Thursday, July 11, 2013

Second Quarter - What's on your mind? 1/2


Lumipas na ang pangalawang quarter ng taong 2013. Sa nakaraang tatlong buwan at dahil makapal ang mukha kong magpost ng kung ano-anong "inspirational kabalbalan" sa Facebook, halos araw-araw kong pinatulan ang tanong niya na: "What's on your mind?" 

Katulad ng una kong sinabi ang post na ito ay parang pelikulang "Shake, Rattle & Roll" na walang katapusan at nauulit makalipas ang tatlong buwan. Narito ang halos kumpletong listahan ng aking sagot sa tanong na iyan, mula April hanggang June ng taong kasalukuyan.

April 2
 - Ang buhay ay parang isang salamin, nakasimangot ito kung ikaw ay nakasimangot at ngingiti lang ito sa sandaling ngumiti ka sa kanya. 

- Hindi lang pera ang nagpapaligaya sa mga tao, minsan...Candy Crush din.

April 3
 - Para magkaroon ka ng isang bagay na hindi madaling makuha kailangang gumawa ka ng isang bagay na hindi madaling gawin. 

- sabi ng isang magaling na poet: "habang may buhay, may chance naniniwala naman ako dun.


April 5
- 'Pag umaga 'wag muna dapat maging busy sa pag-ibig, dapat maging busy muna sa trabaho dahil ang trabaho ang kadalasang nagdidikta kung gaano ang itatagal ng isang wagas na pag-ibig.
ayus, naikonek din.
 


- Okay, aaminin ko nabaduyan ako sa "It takes a man and a woman" kagabi pero aaminin ko na rin, nag-enjoy naman ako at natuklasan kong 'pag masyadong malalim ang standard mo ng kaligayahan hindi malulubos ang iyong kasiyahan. 

- Hindi porke iba ang kasalanan ng isang tao sa atin dapat na natin siyang siraan at husgahan, lahat naman tayo makasalanan eh, siguro akala lang ng iba mas mababa ang antas ng kanyang pagkakasala kaya wala silang pakundangan manghusga ng kanyang kapwa. 

April 8
- Kung ang paglalaro ng candy crush ay isang kasalanan, tiyak na mapupuno ang ating mga kulungan.

- Madalas, kinakalimutan natin 'yung mga bagay na nararapat para sa atin, sa pagnanais na mapunan ang ilang kagustuhan natin. 

April 10
- Kung magmamahal ka 'wag mong pangakuan ng kung ano-anong sh*t o ng wagas na forever dahil hindi mo alam kung ano ang mangyayari bukas o sa isang araw.
Mas okay siguro, kung i-enjoy at samantalahin niyo lang ang mga sandaling magkasama kayo at damhin ang ubod-tamis na inyong samahan at pagmamahalan ng walang sumpaan.
Dahil 'pag walang sumpaan, walang sumbatan...
 


- Tuwing panahon ng eleksyon madalas ginagago ng maraming mga botante ung mga pulitiko natin; pinapasayaw, pinapakanta, hinihingan ng “donasyon” at uto-uto namang sumusunod sila dito, sa kagustuhang makakuha ng boto pero pagkatapos ng eleksyon sigurado tayo naman ang gagaguhin nila ng tatlong taon, sa paanong paraan?
Alam na natin ‘yun, hindi na kailangang i-Memorize pa.
 


- Kung importante sa’yo ang isang Friendship kaysa sa isang argumento hangga't maari ‘wag ka nang makipagtalo, kahit alam mong may punto ka o tama ka pa; wala ka namang mapapala kung ikaw pa ang mananalo dahil ang mas importante…ung value ng inyong friendship higit sa isang argumento o sa kung anong bagay. 
 
- Ang pagmamahal na may reserbasyon ay hindi pagiging selfish kundi ito'y self-respect. Minsan nakakalimutan na nating mahalin ang ating sarili dahil sa labis-labis na pagmamahal natin sa iba, na kahit na abusuhin tayo ay pikit-mata pa rin nating itong sinisikmura, kung espesyal ang turing mo sa iyong mahal, espesyal ka rin naman sa ibang tao.

- Madalas sa labis na pagmamahal natin nakagagawa tayo ng isang bagay na labag sa ating damdamin at kahit makasakit ng iba o tayo mismo ang masaktan ay hindi natin ito alintana; para lang mapunan ang tinatawag na "pagmamahal".
 

- Hindi sa lahat ng oras dapat tayo ay nagtitiis dahil may mas magmamahal sa atin ng lubos 'yung taong mamahalin ka at hindi ka aabusuhin at lolokohin at hindi mahilig magbitaw ng pangako pero marunong rumespeto sa damdamin ng iba. 

April 11
- Global warming - biglaang panlalamig ng isang relasyon dahil ang isa kanila ay may pinag-iinitang iba. 

- Hindi mo naman kailangan ng napakaraming "kaibigan" para sumaya, kahit kaunti lang sila pwede na, pero sila yung totoong tao na kaya kang unawain at tanggapin sa pagiging ano ka at sino ka; at handa kang damayan at samahan sa kung ano man ang pinagdadaanan mo sa buhay. 

-Walang kupas na formula; bastardo, rags vs. riches, vendetta, against all odds at syempre love triangle. Wagas na sabong hindi bumubula (soap opera). 

April 12
- Minsan, ang mga taong akala natin na hindi tayo kayang saktan ay sila pa ang susugat sa atin ng napakalalim. 

- Minsan, Hindi sasapat ang salitang "salamat" lang para i-appreciate ang isang bagay na sobra-sobra ang kasiyahang idinulot sa iyong puso. 

April 15
- Hindi man natin maintindihan at malaman sa ngayon kung ano ang mga reasons behind our questions someday, somehow we’ll realize it.
Hindi man natin alam kung bakit may mga nakahambalang minsan sa ating dinaraanan ‘pag nalampasan natin ito dun pa lang natin malalaman ang kahalagahan nito.
 


April 17
- Sana hindi lang maging "financially stable" ang pangarap natin, sana isama na rin natin sa ating pangarap ang maging "emotionally stable" dahil hindi matutumbasan ng anumang materyal na bagay ang pakiramdam na ang mga taong pinahahalagahan at minamahal mo ay pinahahalagahan at minamahal ka rin, in return. 

- Sana ang buhay parang "Shake, Rattle & Roll" na movie lang, hindi natatapos kahit puro sequel; iba-iba ang katambal, iba-iba ang istorya. 

- Alam ko na kung bakit ang mga blogger ay hindi na gaano nagsusulat,
Nag-eenjoy na silang lahat sa Candy Crush
.


- Minsan, hindi na umuubra ang anumang ganda ng Hollywood Movies kung iku-compare sa ganda ng conversations ng taong mahalaga sa iyo. 

- Minsan, 'yung mabubuting tao nagkakaroon din ng hindi magandang desisyon pero hindi ibig ipakahulugan nun na masama na sila, ang ibig sabihin nun...Tao lang din sila.

- Madalas, nakakalimutan natin 'yung magagandang ginawa ng isang tao dahil lang sa maling desisyon, sa isang pagkakamali.

  
April 18
-Claustrophobia - fear of closed spaces.
Halimbawa:
Gusto kong magpabili ng Red Horse kay Aling Conching mamaya kaya lang natatakot ako na baka sarado na ung tindahan niya. Claustrophobia.
 


April 19

- Hindi ako naniniwala sa ingles na kasabihang "too see is to believe" kasi minsan kahit malayo ang taong mahal mo kahit hindi mo siya nakikita ramdam mo naman ang pagmamahal niya.

- 'Yung ibang mga tao kaya hindi gumagaling kasi imbes na Tamang Gamot ang binibili at iniinom mas ginugusto at iniinom nila ung Gamot na may tama. Magkaiba 'yun. 

- Ang mga bagay na hindi mo nalaman sa loob ng eskwelahan, malalaman mo sa ka-officemate mong maraming alam at 'yung mga aralin na hindi naituro sa atin ng ating mga guro, kayang ituro sa atin ng mga empleyadong wagas kung magkwento. 

-Hindi porke gusto mo dapat makuha mo, dapat nating malaman na hindi lahat ay nakalaan para sa atin dahil baka magresulta ito sa hindi maganda ‘pag ipinilit natin.
Hindi porke mahal mo dapat magkatuluyan kayo, may mga bagay na pandalian lang na dapat mong isakripisyo dahil laging may naghihintay na maganda higit pa sa inaakala mo.
 


-Hindi porke hindi ako nagbibigay ng life sa inyo hindi kayo mahalaga sa akin - may career din naman ako kahit papaano, sana naunawaan niyo...

April 20 
- 'Yung magising lang tayo sa bawat umaga, blessing na agad 'yun.
Hangga't wala ang pangalan natin sa Obituary 'wag tayong mawawalan ng pag-asa.
Hindi man laging may rainbow pagtapos ng ulan sigurado namang may umaga kahit gaano pa kahaba ang gabi.
 
 


- ‘Pag may nagkokomento ng “hihihi” sa anumang comment box naiisip ko yung nag-post ng comment na ‘yun ay isang mangkukulam pero alam ko mali ako dun. Hihihi.

- Learn to love yourself more, learn to adjust more in every stiff situation, learn to be more strict baka masyado na tayong maluwag sa ating bawat decisions.
Minsan, yung labis na kabaitan hindi rin lagi nakakabuti.
 


- Hindi sa lahat ng pagkakataon laging may second chance na nakaabang kaya hangga’t makakaya ‘wag nating sayangin ung first time na ipinakatiwala sa atin dahil kung everybody deserves a second chance lahat na lang tayo pwede magkasala. 

- Sana 'yung init ng panahon laging sumasabay sa init ng pagmamahalan.  

April 23 
- Ang pag-ibig parang Brggy. Ginebra, lagi kang pina-aasa pero lagi ka ring binibigo. 

- Forever – isang sitwasyon kung saan ang sandali ay lubhang napakatagal, ang oras ay tila hindi gumagalaw at ang anumang pagkilos ay katumbas ng sobrang pagkainip.
Naranasan mo na ba ang “Forever”?


- Get on your knees and pray after that... get on your feet and work.
Hindi lalapit ang grasya kung ikaw ay nakatunganga.
 


April 24 
- Kung lahat ng rules sinunod natin noong ating kabataan, hindi sana tayo mapapangiti sa ilang mga kalokohang ginawa natin dati; ‘yung pagka-cutting class, yung panonood ng sine, yung pamimingot sa’tin ng ating teacher, ‘yung unang inom ng alak, unang pagsusuka dahil sa labis na kalasingan, unang tikim ng yosi at marami pang “una”.

Kung sinunod natin lahat ng matinong rules na ito, namiss natin ang ating kabataan, namiss natin ang kakaibang kasiyahan…
 


- Sa bandang huli, hindi naman mahalaga kung naabot mo yung pangarap mo dahil ang higit na mahalaga ay kung paano mo inabot yung pangarap mo.
Natupad nga yung pangarap mo marami ka namang inagrabyadong tao walang silbi 'yun.
 


- Pag-ibig - kahalayan ng lumalanding puso. 

"I missed you" - english ng "Nagkamali ako Sa'yo".

April 25
- Tanong: Bakit kapag lalake ang nagloko okay lang, tapos ‘pag babae hindi okay? Bakit unfair?

Sagot: Wala namang nagsabing okay lang ang “magloko”, lalake man ‘yan o babae. Ang pagloloko kahit sa anong form cheating pa rin ‘yan. Sabi ng isang magaling na poet: “cheating doesn’t mean you have to kiss, meet or have sex with a third party. Once you find yourself deleting text / chat and e-mails , so your partner won’t see them , you are already there”, ang bigat ‘di ba?

Madalas kasi ‘pag ang lalake ang nagloko malamang “lust” lang ang dahilan. Womanizing is not tantamount to falling out of love, hindi porke nambabae yung lalake hindi niya na mahal ‘yung wife niya – mahirap ipaliwanag pero marami talagang ‘yun lang ang dahilan. Hindi okay na ang babae ang mag-cheat dahil ‘pag sila na ang nagloko may mas malalim itong dahilan na higit pa “lust” na tinatawag.
Ang lalake ‘pag nagloko baka naghaharot lang ito pero ‘pag ang babae nagloko malamang may problema sa loob ng pamilya.
 
 


-Dapat Tama.
Dapat Tamang Kandidato hindi 'yung Kandidatong may Tama.
 


- Sa Pag-ibig, hindi gaanong mahalaga kung gaano kalaki o kaliit ang pagmamahal na iniukol mo noon dahil ang higit na mahalaga ay ang ibinibigay mong pagmamahal sa kasalukuyan at ang mapanindigan mo ito hanggang sa huling sandali ng iyong buhay. 

April 26
- Arlene: Hindi ka ba naiinitan? Ang haba-haba ng buhok mo.
Limarx: Hindi naman okay lang, malamig na naman yung pagmamahalan natin. hahaha
Toinks.


- Sana ang pagmoved-on ay katulad lang ng pagswimming...na natatapos kaagad ng Overnight.

-Totoong hindi lahat ng bagay ay may happy ending sa totoong buhay pero hindi ipakahulugan nun na habangbuhay ka nang magmukmok at mag-iiyak.
May panahon sa lahat ng bagay; may panahon sa pag-iyak, sa pagtanggap at sa pagbangon gaya ni Laida Magtalas Version 2.0. Na...Wiser. Braver. Stronger. Bolder. Fiercer.


-Yung "Ina, Kapatid, Anak" na dating fiction lang ginagawa nang reality ng Barretto Family. Tara nood tayo.

- Sa Candy Crush pa nga lang nag-eenjoy ka na, lalo pa siguro kung sa totoong crush mo. 

- Sa panahon ngayon, parang mas okay pa ang maghanap ng matinong trabaho kaysa maghanap ng matinong pag-ibig.  

April 29
- ‘Yung phrase na “Everything happens for a reason” parang masyado na ring naabuso, minsan kasi kaya hindi tayo nagtatagumpay sa isang bagay hindi natin nabibigay ‘yung pinaka-the best natin o kaya naman sa simpleng dahilan na talaga lang na pumalpak tayo.
Kung ang “Everything happens for a reason” ang lagi nating ikakatwiran ‘yun na rin ang gawin nating dahilan sa tuwing gagawa tayo ng kamalian.
 


April 30
- Minsan, hindi lang lasa at timpla ang nagpapasarap sa isang pagkain, minsan depende rin ito sa kung sino ang kasama mo sa hapag-kainan dahil kahit wala gaanong sarap ang nakahain parang sasarap na rin ito kung napapanatiling niyong masarap ang inyong pagmamahalan. 



May 2
- Hindi porke nagsabi nang “Sorry”, nagsisisi na talaga siya sa mga maling nagawa niya madalas nagiging daan pa nga ito para sa pag-ulit lang ng parehong kasalanan.

Hindi porke nagbigay ng kapatawaran, agad na niyang malilimutan lahat nang nagawa mong kasalanan madalas ito pa nga ang gumugulo sa kanyang isipan sa panahong hindi ka niya kasama.



- “Wala tayong gagawin dun, magpapahinga lang tayo” gasgas na magic word pero minsan nakakagayuma pa rin. 

- Oo, mahalaga ang ugali natin sa harap ng mga tao pero mas mahalaga ang ugali natin kung mag-isa na lang tayo. 

-Lahat naman tayo may “evil side” kaya ‘wag na magpretend na ubod tayo ng buti.
Lahat naman tayo “makasalanan” kaya ‘wag tayong maghusga dahil lang sa akala mo mas mababang level ang kasalanan mo sa ibang tao.


May 3
- Pagkatapos matupad ng ating mga pangarap; pag-ibig pa rin ang pinakamahalaga sa lahat.
Dahil pag-ibig ang dahilan kung bakit tayo nabuhay dapat pag-ibig pa rin ang kasama natin sa ating paghimlay.


- Ang katagang "Mahal Kita" ay hindi parang isang gift certificate na transferable, kung magsasabi ka ng Mahal Kita siguraduhin mong pag-ibig ang iyong nadarama.


- Hindi mahirap ang magbigay ng labis-labis na atensyon sa taong iyong gusto.
Ang mahirap ay ang dumating ang panahong hindi niya maibalik sa iyo ang atensyong ninanais mo.


May 4
- Ayon sa pag-aaral, mas mahaba daw ang buhay ng mga lalakeng may mga asawa kaysa sa mga lalakeng tumanda ng walang asawa, pasalamat pala dapat ako dahil hindi na ako tatandang binata.
Pero teka, ibig bang sabihin nun na mas hahaba ang buhay ng isang lalake kung siya'y mag-aasawa ng isa pa?!?


May 6
- Ang Ten Commandments ay hindi multiple choice na pwedeng pumili kung ano lang ang gusto nating gawin pero dahil sa tayo'y masyadong marupok halos ganun na rin ang ating ginagawa buti na lang ang Diyos na kilala natin lagi tayong handang patawarin sa kabila ng lahat ng mga kakulangan natin.   

May 7
- ‘Wag mo gaanong sanayin ang sarili mo sa mga bagay na alam mong hindi naman talaga sa iyo dahil tiyak na darating ang panahong tuluyan itong aagawin at kukuning palayo sa iyo.
‘Pag nangyari yun…pati ang kakaunting kasiyahan mo ay mapapalitan pa ng labis na kalungkutan.
 


- Hindi naman talaga sagot ang FAITH sa lahat ng ating mga katanungan; kundi ang FAITH ay ang isang bagay na pipigil sa lahat ng duda at katanungang nasa utak mo. 

May 8
- Dear UST,
Sana kung wala rin lang available slot for a HS student, 'wag nang pakuhanin ng exam ang bata at 'wag na ring tanggapin ang Entrance Exam Fee.

Sayang ang higit tatlong oras na ginugol sa pagsagot ng Exam at lalong sayang ang ipinambayad sa Exam Fee na hindi naman pala nare-refund.


May 9
- Dahil tayo'y tao, may karapatan din tayong magalit pero hindi ito sapat na dahilan para tayo'y mang-alipusta at maging malupit, dahil ang bawat bibitawan nating salita ay hindi na kayang ibalik.
Kahit mag-sorry ka pa ng paulit-ulit.
 


May 11
- Hindi sa lahat ng oras ay lagi tayong masaya dulot ng iba't ibang problema pero hindi ito sapat na dahilan para ikaw ay mawalan ng pag-asa. 

- Mahirap pakawalan ang isang bagay na akala mo'y sa iyo at hindi madaling tanggapin ang mga bagay na buong akala mo'y totoo. 

- Kung tutuusin hindi naman talaga dapat na pagsisihan ang LAHAT ng nangyari sa ating buhay dahil at some point nag-enjoy at sumaya naman tayo dito; nung nagkaroon lang naman ng problema saka lang bigla nating naisip na mali pala at dapat nang pagsisihan.
Kung walang naging problema...eh di tuloy ang pagpapakaligaya?

 

Monday, July 8, 2013

Pinuta - Dos

i.

"Kumusta si Inay, Dok?"

"Medyo lumala kaysa dati ang lagay niya kailangan na niya talagang maoperahan sa lalong madaling panahon."


"Ganun po ba? Magkano nga po ulit ang kakailanganin sa operasyon?"

"Aabutin ang operasyon ng higit sa sandaang libong piso  hindi pa kasama dito ang kakailanganing gamot pagkatapos nito pero sa ngayon kahit limampung-libong piso lang muna, paunang bayad."

Magkahalong lito at lungkot na lumabas ng ospital si Elena. Nangingilid ng luha ang kanyang mugtong mga mata, hindi alam kung saan kukunin ang ganoong kalaking halaga. Isa siyang promo-diser sa Puregold Supermart.

ii.

"Magandang gabi po Congressman! May kasama po akong babae at katulad po ng pinangako ko sa inyo magdadala po ako ng maganda at donselya. Singkwenta mil para sa kanya at singko mil po para sa akin." Si Menchie, isang baklang bugaw ng kanilang Baranggay patungkol kay Elena.

iii.

Pagkatapos maibayad sa cashier ng ospital ang paunang bayad na singkwenta mil agad nagtungo si Elena sa doktor ng kanyang Ina, si Doktor Samonte.

Sinimulan na ng mga Doktor ang operasyon sa nanay ni Elena. 

Hindi namalayan ni Elenang nakatulog siya sa prayer room ng ospital. Alas-onse na ng gabi nang siya'y maalimpungatan. Halos pitong oras makalipas ang operasyon.

"Kumusta ang operasyon, Dok?"

"Ikinalulungkot ko pero dahil mahina na ang katawan ng nanay mo, hindi niya nakayanan ang isang maselang operasyon. Condolence, Elena."

Bagsak ang balikat na napahagulgol si Elena. Tanging pagtangis lamang niya ang naghari sa katahimikan ng ospital na iyon. Tinatanong ang Langit, nagtatanong kung "Bakit?".

Sariwa pa ang sugat ng kahapong alaala nang ibigay niya ang katawan sa lalaking hayok sa laman kapalit ng limampung-libong piso, hinayaan niya ang kanyang sarili na lurayin ng pulitikong ganid na ang ipinambayad sa kanya'y malamang na galing sa pondo ng bayan. 
Salaping walang pinatunguhan. 

Ang ginawa niyang kaparaanan ay tumungo lamang sa kawalan at isa nang marungis na babae ang turing niya sa kanyang sarili. Pakiramdamam niya'y wala na siyang ipinagkaiba sa isang puta
Isang babaeng pinuta ng kahirapan, pinuta ng sistema. 

"Ah miss, excuse me...pakiasikaso na lang po 'yung mga papers sa baba, meron din po kayong mga pipirmahan dun para po madischarge na mas maaga ang nanay mo, nandun na rin po sa cashier ang billing na dapat ninyong bayaran." sabi ng nurse kay Elena na nakatingin lang sa kawalan, tila walang narinig.

iv.

"Bossing, dalawang libo lang." si Elena habang ibinubuga ang usok ng kanyang hawak na yosi, sa driver ng kotseng huminto sa kanyang harapan.


 

Thursday, July 4, 2013

Ang Unemployed



Kalagitnaan na ng hatinggabi ngunit hindi man lang sumisilip ang buwan at ni ang kislap ng bituin ay tila nagkukubli sa mga mata mong naghahanap ng kahit kaunting paliwanag at kaliwanagan.
Ang lalim ng gabi'y singlalim ng mga iyong alalahanin at iniisip at ang dilim ng paligid ay umaayuda sa nararamdaman mong depresyon at kalungkutan.

Higit sa isang taon na ang nakalipas nang ikaw'y makapagtapos sa kursong iyong ninais pero heto ka ngayon...pabigat ng pamilya, pabigat ng lipunan.
Labing anim na taon kang nagsunog ng kilay sa loob ng paaralan ngunit nais mong ikumpara ang iyong sarili sa mga taong nangangalakal na hindi nakatuntong ng eskwelahan.
Kung susumahin hindi na rin biro ang iyong nagastos sa iyong pag-aapply ngunit higit pa sa gastos ang paghihirap sa kalooban na iyong dinaranas sa bawat bigong araw na lumilipas.

Hindi mo inakala na ganito pala kalupit ang reyalidad ng buhay.
Hindi mo inakala na higit na madali pala ang magbasa ng aralin gabi-gabi kaysa makatulugan ang pag-aalala sa mapanuyang paghahamon ng bukas.
Hindi mo inakala na mas nakakapagod pala ang maghanap ng trabahong mapapasukan kaysa ang magpabalik-balik sa eskwelahan.
Hindi mo inakala na mas nakakabagot pala ang magpasa ng sangkatukak na Resumé sa iba't ibang employer kaysa ang magpasa ng examination papers.
Hindi mo inakala na mas nakakasawa pala ang pagsagot sa mga paulit-ulit na tanong sa mga job interview kaysa sumagot sa recitation ng iyong mga propesor.
Hindi mo inakala na mas masarap pala ang buhay estudyante kumpara ngayong naghahagilap ka nang mapapasukan.

Magkano nga ulit ang itinakdang minimum wage? At magkano nga ang ginastos ng iyong mga magulang sa pagpaaral?
Sasapat ba sakali ang paunang salary mo para bumuhay ng matinong pamilya? Paano ka makakatulong gayong palamunin ka pa rin hanggang ngayon?
Ilang milyong mag-aaral ba ang nagtatapos taon-taon? At ilang bakanteng posisyon ba ang nakalaan para sa kanila?

Ngayon mo nauunawaan kung bakit milyong Pilipino ang sumusugal sa ibang bansa. 
Ngayon mo lang lubos na pinahalagahan ang hirap, pagod, pagsisikap at tiyaga ng iyong mga magulang para lang makakain ang pamilya.
Ngayon mo lang unti-unting naiintindihan kung bakit maraming empleyado ang hindi nagamit ang kanilang pinag-aralang kurso kapalit ng mas mababang uri ng trabaho.
Ngayon ka lang nag-alala sa kinabukasan mo at ng iyong magiging pamilya.

Hindi mo gustong matulad sa napakaraming tatlumpu't-walong milyong Pilipinong walang hanap-buhay pero heto ka ngayon - Unemployed.
Hindi mo nais na manirahan sa gilid ng kalsada at maibilang sa tinatawag na Informal Settler pagdating ng araw kaya heto ka ngayon - Balisa.
Tinutuligsa mo noon ang mga tambay sa inyong lugar pero ngayon matagal ka nang kabilang sa kanila.

Ayaw mo nang ganitong buhay, hindi mo ginusto ang maging tambay pero tila ang tadhana ang nagtutulak sa'yo upang ikaw ay maging ganito. Kasalanan ba ng gobyerno kung bakit marami ang ganito o sadya lang maselan ang iba sa pagtanggap ng trabaho?
Mali ba ang iyong nakuhang kurso o hindi pa lang dumadating ang swerte ng pagkakataon?

Marami kang gustong balikan, marami kang pinanghiyangan.
Marami kang mga pangarap ngunit kahit kapiraso man lang nito sa wari mo'y patungo sa kawalan. Nagsasawa ka na pero alam mong hindi ito ang tamang panahon ng pagsuko.

Mistula kang pulubi na nangangailangan ng kaunting limos. Pakiramdam mo'y mas malaki pa ang halaga ng hawak mong selepono kaysa sa iyong sarili at mas may pakinabang pa sa'yo ang mamang putol ang paang nagtitinda ng yosi. Iniisip mong mas nakatutulong pa sa kanyang pamilya ang batang gusgusing namumulot ng plastik sa basurahan at mas may silbi pa sa'yo ang adik sa solvent na pumapasada ng kalawanging kuliglig sa eskinita.

Ang iyong magarang suot ang magsisilbing pananggalang upang pagtakpan ang hirap ng iyong kalooban.
Ang iyong makisig na porma ang balat-kayo mo sa mapanuri at mapanghusgang mata ng mga tao.
Ang iyong mga hightech na gadget ang mag-aangat sa bumabagsak mong pagkatao.
Ang iyong kahusayan sa pagsasalita ng inggles ang magkukubli sa kaignorantehan mo sa maraming bagay.
Samantalang ang napagtagumpayan mong diploma ang magsisilbi mong sandata at kalasag sa pagsubok at dagok ng buhay.

Mamaya bago mo ipinid ang iyong mga mata muli mong sisipatin ang pagsilip ng buwan aasa kang siya'y muli nang ngingiti, iyong aaninagin ang mailap na nagkukubling kislap ng mga bituin,  maghihintay ng paliwanag at kaliwanagan ang pagsapit ng iyong naghihintay na bagong bukas.
Mapapawi na ang mga alalahanin at pag-iisip, liliwanag sa wakas ang kapaligiran, mangangarap na mapapalitan na ang depresyon at kalungkutan ng ubod-tamis na tagumpay at walang patid na kaligayahan, SANA.

Monday, July 1, 2013

O V E R D R I V E



Dahil fan ako ng Eheads dapat ganyan ang sunvisor
Bukod sa magkaroon ng sariling bahay at lupa palaging kasama sa ating mga pangarap ang magkaroon ng sariling sasakyan at 'pag mayroon ka na nito dapat pag-aralan mo rin kung paano mo ito i-drive o kahit wala kang sariling sasakyan dapat matutunan mo ang magdrive dahil for sure mapapakinabangan mo ito balang-araw. Sa medyo mahabang 13 years na driving experience ko hindi ko pa rin masasabing napakaeksperto ko na dito, hindi ko pa rin masasabing perpekto ko na ang pagparada sa isang masikip na parallel parking, hindi ko masasabi na hindi na magagasgasan o masasagian ang aking sasakyan at hindi ko masasabing napakahusay na driver ko na. Minsan kasi kahit anong pagpupursigi o pag-iingat natin sa isang bagay mayroon pa ring darating na hindi natin maiiwasan. Kahit may pag-iingat ka may mga tao namang walang pakundangan at walang pakialam sa kalsada.

Ang pagmamaneho sa kalsada ng Kamaynilaan ay nangangailangan ng matinding pasensya at pagtitimpi. Sa dami ng iresponsableng motorista ngayon lagi kang mapapaaway kung laging mainit ang ulo mo. Sabi, malalaman mo daw ang tunay ng ugali ng isang tao kung siya ay nasa likuran ng manibela pero hindi ako gaanong naniniwala dito dahil may mga factor na dapat i-consider kung bakit nag-iiba ang asal ng isang tao kung siya'y nagmamaneho.

Masarap ang pakiramdam ng unang mga taon sa driving kumbaga e nasa "sweetest moments" pa lang kayo ng bago mong girlfriend, nandun pa 'yung lambing at pagkasabik niyo sa isa't isa pero kalaunan at dahil sa napakaraming mga pasaway sa kalye mas nanaisin mo na lang na isa ka sa pasahero imbes na ikaw ang nakaupo sa driver's seat. Sino ba naman ang matutuwa sa mga pasaway at naglipanang kuliglig sa kalsada, sa matitigas ang ulo at kuma-counterflow na mga tricycle driver, sa mga walang modong jeepney driver na sa mismong gitna nagsasakay at nagbababa ng pasahero, sa napakaraming lubak-lubak na kalsada, sa napakatagal at napakabagal na daloy ng trapiko sa Kamaynilaan, sa maraming astig na motoristang ginagawang dekorasyon lang sa daan ang traffic lights and signage? Pagkalipas ng limang taon mong paghawak ng manibela malamang sawaan ka na sa pagmamaneho.

Kundi ka rin lang antukin sa pagmamaneho 'di hamak na mas masarap pa ang long driving kesa makipagsapalaran sa lansangan ng Kalakhang Maynila. At hindi raw ganap ang pagiging driver mo kung hindi mo naranasan ang magdrive ng higit sa anim na oras, nang mga kalsadang may sharp curve, madilim at sinabayan pa ng malakas na ulan. Oo, naranasan ko na rin lahat ng iyan. Naranasan ko nang magdrive sa malupit at nakakapagod na papuntang Baguio at pabalik ng Maynila, sa matinding sharp curve ng Tagaytay at Olongapo, sa nakakainip na biyaheng Batanggas, idagdag ko na rin ang Laguna, Pampanga, Bataan, Quezon at Pangasinan at sa ubod ng dilim na dating NLEX. Kukumpleto sana sa karanasan kong magdrive ay ang maranasan ang makapagmaneho sa napakatarik at delikadong Bitukang Manok na kalsada ng Lucena, Quezon at 'pag nai-drive ko 'yun ng walang aksidente masasabing 'Certified Driver' na ako.

sa Google Images lang galing ang larawan pero ganyan ang car ko dati pramis.
Hindi madali at hindi simple lang ang magkaroon at mag-maintain ng sariling sasakyan (brand new man ito o secondhand) maraming dapat isaalang-alang at isakripisyo para dito. Ang una kong sasakyan ay secondhand, isang 1995 model Mazda-Astina 323 sedan na nabili ko nang year 2000. Dito ko naranasan ang unang bangga, unang gasgas, unang kaba, unang sakit ng ulo. Hindi nga madali ang magmaintain ng sariling sasakyan lalo't kung ito'y secondhand mo nabili hindi mo alam kung kailan, ano at saang bahagi (na naman) ang bagong diperensya/problema ng kotse mo. At sigurado kukulangin ang isang libong pisong nasa bulsa mo para ito'y mapaayos. Dahil ang Mazda 323 ay malasportscar malamang na ang dating nagmamay-ari nito ay naihataw ito ng husto kaya nang napasakamay ko'y palaging may sira.

Gusto talaga ni Tyrone kasama siya sa picture
After ng dalawang taon, kinunsider ko nang marunong na talaga ako magdrive at pwede na akong bumili ng mas matino at bagong sasakyan. Pinalad akong makabili ng 2002 Isuzu Crosswind, wow ang sarap ng feeling! Hindi ako makapaniwala na nakabili ng bagong sasakyan na dati'y isang pangarap at panaginip lang! Para akong isang paslit na lango sa amoy ng bagong papel, bag, notebook, crayola at sapatos ganun ang amoy ng bagong sasakyan...mabango kahit hindi naman. Dahil dugo at pawis ang puhunan ko dito sinikap kong maging well-maintained siya sa katunayan gamit ko pa rin ito ngayon sa tuwing araw ng Huwebes.
Rear view ng old age na Crosswind. Dapat nakatakip ang mukha for security reasons pero sigurado parehong cute ang artwork at ang nagpalitrato.

Kung ang problema mo sa secondhand na sasakyan ay ang pangambang masiraan ka sa panahong kapos ka sa pera at hindi mo inaasahan ang hindi naman madali sa pag-acquire ng bagong sasakyan ay paghulog mo sa bangko ng malaking porsyento ng iyong salary sa loob ng apat na taon bukod sa 6 digit na downpayment at hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng diesel o gasolina na dapat ikonsidera. Whoah, kakalula di ba?! So, kung balak mong kumuha ng sasakyan ngayon makailang beses mo itong dapat na pag-isipan.

Ayon sa pagkakaalala ko ay ganyan more or less ang nangyari
Parang isang bangungot ang naranasan ko isang gabing medyo maulan sa sasakyang ito noon sa NLEX; habang pinapatakbo ko ito ng 130kph ay biglang pumutok/sumabog ang kanang likurang bahagi ng gulong nito. Umikot ang sasakyan ng isa't kalahating beses, sadsad kami sa shoulder ng highway; mabuti na lamang na walang paparating na rumaragasang trak o bus ng eksaktong sandaling iyon kundi ay St. Lukes' o St. Peter ang sumunod na destinasyon namin, tulala kami ng wife ko nang halos limang minuto sa nangyaring aksidente, nanginginig ang aking kalamnan at pawisan ng husto kahit malamig ang aircon. Tsk tsk. Muntik na. Thank God.

Sabi ni Tyrone dapat daw ganyan magpapicture
Natagalan bago ako ulit nakabili ng bagong sasakyan dahil na rin sa global economic crisis (haha ang arte - ayaw na lang sabihing kapos sa pambili) at nagsisipag-aral na tatlong anak. March 2010 sa wakas after 8 long years may katuwang na ang aking Crosswind, isang Toyota Vios - ganun pa rin ang feeling hindi pa rin makapaniwala na may bago na naman akong sasakyan, na sa kabila ng mga krisis sa buhay ay may bagong blessing na ibinigay si Lord. Sa hirap ng buhay ngayon kailangan tumagal sa akin ito ng higit sa sampung taon katulad nang pagtagal ng Crosswind. By that time, mapipilitan na talaga akong ibenta ang old age na AUV na ito, na malaki ang naitulong sa pamilya, sa trabaho, sa pambababae emergency, sa mga out of town na pasyal, sa kamag-anak. So far, memorable para sa akin ang pagdadrive ko sa Vios na ito ang pagpapatakbo ko rito ng almost 180kph sa kahabaan ng SCTEX! Tsk tsk, bad daddy dahil nagpadala ako sa buyo ng tatlo kong anak (na puro lalaki), akala yata nila na ang totoong driving ay walang pinag-iba sa nilalaro nilang Burnout at Need for Speed sa PSP.

Para sa akin, (unless marami kang pera at gustong-gusto mo talaga) hindi recommendable na masyado mong mahalin/pagandahin ang iyong sasakyan (modelo man ito o hindi) dahil kahit gaano pa kamahal o kaganda ang accessories na ilagay mo dito, hindi ito kaseguruhan na maibebenta mo ang iyong sasakyan sa mataas na halaga. Ang resale value ng anumang kotse ay deprecicated, base ito sa sa year model kung kailan ito lumabas at hindi sa kung ano ang accessories na ikinabit mo dito. Mas makabubuting ipunin at ilaan ang dapat na pambili sana ng accessories para sa downpayment ng brand new at modelong sasakyan.

Sa pagmamaneho hindi lang buhay mo ang nakataya kundi pati ang buhay ng mga taong nakasakay sa minamaneho mo. Maging maingat sa lahat ng oras. Huwag uminom ng alak dahil kahit hindi ka malasing sa ininom mong isa o dalawang bote ng beer umaayuda naman ito sa iyong pagkaantok at mahirap talunin ang antok, maniwala ka. Kung mag-o-overtake siguraduhing may sapat kang lakas nang loob at tiyaking mas mabilis ng at least 10-30kph ang minamanehong sasakyan sa o-overtakean na kotse - gawin ito ng mabilis at swabe, 'wag magdalawang-isip dahil segundo lang ang pagitan ng buhay at sakuna. Pareho lang nakakabadtrip ang ikaw ay mabangga at makabangga - kung nangyari sa'yo ito makabubuting kumalma, palipasin ang ilang minuto bago bumaba ng kotse; hangga't maari 'wag magpadala sa init ng ulo marami nang napahamak dito at hindi na maibabalik pa ang anumang masasakit na salitang binitiwan pag nagkataon baka lumala pa ang sitwasyon. Mare-resolve ang lahat kung may otoridad na namamagitan.

May pagkakataong maiipit ka sa masikip na trapik o nakabitin ang sasakyan mo sa tulay o mapapasubo ka sa rumaragasang ulan o madadaan sa mabaha at madulas na kalsada - tulad ng ating buhay hindi ito palaging smooth at walang pagsubok. Bahagi ito ng buhay, bahagi ito ng pagmamaneho dahil ang karanasan mo ang huhubog sa pagiging mahusay mong driver balang-araw. Maging defensive at responsableng driver ng lipunan sa halip na offensive at pikunin. Huwag nang tumulad sa mga barubal sa kalsada, kung ginagaya mo sila wala kang karapatang magalit sa kanila.

Ang buhay para ring driving, minsan kailangan mong magmabagal, huminto at sa pagkakataong naghahabol ka ng oras kailangan mong magmabilis pero kaakibat nito ang isang responsibilidad na dapat harapin sakaling makaaksidente. Sa panahong may lubak ang buhay dapat ay dahan-dahan para hindi lalong mapahamak, hindi kailangan laging mabilis ang takbo lalo na kung paahon at pabulusok ang daan. Mahirap magdesisyon kung tumatakbo ka nang ubod ng bilis isang maling desisyon mo'y baka buhay ang maging kapalit. Makakarating ka pa rin naman sa iyong patutunguhan kahit hindi ka magmaneho ng mabilis, okay lang kahit medyo late ang importante ikaw at ang iyong mga sakay ay safe. Tandaan, KARAMIHAN sa malalang aksidente ay dahil sa iresponsable, kaskasero at nagmamadaling driver na nasa likod ng manibela.

May we all have happy and safe journey! Ingat!