong i-apply ito ngayon mismo.


Tama nga ako. Hindi nga nila naubos ang kanilang inorder 'yung dalawang putahe nga ay halos hindi man lang nabawasan at 'yung iba naman ay parang kalahati lang din ang bawas. Iba talaga sila, kung mortal sin para sa mga mahihirap ang magtira ng pagkain sa plato para sa mga customer dito ay parang obligasyon mong mag-iwan ng kaunting piraso sa bawat pagkaing in-order mo. Halos naririnig ko pa ang pagalit at mura sa akin ng nanay ko noong hindi ko kainin ang ulam naming paksiw: "Hoy! Gago kang bata ka bakit hindi mo kainin 'yang ulam na nakahain sa mesa? Maraming mga bata na walang makain, ikaw may matinong pagkain na sa harap mo ayaw mo pang kainin?!" piningot pa ako ni nanay noon para lang kainin ang paksiw na aming ulam.


"Excuse me, can I have the bill?" halos hindi ko narinig ang sinabi ng lalake mabuti na lamang at wala gaanong customer at mahina ang swabeng musikang tumutugtog sa restaurant kaya narinig ko ang malaki niyang boses.


May dahilan kung bakit mahina at swabe ang musikang tumutugtog sa ganitong klase ng mamahaling restaurant, ito ay para i-encourage ang mga customer na mag-stay pa nang matagal at umorder ng umorder ng drinks at pagkaing higit sa 600% ang patong sa orihinal na presyo. At may dahilan kung bakit malakas at nakakairita ang tugtog sa mga fastfood chain, ito ay para bilisan ang pagkain ng mga customer dito para magbigay daan sa iba pang customer na nakapila at nakatayo sa labas.

Hindi man lang nagulat ang matandang lalake sa halaga ng bill na inabot ko sa kanya. Nasa isip ko: marahil ay sanay na siya sa ganitong klase ng lugar at mayaman talaga ang pamilya niya at marumi lang talaga ang pag-iisip ko.
Inabot nang mahigit sa dose mil ang kanyang bill!
Binigyan niya ng instruction ang babaeng kanyang kasama. Mula sa sobreng kinuha ng babae ay inilabas nito ang labing limang piraso ng isang libong piso, iniabot ito sa akin.


"I received ma'm, sir, fifteen thousand pesos. Php 12,565 lang po ang bill ninyo..." akmang ibabalik ko ang two thousand sa babae nang magsalita ang matandang lalake. "You can keep all the change. Saka pakilagay pala sa resibo: Philippine National Police."


Natahimik akong bigla.
May dahilan pala kung bakit galante ang lalake, may dahilan pala kung bakit hindi siya nanghihinayang sa halagang kanyang ibinayad sa mamahaling restaurant na tulad nito --
hindi galing sa kanyang bulsa ang perang ipinangagasta niya sa kanyang inumin at mga pagkain.
Ilang establisimyento pa kaya ang winawaldasan niya ng perang hindi naman sa kanya?
Ilang opisyal pa kaya ng gobyerno na tulad niya ang walang panghihinayang na gumastos gamit ang pondo ng bayan?


Sa marahan kong paglalakad papuntang cashier ay bigla kong naalala ang ilang libong pisong ibinawas at ibabawas sa sweldo ko kada buwan at ang pinagsama-samang ilang bilyong pisong buwis kada taon na kinakaltas sa mga ordinaryong obrerong nagpapaalipin para lamang may maihaing pagkain para sa hapag-kainan ng kani-kanilang pamilya.

Monday, June 22, 2015

L A R O




Hindi ako marunong magsugal ngunit napilitan akong ito'y laruin -- wala kasi akong pagpipilian.
Nilaro ko ang mapanlinlang na sugal ng pag-ibig.
Kahit alam kong maliit ang tsansa kong magwagi. At kahit batid kong malaki ang posibilidad na ako"y mabibigo. Sumige pa rin ako.
Kahit alam kong sa bandang huli'y baka umiyak lang ako -- sumuong ako.
Tumaya ako. Hindi lang puso. Hindi lang kaluluwa. Kundi pati ang aking buhay at kinabukasan. Wala akong itinira. Kahit ang pride.
Tinuring kitang panginoon at alipin mo naman ako.
Para akong laruan na nangangarap na sana'y magustuhan at maging paborito mo.
Ngunit para kang paslit na naghahanap lang pala ng pansamantalang libangan. Paslit na walang pakialam sa gaya ko at sa aking nararamdaman. Isa kang paslit na mabilis akong pinagsawaan.


Hindi ako mahilig sa baraha ngunit kinailangan ko itong pag-aralan.
Upang makahanap ng kapares ang aking pusong ulila sa pagmamahal.
Maranasan ang ngumiti. Tumawa. At maging masaya.
Upang makatagpo ng Reyna ang tangan kong baraha -- isang Haring may bahid ng lungkot at tila nauupos sa kawalan ng pag-asa.
Magkaroon ng kasama sa tuwing may pagkabigo. May pagsubok. At may suliranin.
Ngunit solitaryo ang aking natutunan.
Hindi ko man ninais ay natatagpuan ko ang aking sariling mag-isa.
Kasama ang pighati. Ang kalungkutan. Ang pag-alala.
Nilulunod ang sarili sa luhang tila nagsasawa na sa paulit-ulit na pagtawag sa iyong pangalan at paghiling na magwagi sa sugal ng kapalaran.
Hindi ko napansin at nabatid na kulang na pala ang nilalaro kong baraha.
Na kahit anong aking gawin ay 'di ko mapagtatagumpayan ang anumang larong aking maibigan.


Hindi ako marunong ng larong Chess.
Pero itinuring kitang aking Queen at ipinagpalagay kong Knight mo naman ako.
Na handang gawin ang lahat para sa gaya mo.
Ginawa ko ang lahat upang ikaw'y maprotektahan.
Mapagtanggol. Madepensahan. At 'wag masaktan.
Handa ako palaging magsakripisyo upang ikaw'y 'di mapahamak.
Hindi ko maisip ang dahilan at ang aking halaga kung sakaling mawala ka.
Hindi ko inalintana ang panganib. 'Wag ka lang mawala at malagay sa alanganin. At tuluyang mawalay sa akin.
Ngunit sa bandang huli'y hinayaan mo rin ako.
Nagtawa ka lang habang minamasdan kitang lumalakad palayo sa akin upang magsama kayo ng iyong hari.
Naging Grandmaster ako ng pagkahangal at pagtitiis dahil sa pagmamahal ko sa'yo.


Hindi ko kailanman nagustuhan ang Taguan.
Ngunit iyon ang ipinaramdam mo sa akin.
Napilitan akong laruin ito nang 'di ko namamalayan.
Lagi akong taya. Lagi akong it.
Hinanap kita -- sa dating tagpuan. Sa dati nating pinupuntahan.
Sa food court ng mall. Sa Ninoy Aquino Park and Widlife. At sa motel na malimit na saksi sa mainit nating pagniniig at pagmamahalan.
Binalikan kita sa dati mong tahanan ngunit hindi ka na nagpakita. Para kang usok ng sigarilyo -- na sa isang iglap lang ay naglaho, sumabay at tinangay ng hanging gaya mo'y nilalaro ang aking isipan.
Wala ka na nga at ako'y naiwang patuloy na umaasa.
Na sana isang umaga ay hindi na kita hahanapin pa. 
Na magsasawa ka na sa Taguan,
Na magpapakita ka na sa akin,
Na muli mo akong mamahalin.

Sa lahat ng mga larong aking sinubok, sa lahat ng mga sugal na aking nilaro --lahat ito'y pawang nauwi sa pagkabigo. Ngunit kung ang nakaraan ay muling uulitin at ang kahapon ay muling babalikan... nanaisin ko pa ring mabigo at masaktan nang minsan kitang naranasan kaysa maging masaya at nakangiti nang hindi kita nasilayan.

Susugal at lalaro pa rin ako sa isang tulad mo.

Kahit alam kong ginagamit mo lang ako.

Thursday, June 18, 2015

Higit Sa Mga Larong Ating Kinagisnan


Maraming bagay noong kabataan natin ang sobrang nakaka-miss at nakakadagdag pa sa pagka-miss na ito ay ang katotohanang hindi na natin ito nakikita o nagigisnan sa bagong henerasyon ng kabataan ngayon. 


Nag-enjoy tayo noon sa mga laro na kailangan ng physical activity gaya ng piko, tumbang-preso, luksong-baka, luksong-tinik, taguan-pung, doktor kwak-kwak, sipa, jackstone, patintero, holen, trumpo, saranggola, luksong-lubid, siyato at iba pa. Ngunit sa paglipas ng panahon at halos sumabay sa pagkawala ng paborito nating cartoons at anime sa hapon, nawala na rin ang mga larong ito.


Siguro, kahit anong gawin natin at kahit ilang episode pa ng pagbabalik-tanaw episode ang i-feature ng Kapuso Mo, Jessica Soho tungkol dito – hinding hindi na magugustuhan ng mga kabataan ngayon ang ganyang mga old school na laro dahil mas nag-eenjoy sila sa mga app games na naka-install sa mga cellphone, tablet, computer, o kahit anong gadgets pa ‘yan, in fact nababaduyan sila sa mga larong nabanggit. 


Tanggapin na nating 'yon ay bahagi na lang ng ating kasaysayan.
Tanggapin na natin ang katotohanan. 
At tanggapin na natin na sadyang malaki ang ipinagbago ng youth of today kumpara sa tulad kong youth of yesterday. 

Pero laliman pa natin nang kaunti ang paghahambing, isantabi muna natin ang mga simpleng bagay tulad ng mga larong ating nakagisnan. 

Fast forward tayo sa kasalukuyan. 
Higit pa sa larong-kalyeng ating nami-miss ay ang mas nakakabahalang bilang ng maraming mga kabataang involve sa iba’t ibang uri ng krimen o illegal activities o mga action na hindi akma sa kanilang edad tulad ng nakawan, snatching, riot, addiction, rape, pandurukot, drug running, early pregnancy at iba pa. 
Akalain mo sa murang edad nila’y marunong na silang makipaglasingan, makipagsabayan ng murahan, alam na nila ang sex, alam na nilang makipagrambulan at ang higit na nakakabahala:
alam nilang exempted sila sa KAHIT anong uri ng krimen.  

During 80’s at 90’s era, kung mayroon mang ganyang cases hindi ‘yun ganun katalamak kumpara sa ngayon.


Hindi naman masama ang pagbabago pero kung ganitong pagbabago naman ang nagigisnan natin sa araw-araw sa mga umano’y ‘bagong pag-asa ng bayan' hindi bale nang walang google, walang cellphone, walang youtube, walang facebook, walang tablet o walang PS4 o PSP. Hindi bale nang walang modernisasyon.


 

‘Wag na rin nating hilingin sa kanila na subukin nila ang nakagisnan nating laro.
‘Wag na (siguro) nating hilingin sa kanila na itigil (panandali) nila ang paggamit ng gadgets. 
'Wag na nating hilingin sa kanilang ‘wag na magselfie.
'Wag na nating hilingin ang mga bagay na hindi sila magiging komportable, ang nakaraan ay nakaraan at nakalulungkot mang isipin ay dapat natin itong lubos na tanggapin. 
'Wag na nating hilingin ang mga bagay na ito – basta maibalik lang sana ng mga bagong henerasyon ng kabataang ito ang tila nawawalang paggalang at RESPETO na itinuro sa atin ng ating mga nanay at tatay noong tayo'y mga bata pa.

 

Kung maari lang sana'y maibalik ng kabataang ito ang respeto sa batas, respeto sa komunidad, respeto sa guro, respeto sa magulang, respeto sa bayan, respeto sa kapwa, at higit sa lahat respeto sa kani-kanilang mga sarili.
Dahil ang mga 'yan ay higit pa sa mga larong ating kinagisnan.

Wednesday, May 27, 2015

A Series of Unfortunate Events

5/21/15

– Isang mortal sin na maituturing para sa mga nagda-drive na tulad ko ang maubusan ng gas ang sasakyan. At mas malaking kasalanan pa ito kung mangyayari sa ‘yo ito sa gitna ng Expressway.
Around 8:20 AM NLEX South Bound.
Halos kalalabas ko pa lang ng Tabang Exit (Bulacan) nang maramdaman kong pumupugak-pugak ang makina ng sasakyan. Alam ko na kung bakit kaya nakuha ko pang itabi ito bago tuluyang mamatayan ng makina. Sa estimate ko around 3+kms malapit sa toll gate ay may Gas Station. Mainit na ang araw nang oras na ‘yon. Gusto kong i-undo ang pangyayari para makapagpakarga muna ako bago pumasok ng expressway. Pero sa totoong buhay walang undo kaya huminga muna ko ng malalim bago inumpisahang maglakad - sa gitna nang mainit na araw, nang maalikabok na daan at mausok at humahagibis na mga sasakyan.

Habang naglalakad, tila may bumubulong sa akin na maliliit na boses at sinasabing: “sige lakad ka lang, ang tanga-tanga mo kasi...”


Siguro lampas 1Km na ang nilalakad ko nang may tumawag (itatago natin sa pangalang – Arlene) at sinabing, ‘wag na raw ako magpunta sa gasoline station dahil may tutulong na raw na taga-Tollways Management Group sa amin at may dala na itong fuel. Okay. So naglakad ako pabalik ng sasakyan, hihintayin ang rescue na magmumula sa langit at magsasalba ng katangahan ng driver sa araw na ‘yon. After around 15 minutes na paglalakad at around 500 meters sa nakatirik na sasakyan, muli siyang tumawag at sinabing, wala raw palang dalang fuel ‘yung taga-Tollways Management ng NLEX, i-aassist at hihintayin na lang ako sa Gas Station. Ayos talaga. May magagawa ba ako? Wala. Makakapag-complaint ba ako? Hindi.


Sa gitna nang mainit na araw, nang maalikabok na daan at mausok at humahagibis na mga sasakyan – muli akong naglakad. Habang naglalakad, tila muli kong narinig ang bumubulong sa akin na maliliit na boses at muli niyang sinasabing: “sige lakad ka lang, ang tanga-tanga mo kasi...”
Siguro kulang na lang sa 1Km from the Tollgate ay dumating ang rescue ng NLEX na mula sa langit. Isinakay ako – ako na mukhang marungis at basang-basa ng pawis. Dahil bawal mag-U turn sa highway, umatras ang service vehicle para lang makarating sa tollgate. After ng mahigit isang oras at humigit-kumulang na 5Kms na paglalakad narating ko na rin ang gas station. Tumungga muna ng dalawang piraso ng bottled water, dumiskarte ng imbudo at saka bumili ng limang litrong diesel. At natapos ang kwento.

Salamat sa tulong ni Mr. Attending Patrol Crew J. Coracha at sa kanyang kasama na si Mr. F. Yutuc at nakarating ako ng opisina ng buo, walang galos pero may bahid ng kaengotan.

- - - - - -

5/22/15
Smooth naman sana ang pagda-drive. Medyo mabilis ang biyahe from Bulacan to Manila. At mahalagang may natutunan sa nakaraan: ang hindi maubusan ng gas ang sasakyan ‘pag bumibiyahe.

Around 8:40 AM sa Bonifacio Drive at kanto ng P. Burgos (going to Manila City Hall). Green ang ilaw pero pinahinto ako ng MMDA traffic enforcer dahil sa paparating na Fire Truck na nagwawang-wang. Full stop ako kasama ng iba pang sasakyang nasa tabi ko (kahit green) dahil nga sumenyas si mamang enforcer nang STOP. Nang mula sa kung saang dimensiyon ay may PUJ na bumundol sa aking likuran. Malakas. Laglag ang halos lahat ng gamit na nasa dashboard, muntik din malaglag ang dibdib ko sa kaba. 

Nasa loob ng sasakyan, in-expect ko na ang dramarama sa umaga mula sa driver ng pampasaherong jeep – kakamot sa ulo, makikiusap at hihingi ng pasensiya. Sa intersection na ‘yon, bumaba ako, bumaba rin ang mga pasaherong sakay ng jeep, tapos 'yung driver na medyo may edad na.
Kung ano ang pagkalukot ng likurang bahagi ng aking sasakyan, ganun din ang lukot ng mukha ko nang makita ko ang sustained damage ng auv/van:

- pasok ang likurang pinto at hindi na mabuksan (dahil sa impact)
- laglag ang matigas na bullbar, at ang masaklap
- butas ang tire carrier na may artwork ni Pareng Ely at ng kanyang mga barkada – unrepairable. Shet.
Noong unang panahon, ‘pag may ganitong pangyayari sigurado nang makakapagsalita ako ng hindi maganda sa ganitong klaseng driver pero dahil nagkakaedad na ako, kailangan na rin ng maturity at salamat na sumapi ‘yun sa akin nung araw na ‘yon.
Hindi ako nagkamali, nagdrama na si mamang driver, nakiusap at humingi ng kapatawaran sa nagawa niyang kasalanan (naks). Pero makukuha ba nang pagpapatawad lang ang malaking damage ng isang sasakyan? Siyempre hindi.

Gusto kong i-undo ang pangyayari at i-beat ko ang approaching na fire truck, tutal medyo malayo pa naman ito at malamang na hindi ako abutan. Pero sa totoong buhay walang undo, kaya kailangang harapin ang isang problemang hindi naman ako ang may gawa at may kasalanan. May natutunan ako dito: kahit pala anong ingat mo sa pagmamaneho hangga't may mga driver na iresponsable sa lansangan, hindi madaling iwasan ang isang aksidente. Wala pa namang insurance 'yung sasakyan at saka ako.

Next destination: Manila Traffic Bureau.
Kinunan kami ng statement, kinunan ng picture ang may damage na bahagi ng sasakyan, ginawan ng police blotter (handwritten), gumawa ng kasulatan (handwritten) na ‘yung driver na nakabangga, siya (raw) ang magbabayad sa lahat ng gastos/damage na nangyari sa sasakyan.

At gaya ng pangako ng isang pulitiko sa tuwing eleksyon, aasahan kong matupad ni mamang driver ang pangako niyang ‘yon.

Tsk.