Monday, September 1, 2014

Pista Kasi

Ang akdang ito ay para sa mga pilipinong patuloy na ipinagdiriwang ang kapistahan sa maluhong paraan dahil sa lamang sa pagsunod sa nakagawiang lumang tradisyong Pilipino.

"Sige kain lang kayo ng kain ha, pagkatapos ninyo diyan ipagbabalot kayo ni Mareng Lorie niyo ng maiuuwi." si Mang Caloy sa mga bisita.

"Lorie! Angelie! Pakiasikaso mo nga sila Mareng Juliet!" sigaw nito sa asawa at sa kanyang dalagitang anak.

Hindi magkandaugaga ang pamilya ni Mang Caloy sa pag-aasikaso sa kanilang mga bisita na tila hindi nauubos. Kakakaalis pa lang ng iba'y mayroon na agad kapalit, hindi na nga nila kilala minsan ang mga pumapasok at nakikikain sa kanilang bahay pero hindi sila nagdadalawang isip na alukin ang mga ito ng kanilang handa.

Pista kasi.
- - - - -

Sabado.
Abala ang mag-asawang Aling Lorie at Mang Caloy sa pamimili sa palengkeng bayan. Bitbit ni Mang Caloy ang dalawang malalaking bayong samantalang si Aling Lorie nama'y ilang plastik na sando bag ang tangan. Panay karne lang ang kanilang pinamili tulad ng manok, baboy, baka at mga panahog na magpapalasa sa kanilang lulutuing handa para sa kapistahan bukas.
Taon-taon ay ginagawa nila ito. Walang palya.
Tradisyon na kasi sa kanilang lugar ang maghanda para sa kaarawan ng pista. Malaki o maliit na bahay man sa kanilang baryo ay asahan mo nang may bongga at espesyal na handaan.
Makulay ang pista ng Patron ng Santisima Trinidad. Sa bisperas ng pista ay may Jamboree at patimpalak para sa pagkanta, pagsayaw at beauty contest ng mga bakla. May inimbitahan ding ilang hindi na gaanong sikat na artista at komedyante na hahatak at magpapasigla ng gabing iyon bago ang araw ng pista.

Linggo.
Abala ang pamilya ni Mang Caloy ng araw na iyon. Umaga pa lang ay marami-rami nang nailuto si Aling Lorie, katulong ang asawa at ang anak na si Angelie'y sinisigurado nilang masasarap ang iniluluto nilang mga putahe.
Nagsimulang umingay ang kanilang lugar bandang alas siyete ng umaga dahil sa rumurondang kombong may malalakas na tambol at mga nagsasayawang mga ati-atihan na gaya sa ati-atihan ng taga-Aklan tuwing may Festival doon. Ang handa nilang dalawang malaking kaldero ng kanin, walong putahe ng ulam at matatamis na panghimagas ay sapat na siguro upang makapagpakain ng halos dalawampung pamilya.
Sinisigurado nina Aling Lorie at Mang Caloy na busog ang kanilang bawat bisita at bukod dito ay may pabaon pa itong ilang supot ng ulam na iuuwi. Kung ano ang sayang babaunin ng kanilang bisita ay siya ring sayang namumutawi sa mukha ng mag-asawa habang ang kanilang anak na si Angelie ay mapapailing na lang. At kahit pagod sa dalawang araw na preparasyon ng pista ay wala kang maririnig na reklamo sa dalawa.

Pista kasi.

Lunes.
Abala ang mag-asawa kahit hindi pa ganap na sumisilay ang sikat ng araw. Pagkatapos magkape'y pumasada na si Mang Caloy ng kanyang tricycle samantalang si Aling Lorie naman ay nagtungo na sa isang maliit na supermarket sa kabilang bayan, cashier kasi siya doon. Ang kanilang mga espesyal na hinandang putahe kahapon hanggang sa kahuli-hulihan nitong patak ng sarsa ay naubos at walang natira kaya't nagkasya na lamang sila sa pag-inom ng mainit na kape at ilang piraso ng pandesal. Si Angelie naman ay naiwang mag-isa upang maglinis at mag-asikaso ng maruming bahay na kahapon lang ay dagsa ng mga tao.
Ang nakalulungkot dahil sa kagustuhan ng mag-asawang makibahagi sa kapistahan at sa pagsunod sa makalumang tradisyon kinailangan nilang umutang ng malaki-laking halaga upang makapaghanda at may maipakain para sa mga bisitang karamihan ay 'di naman nila kaanak at sa pakikiisa sa banal na selebrasyon ng patron ng kanilang lugar.
At ang malaking pagkakautang na ito ay kanilang huhulugan at babayaran sa susunod na anim na buwan, pagkakautang na dapat sana'y kanilang inipong pandagdag sa matrikula ni Angelie sa kolehiyo sa susunod na taon. Kahit nakararamdam sila ng malaking panghihinayang wala silang magawa.

Pista raw kasi.

Tuesday, August 26, 2014

50/50



Segundo lang ang pagitan ng buhay at ng kamatayan.
Segundo lang ang kailangan upang agawin ang buhay mula kay Kamatayan.
- - - - -

Walang bisa ang pagsita ko sa mga jeepney driver na nakahimpil sa may gitna ng kalsada na nagbababa at nagsasakay ng pasaherong kapwa matitigas ang ulo.
Hindi umubra ang pilit kong galing sa pagmamaneho upang lusutan ang mga astig sa lansangang mga kuliglig, tricycle at pedicab na walang respeto sa ibang motorista.
At tila hindi sapat ang malakas, walang patid at nakaririndi kong busina para paraanin ang aking sasakyan upang maisalba ang buhay ng lulan kong si Aljur.


Mga wala silang pakialam kahit na ang isinisigaw ko'y 'EMERGENCY' at kahit halos mapatid na ang litid ko sa kasisigaw at pagmamakaawa sa kanila na ako'y kanilang paraanin at pagbigyan.


Hindi ko naman nais na sila'y agawan ng pasahero, ang nais ko lang ay umusad at umandar sila dahil berde ang ilaw ng trapiko --- kahit ngayon lang.
At wala rin akong balak na silang lahat ay aking manduhan at awayin, ang nais ko lang ay mabigyan ng kahit kaunting espasyo ang sasakyang aking minamaneho --- kahit sandali lang.
Dahil lahat nga (raw) sila'y nais na makapag-uwi ng ilang daang pisong para sa pamilya, okay lang sa kanila ang makaabala sa ibang motorista at 'di nila alintana na ang pagbibigay ng kahit kaunti sa kalsada ay makapagsasalba ng isang mahalagang buhay para sa ibang pamilya.


"Putang ina mo, lumipad ka!" ganting sigaw sa akin ng driver nang nakabalagbag niyang jeepney, siguro'y nairita sa tuloy-tuloy kong pagbusina sa kanya. Nagbababa siya ng isang pasaherong tila wala sa sariling pumapanaog nang pagkabagal-bagal na tila nang-aasar. Silang lahat, kabilang na ang maraming mga commuter at pedestrian na walang iniisip kundi ang kanilang mga sarili ay mga walang pakialam sa posibleng kahihinatnan ng aking sakay na si Aljur, na sa sandaling iyon ay nasa pagitan ng buhay at kamatayan.


Tanaw ko mula sa aking kinauupuan ang mga traffic enforcer na sa pakiwari ko'y walang pakinabang. Suot ang unimporme nilang matingkad na kulay dilaw, sila'y nakatanghod lang sa mga pedestrian na walang kawawaang tumatawid sa gitna ng lansangan sa halip na sa footbridge na nasa kanilang ulunan;  nakatanaw lang sa mga jeepney na walang pakundangan sa paghinto sa kung saan-saan --- parang mga asong iluluwal ang kanilang tae kung saan sila abutan; nakatingin lang sa mga sasakyang tatlo ang gulong na bigla-bigla na lang sumusulpot at hinaharang ang daanan na dinadaig ang isang taxi sa dami ng bilang ng mga sakay.


Ang ilaw ng trapiko kada kanto na nakainstala sa kahabaan ng kalsadang binabagtas ko'y tila isa lamang banderitas na dekorasyon sa tuwing may piyesta --- ang mga ito'y walang silbi para sa mga naghahari-harian sa kalsada dahil umaabante at humihinto sila kung kailan nila naisin. At ang mga haring ito rin ang nagpoprotesta at humihiling ng matinong pagbabago sa lipunan at sa gobyerno. Samantalang sila ang kailangan ng drastiko at kagyat na pagbabago.


"Okay ka lang ba, Aljur?" tanong ko kay Aljur na noo'y nakahiga sa likuran ng autong aking minamaneho. Hindi siya kumibo. Nakatingin lang siya sa akin nang tinawag ko ang kanyang pansin at pangalan. Wari ko'y gusto na niyang sukuan ang buhay. Banaag ko sa kanyang mga mata ang kanyang pakadismaya sa maraming bagay.

Si Aljur ay isang magandang halimbawa ng taong walang kakuntentuhan sa buhay.


Kung tutuusin maganda ang trabaho ni Aljur, may tinitingalang karera at malaki ang kinikita kaya't sinong mag-aakala na sa kabila ng tinatamasa niyang tagumpay ay ang pagnanais niyang kitilin ang sariling buhay. Ang kanyang hanap-buhay ay kinaiinggitan ng marami, sabihin na nating: kabilang na ako. Subalit sa mababaw at makasariling dahilan ay nais niyang talikuran ang suwerte at pagpapalang ito --- dahil lang umano sa ilang mga bagay na sapilitan niyang ginagawa na sa tingin ko nama'y simple lamang at hindi gaanong mahirap.


"Wala namang madaling trabaho, kailangan ng sakripisyo upang kumita ng pera para sa kinabukasan, para sa pamilya at para sa ating mga sarili. 'Yung iba nga kulang ang buong maghapon at magdamag para kumita ng sapat ngunit hindi sumusuko at patuloy na nilalabanan ang hamon ng buhay." payo ko noon kay Aljur na ewan ko kung kanyang pinakinggan at kung narinig man niya ay ewan ko kung kanyang lubos na naunawaan.


Hindi lingid kay Aljur na marami ang hikahos at naghihirap ngayon ngunit hindi niya ito pansin dahil binubulag siya ng napakatayog niyang ambisyon sa buhay.
Ano't kinailangan niyang tanggihan ang trabahong may malaking kabayaran kada buwan para sa ilang gabing pagsasakripisyo?
Ano't kinailangan niyang angilan at ambaan ang mga taong nagsusubo ng pagkain sa kanyang bibig? 
Ano't bigla na lamang niyang naisipang isara ang pintuan ng oportunidad na sa halos isang dekada ay nagbigay kaginhawaan sa kanyang buhay?


"Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao." pangangatwiran ni Aljur sa akin. Sinang-ayunan ko ang kanyang punto ngunit hindi naman ibig sabihin nun na kagyat siyang magdedesisyong abandunahin ang kompanyang kanyang pinapasukan. Hindi ko 'yun inaasahan. Dahil alam kong may sapat siyang talino at hindi magpapadala sa bugso ng damdamin at panibughong tiyak na magpapahamak sa kanya at makakaapekto sa kanyang kinabukasan. May tamang oras at panahon para sa lahat ng bagay at sa tingin ko'y hindi ito ang tamang panahon para gawin niya ang maling desisyong ito.


Naalala ko pa noong halos lumuhod siya sa pagmamakaawa matanggap lang siya sa kompanyang kumupkop at nagbigay sa kanya ng isang magandang oportunidad. Gusgusin pa si Aljur noon at halatang kulang sa bitamina at nutrisyon dahil sa pispis niyang pangangatawan. Ngunit dahil sa taglay niyang karisma at talentong hindi pa ganap na nahihinog ay napagbigyan ang kanyang pangarap at pagkakataon. Pagkakataong hinahangad at naipagkait sa maraming taong patuloy na nangangarap nito. Unti-unti sa tulong ng kanyang pinagtatrabahuhan ay nabubuo ang kanyang mga pangarap na dati'y panaginip lang at sa hindi ko malirip na dahilan ay humantong sa ganito ang lahat.


Halos isang oras pa ang lumipas nang marating ko ang pinakamalapit na ospital --- ang biyaheng ito na dapat ay labinglimang minuto lang kung tutuusin. Pagkatapos kong makalusot sa masikip na trapikong maari namang malunasan kung may disiplina lang sana ang lahat. Nagpadagdag pa sa problema ang mga traffic enforcer na namimili ng motoristang kanilang sisitahin at huhulihin. Nakakadismaya lang malaman at napakahirap maunawaan na mas mahigpit na binabantayan nila ang lumalabag umanong pribadong motorista samantalang lantaran ang pagwawalanghiya at pambababoy sa batas-trapiko ng mga pampublikong sasakyan kumpara sa kanila.


Wala ako sa posisyon para husgahan si Aljur at ang kanyang naging desisyon ngunit masyadong marahas ito, sa tingin ko. Sa palagay ko'y wala pa siyang napapatunayan ng husto sa industriyang kanyang kinabibilangan para magdemand. Nakalulungkot na kailangang humantong ang lahat sa ganitong marahas na sitwasyon.
Ngunit sana ang paghatid ko kay Aljur dito sa ospital na ito'y magbukas ng bagong pag-asa at kaliwanagan sa kanyang isipan na hindi lahat ng gusto natin ay maipagkakaloob sa atin minsan kailangan nating yakapin kung anong biyaya ang ibinigay sa atin.
Sana pagkalipas ng pagsubok na ito ay marealize ni Aljur na ang tunay na kahulugan ng kaligayahan dapat ay ang pagkagusto mo sa kung anong bagay ang meron ka, hindi ‘yung maligaya ka lang dahil meron ka ng mga bagay na gusto mo.

At ‘pag taliwas ang pananaw mo sa salitang ‘kaligayahan’ malamang ay magdulot ito sa’yo ng pagkayamot at pagkadismaya sa buhay.

Agad na inasikaso ng mga nurse at hospital staff si Aljur. Inilagay siya sa stretcher at kagyat na dinala sa Emergency Room upang maobserbahan ng doktor. Sa puntong iyon ay hindi ko na nakita ang susunod na gagawin kay Aljur at hindi ko rin alam kung mapaglalabanan at maliligtasan ba niya ang panganib na kanyang sinuong.
Nasa kamay na ito ng mga doktor na magsasagawa ng kanyang maselang operasyon. Oo nga't hindi diyos ang mga doktor ngunit may kakayahan at kapasidad silang magligtas ng buhay --- gaya ng buhay ngayon ni Aljur. Hindi sila mga diyos ngunit handa silang tanggapin ang sinumang taong nangailangan ng kanilang tulong.


At sa tulong ng mga doktor at sapat na panahon, sana'y masalba pa ang naghihingalong buhay ni Aljur dahil segundo lang ang pagitan ng buhay at ng kamatayan, segundo lang ang kailangan upang agawin ang buhay mula kay Kamatayan.

Friday, August 22, 2014

Glutathione



Noong araw pa
--- ninais na niyang baguhin
ang kanyang kutis na morena
upang siya ay mas maging
maganda, mas maging
kaakit-akit, mas katanggap
-tanggap sa madlang may
matang mapanuri at
tinitingala ang mga taong
may kutis na singtingkad
nang sa Esperma.


Libo-libong piso ang
kailangan upang mamalas
sa kanyang balat ang
kulay ng kutis na matagal
na niyang pinapangarap,
kutis na pangarap din
ng milyon-milyong
pilipinong patuloy na
binubulag at nilalason
ng komersiyalismo,
ng kolonyalismo at
ng konsumerismo.


Noong araw pa
--- ninais na niyang maging
kulay busilak ang kanyang
balat kahit pa maubos ang
ipon para sa kinabukasan
ng pamilya, kahit pa
mabawasan ang perang
para sa pag-aaral ng mga
anak. Mas mainam (raw)
kasi ang magmukhang
mayaman ang balat kaysa
magmukhang marungis
at salat.


Libo-libong oras ang
kailangan upang maganap
ang pagpapalit ng kulay
ng kanyang balat mula sa
kulay ng kahoy na kamagong
o ng paborito niyang tsokolate
patungo sa kulay ng damit
na bagong kula o ng maamong
tupa. Mula sa kulay (raw) ng
indio at hampas-lupa hanggang
sa maging kulay ito ng mga
maharlikang mukhang
walang dungis,
walang sala.


Noong araw pa
--- pinangarap na niyang kutis niya'y pumuti
samantalang mas dapat na pumuti ang kanyang umiitim na budhi.