Monday, November 12, 2012

Zoe: An OFW Story



Taglay ng batang ito ang katangiang makapagtatanggal ng anumang pagod na naipon ng kanyang ina mula sa maghapong pag-oopisina at siya rin ang may kakayahang magbalik ng matamis na ngiti sa tuwing sasanib ang anumang kalungkutang hinatid ng malupit na mundo. Ang inspirasyon sa kanyang bawat pangarap, ang dahilan sa kanyang bawat paggising, ang kanyang umaga sa paglisan ng malungkot na gabi.

Sinong ina ang hindi babalikan ng sigla kung ang dadatnan mo sa iyong tahanan ang kabibohan ng batang ito? Siya si Zoe. Isang apat na taong gulang na babae. Magiliw. Malambing. Maamo ang mukha na animo'y kawangis ng isang anghel. May biloy sa magkabilang pisngi na sumisilay sa tuwing siya'y hahagalpak ng tawa. May makislap na mga mata na parang nangungusap na ikaw ay agad na bumalik kahit di ka pa nakalalayo ng tahanan.
Sinong ina ang hindi patuloy na mangangarap pag narinig mo ang kanyang nakatutuwang mga halakhak? Masiyahin. Matabil. Ngunit mababanaag mo sa kanyang bawat tanong ang pagnanais na makawala sa kainosentehan ng kanyang murang edad at may pagkakataong ang kanyang pag-uusisa ay kukurot sa iyong puso nang 'di mo namamalayan.
At sinong Ina ang hindi magpupursigi sa hamon ng buhay kung ang kanyang mga pangarap ay nakasalalay sa iyong mga kamay? Ang makita sa hinaharap ang pagiging ganap na babae mula sa pagiging makulit na bata, ang makita balang-araw na ang batang ito ay tatamasa at isasabuhay ang pangarap na sa kasalukuyan ay isang panaginip pa lang. Ang magkamit ng isang matiwasay at payapang buhay na kapwa hangad din ng kanyang ama't ina.

At ang kanyang Ama?
Isang OFW. Pilipino na dayuhan sa ibang bansa. Bagong Bayani. Bayaning nangungulila sa pagmamahal, sa pamilya at sa kalinga. Bayaning nakikipagsapalaran at nakikisalamuha sa iba't ibang lahi. Isang mandaragat na tanging ang hampas ng alon sa dagat ang nagsisilbing musika ng kanyang gabi. Ang kanyang sandata sa lungkot ng magdamag ay ang piraso ng pangarap na sa pagdating ng panahon ay umaasang magiging pangarap na paraisong natupad. Isang mandaragat na mas mahaba pa ang panahong inilalagi sa tubig kaysa sa lupa at lubhang napakabagal at napakatagal ang takbo ng oras sa panahong siya'y naglalayag kasama ng binubuong pangarap. Isang mandaragat na naglalayag sa lawak ng karagatan na katulad ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya ay walang sukat, walang hangganan.

Katulad ng ibang pamilya na ang ama o ina ng tahanan ay sumasagupa sa ibang bansa ganito ang kwento ng kanilang buhay. May saya ngunit mas lamang ang lungkot, may ngiti ngunit di maitanggi ang pighati. At sa kabila ng matunog na halakhak ay ang pagpipilit na ikubli ang sasambulat na pag-iyak. Araw-araw, buwan-buwan, taon-taon. Paulit-ulit. Kung bakit kailangang ganito ang istorya ng buhay ay hindi madaling sagutin at hindi madaling unawain. Pinagbuklod ngunit pinaghiwalay ng pangarap. Pinag-isa ngunit libong milya ang distansiya. Ang nagsisilbing tulay upang mapaglapit ang kanilang nangungulilang gabi ay ang teknolohiya; Facebook, Yahoo Messenger,  Skype at iba pang social media, mabuti na lamang. Dahil kung wala ito, paano mo sasalubungin ang umaga ng hindi mo naringgan ang tinig ng mahal mo bago ka umidlip sa gabi? Paano ka mangangarap kung ang iyong mga inspirasyon ay hindi mo masilayan kahit sa laptop man lang? Paano ka babangon sa pagsubok kung hindi mo maririnig ang puno ng pag-ibig na mga katagang "Mahal Kita" kahit sa selepono man lang? Nakakainip, nakakasawa, nakakapraning ang mamuhay sa bayan ng dayuhan, ang mamuhay na mawalay ang mahal sa buhay at kung hindi mo ito kayang paglabanan guguhong kasama mo ang lahat ng iyong pinaghirapan at pagtitiis.

Ngunit kailangang magsakripisyo upang makabuo ng pangarap.
Kailangang may magtiis upang magkaroon ng mas matamis na pag-ngiti.
Kailangang umiyak para sa mas masarap na kaligayahan.
Kailangang ipamahagi ang kasalukuyan para makamit ang isang magandang bukas.
Kailangang suongin ang malalakas na unos para sa masasayang araw na sasalubong.
Kalangang hindi makadalo sa mahahalagang okasyon para sa habambuhay na selebrasyon ng buhay.
* * *
Makalipas ang ilang buwang bakasyon. Bakasyong singbilis lang ng isang gabing panaginip. Si Zoe ay nakatakdang magpaalam sa kanyang ama. Sa murang edad batid na niyang pansamantalang mawawala na muli ito at sa susunod na mga araw, linggo at buwan tanging tinig na lang mula sa linya ng teknolohiya ang magbubuklod sa kanila. Sa murang edad alam niyang siya'y mangungulila na naman sa pagmamahal ng isang ama; wala sa kanyang kaarawan, sa kanyang school recognition, sa pasko, sa bagong taon, sa pamamasyal at sa panahong siya'y may karamdaman.

Ang kanyang ina'y nakamasid. Tumatangis. Nag-aabang sa susunod na mangyayari. Binabasag ang katahimikan nang humihikbing damdamin, pigil ang emosyon ngunit 'di mapigil ang umaapaw na pag-ibig; ng Ina, ng Ama at ni Zoe. Muling maghihintay sa mga oras, araw at buwang tilang hindi nagwawakas.

Bitbit ng ama ang kanyang bag na puno ng hapis at hinagpis at sa kabilang kamay naman'y hila-hila ang isang maletang puno ng pangarap at pag-asa habang si Zoe ay nakatitig sa kanyang ama at tila may nais na ipahiwatig. Ang amang isusugal ang kasalukuyan para matagampuyan ang kinabukasan habang si Zoe ay puno ng katanungan. Hindi na kailangang marinig pa ang bawat sasambitin ng mag-ama dahil banaag na sa kanilang mga mata ang labis na kalungkutan.

"Ayan ka naman, aalis ka naman!" sabay yakap ng ama sa batang si Zoe habang lahat ng tao sa paligid ay nag-iyakan. Ang huling salitang namutawi sa bibig ni Zoe bago maghiwalay ang mag-ama.

Ilang Zoe pa ang kailangang mangungulila sa kanyang magulang?
Ilang Zoe pa ang mag-uusisa at magtatanong ng "Kailan"?
Ilang "paalam" pa ang kailangang bigkasin para sa muling pagkikita?

Ako, sampu ng kaanak ng mga OFW saan mang dako ng mundo ay nagpupugay at nagpapasalamat sa Social Media. Ang instrumentong nagsisilbing tulay upang magkausap ang mga tinig at kaluluwang nangungulila, ang instrumentong pansamantalang nagpapalisan sa kalungkutang nananahan sa pusong dumaranas ng dalamhati. Ang instrumentong nagsisilbing tulay upang pagdugtungin ang nakaraan, ang ngayon at ang kinabukasan ng OFW at nang pamilya nito.

* * *

Ang akdang ito ay aking lahok sa 2012 Pinoy Expat Blog Awards.

TEMA: THE SOCIAL MEDIA AND I: Bridging the Past, Present and Future

 


Sa Ilalim ng OFW Supporter Blogs.

Monday, November 5, 2012

My Loneliness is Killing Me...




"I went to sleep last night with tears in my eyes. Woke up this morning with tears in my eyes. Was supposed to spend some running moments with my pink rubber shoes but my eye bags are so big that I can't afford to go out. So down lately that last night was unbearable for me anymore. Many people misunderstood my emotional shift. Even myself could not fathom. That every time I had this paranoia state, I can't help but locked up myself in my cocoon of insecurities and frustrations. It's the time that words of encouragement are unacceptable. That hopes are vain. That I feel like living in a sempiternal misery. That nobody really cares. But my sane self knows I am wrong. Because many still believe that I have a butterfly in me. That I have those pair of tiny, colored wings that enable me to fly out to the world. The wings that brought me to the abundant garden of family, friends and significant people. Maybe, I just need to convince myself. That if those wings broke or will be broken again, I don't need to go back to the cocoon where darkness consumed my whole being. But rather rest in the company of beauteous flowers."

Post ito ng isa sa mga friend ko sa Facebook na itago natin sa pangalang Cherrie.
Nawindang ako. Hindi lang dahil sa bigat ng english na nakalahad dito kundi dahil sa mensaheng nais niyang iparating. Hindi ko alam na sa kabila ng kanyang pagiging masiyahin ay hindi ko napansin ang lungkot na kanyang itinatago. Hindi ko napansin na sa kabila ng kanyang mga ngiti ay may ikinukubli pala siyang labis na pighati. Binalot din ako ng lungkot nang sandaling iyon dahil halos katatapos ko lang sa ganoong sitwasyon. Ang pakiramdam na akala mo'y mag-isa ka lang na naglalakbay patungo sa kawalan; naglalakad sa gitna ng karimlan na halos lamunin ka na ng buo nang nararamdaman mong kalungkutan; naglalayag sa kalagitnaan ng malawak na karagatan gamit ang balsang anumang sandali'y maaring hampasin nang nagngangalit na mga alon.

Gusto mong tumakbo sa lugar kung saan walang nakakakilala at babagabag sa iyo at doo'y isisigaw at ihihiyaw ang lahat ng sakit at hinanakit na idinulot ng sitwasyong bumabasag sa iyong sanidad, gusto mong lunurin ang sarili sa anumang bagay na nakalalango na makapagpapakalma at aayuda sa sandaling paglimot sa kung anong umuukilkil sa iyong naliligaligang isipan, gusto mong iiyak ang iyong saloobin at ibuhos ang lahat ng sama ng loob mo sa mundo. Mapagkunwang hinahanap ang mga bagay na sa akala mo'y itinakwil ka datapwat nariyan lang naman sa iyong paligid; ang kaibigang handang umanong damayan ka sa maligalig na kalagayan, ang pamilya na bukas at handang makinig sa bawat salitang iyong bibitawan, ang kaligayahan at kagalakang hindi mo matugis sa haba ng panahong nagdaan. Ngunit ang lahat ng ito'y hindi mo mahagilap dahil mas ninais mo ang mag-isa, ang yakapin ang nanunuot hanggang kaluluwang lungkot at damhin ng husto ang pighating mas madalas na dumalaw at manahan sa iyong puso, ang hayaang malunod sa lungkot at luha ang sariling diwa at ang mugtong mga mata na halos hindi na silayan ng liwanag at pag-asa.

Para kang isang sadista na tila nalilibang sa bawat hagupit ng sakit na hinahatid sa iyo ng kapalaran o isang masokista na walang pakialam sa kalagayan ng ibang taong nag-aalala sa'yo at nagmamahal sa buo mong pagkatao kasama na rito ang lahat ng iyong kapintasan at kahinaan ngunit sadya man o hindi ay kapwa mo nasasaktan. Hindi matigatig ang iyong isip sa mga maganda at mabuting paalala, hindi maibsan ang damdaming puno ng pag-alala kahit pa may mga taong tunay na nagmamalasakit sa iyong kalagayan.

Masakit ang katotohanang marami sa atin ang nabubuhay na mas lamang ang nararamdamang lungkot kaysa saya, mas nangingibabaw ang pighati kaysa ngiti, mas nagbibigay puwang ang hindi masayang sandali kaysa masasayang alaala. Na kahit anong pagkukunwari ang iyong ipamalas ay lalabas pa rin ang iyong tunay na nararamdaman. Minsan naiisip mong maganda rin ang pagpapanggap dahil sa pagpapanggap na ito aakalain ng mga tao na okay ka at walang dinadalang hinanakit kahit alam mong sa sarili mong hindi naman at 'pag lubos na napaniwala mo ang lahat na wala kang dinaramdam panandaling makakalimutan mong nagpapanggap ka lang pala. Ngunit pagsapit ng gabi sa oras na ikaw na lang mag-isa, magdamag kayong magkaulayaw at magtatalik ng kapighatian kasama ang luha na iyong itinuring na matalik na kaibigan.

Mabagal ang gabi. Nakapagtatakang sa tagal nang pagkakahiga ay tila hindi tumatakbo ang oras. Tila mas mabilis pa ang patak ng iyong luha kaysa bawat segundo ng orasan. Ang daming nasa isip ngunit pawang lahat ay hindi mabuti. Ang mga malulungkot na awiting iyong naririnig ay inaakala mong tila sinadyang nilikha para sa'yo at ang umaawit nito'y para kang sinusuyo, kinakausap. Tumatagos sa puso mo ang mensahe at bawat letra ng kanta at ang melodiyang kasama nito ay mistulang isang punyal na nagdadagdag sa sakit na iyong nararanasan. At minsan mo na ring inisip na sana sa iyong pag-idlip ay tuluyan ka nang hindi magising upang 'di na muli maranasan pa ang labis na kalungkutan at desperasyong iyong nararamdaman.

Hindi biro ang malagay sa ganitong sitwasyon. Mahirap ang kumawala sa ganitong kalagayan. Hindi simple ang maging bilanggo at makatakas sa rehas na ito ng kapighatian. At kung hindi ka pa nakaranas ng matinding kalungkutan wala kang karapatang husgahan ang mga taong dumaranas nito. Hindi ito madali dahil sa sandaling lukuban ka ng ganitong pakiramdamam sari-saring imahinasyon ang maglalaro sa iyong isipan na halos kawalan mo ng katinuan. Nagiging marupok, na sa isang simpleng udyok lang ay maaring bumigay ang litong pag-iisip. Madali ang sabihing nasa isipan lang ang lahat ng kalungkutang ito, madaling sabihin na ito'y isang halimbawa lang ng "mind over matter" na sitwasyon na kayang ma-overcome kung mag-iisip ng mga bagay na positibo.

Ngunit ang katotohanan kung hindi kaagad maisasalba ang kalungkutang ito, ito ay patungo sa labis na galit at aabot sa puntong lahat ay iyong kinikuwestyon; kung bakit kailangang sa iyo mangyari ang ganito gayong ginawa mo naman ang lahat, kung bakit parati mo itong nararanasan, kung bakit hindi mo maramdaman ang tunay na kaligayahang para sa'yo at pati ang existence ni God ay iyo na ring pinagdududahan. Kahit alam mong ito ay totoong nangyayari pilit mo pa rin itong pinasisinungalingan, wala kang kakayahang ibalik ang nakaraan pero patuloy kang nangangarap na sana hindi ito nangyari at gagawin ang lahat o ibibigay ang lahat kapalit ng iyong kagustuhan.
Anumang labis ay masama at ang labis na nadaramang kalungkutan ay kadalasang humantong sa mas nakakatakot na kalagayan; depresyon. Ang sitwasyon kung saan hindi mo pinahihintulutang pumasok ang saya sa iyong puso at negatibo ang interpretasyon mo sa halos lahat ng bagay. Depresyong sa kalauna'y patungo sa kamatayan, literal man o metapora. Kamatayan ng lahat ng nalalabing pag-asa o ang nakagigimbal na pagkitil sa sariling buhay ng isang nagugulimihanan.

Kahit marami ang nag-aabot ng tulong sa'yo o nag-aabot ng kamay upang ikaw ay damayan at iahon sa depresyon at kalungkutang iyong dinaranas kung wala ka namang interes na umahon sa nalulubog mong kalagayan hindi ka tuluyang makakawala dito. Hindi ka makakahulagpos sa tanikala ng malungkot na nakaraan na nagpapahirap sa iyong kalooban. Ang kalungkutan ay normal lang na nararanasan nating lahat anuman ang estado mo sa buhay, mayaman ka man o mahirap. Isa ito sa dalawang mukha ng ating buhay ngunit kung patuloy at parating ito ang lagi mong niyayapos hindi malayong yakapin ka rin nito nang pangmatagalan. Ang lungkot ay mas higit pa sa takot dahil ang takot ay madalas bunga lang ng imahinasyon ngunit ang lungkot kung hindi mo kayang mapagtagumpayan ay maari kang igupo, ibabagsak ang iyong pagkatao, ang iyong katinuan, ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan at ang iyong buhay.

Walang ibang makatutulong sa kalagayan mo kundi ang sarili mo mismo. Ang minsang kalungkutan, pagkalugmok at pagkabigo ay normal sa tao ngunit ang hindi normal ay ang hindi mo pag-ahon sa pagkakalugmok na ito at hayaan ang sariling nakasubsob at nakadapa. Huwag lingonin at hagkan ang malulungkot na alaala ng naglahong kahapon, huwag gaanong mag-alala at matakot sa hindi pa sumisibol na bukas, harapin mo muna ang ngayon at kasalukuyan gawin itong maganda at mag-iwan ng masayang alaala. Huwag isiping ikaw ay nag-iisa dahil marami ang nagmamahal sa'yo na higit pa sa'yong inaakala hindi mo lang sila nakikita dahil minabuti mong hindi sila tingnan at nababalot ang iyong mga mata ng ulap ng dalamhati. Ang labis na galit mo sa nakaraan ang siyang magiging dahilan para mabawasan mo ang pagmamahal sa kasalukuyan.
Kung natatakot ka sa kung ano ang iyong nasa harapan at labis kang nasasaktan tuwing ikaw ay lilingon dulot ng masakit na nakaraan, oras na para tumingin ka naman sa Itaas, tumingala ka at tawagin Siya, tiyak hindi ka Niya pababayaan.
Baka iyon lang ang kulang upang sa wakas sumilip ang iyong kaligayahan. :-)

Friday, November 2, 2012

Nasayang na saya



Halos dalawang buwan ang kinailangan.
Dalawang buwang pananabik sa kung anong mararanasan.
Saya, kulitan, biruan, harutan, tawanan na walang humpay.
Inaasahan na rin ang pagod at sakit ng katawan pero hindi ito hahadlang upang maglibang.
Susulitin ang haba ng weekend a-dos hanggang a-kuwatro ng Nobyembre ng 2012.
Tatlong araw na magliliwaliw at tatakasan ang pagod at pressure ng opisina.
Ayos na ang lahat. Bagong damit, bagong shorts at mayroon na ring plane tickets.
Nai-charge ko na rin ang baterya ng camera, ng cellphone at ng Galaxy Tab.
May lugar nang tutulugan at schedule ng pupuntahan.
Excited na ang lahat at pati ang panahon ay aayon daw sa kagustuhan.
Inaasahan ang sayang sasalubong sa adventure na ito.
Wow! Sa unang pagkakataon makakarating na ako ng Bicol!
Makikita ko na rin sa wakas ang pamosong Bulkang Mayon na sa libro ko lang nakikita.
Natatakam na rin ako sa Bicol Express, Laing at iba pang magata at maanghang na putahe na lulutuin mismo ng aming tutuluyan.
Magtatampisaw sa tubig at pag may pagkakataon sasabak sa Camsur Water Complex.
Lalaklak ng pili nuts, wawaldas ng pera at oras.
Dadamhin ang sarap ng buhay kahit tatlong araw lang.
Habang lumalapit ang araw ng pag-alis, nadadagdagan rin ang pagkasabik.
Sino ba namang hindi eh minsan lang makagala sa loob ng isang taon.
Ang maranasan ang makapamasyal at muling makasakay sa lumilipad na bakal.
Dumating na nga araw ng aming pag-alis, halos hindi na natulog sa kakahintay ng oras.
Flight ay alas-siyete ng umaga kaya dapat kahit madilim pa ang alas kwatro ay bumabangon na.

Anong nangyari?!?
Hindi kami natuloy!
Dahil sa ang misis ko nagsusuka, sumasakit ang ulo, humilab ang tiyan.
Dalawang araw bago pa ito kumain daw siya ng chicken balls na tinuhog sa kalsada.
Nanghihinayang sa perang pinambili ng tiket.
Nanghihinayang sa masasaya sanang alaala.
Napunta sa pagkadismaya ang aking pananabik.
Lahat ng preparasyon at plano'y naglahong parang bula.
Ang ngiti'y napalitan ng lungkot.
Nasayang na saya.
Buwisit na street foods 'yan napurnada ang aming Bicol Escapades.

Imbes na sa Mayon o Camsur Water Complex baka magpunta ulit kami sa hospital. :(
April Fool's Day ba o Halloween?

Thursday, November 1, 2012

The Eraserheads Chronicles 2/4




Marami-rami na ring banda ang unti-unting sumisikat sa panahong ito. Gumagawa ng sariling pangalan gamit ang sari-sarili nilang komposisyon. Hindi man sila tuwirang natulungan ng Eraserheads hindi naman maikakailang malaki ang naging impluwensiya ng grupo sa mga nagsulputang bagong banda. Maraming kabataan din noon ang nahiligan at nagnanais na matuto ng gitara; ang iba'y nangangarap na magkaroon ng sariling banda, ang iba naman ay sa simpleng dahilan na basta makatugtog lang nito.

Nasa rurok na nga ng tagumpay ang Eraserheads ngunit ang miyembro ng grupo ay tila hindi sanay sa popularidad na kanilang tinatamasa; magmula sa dating simpleng pamumuhay lang heto sila ngayon minamahal ng madla, magmula sa Crowd A na maselan ang panglasa sa tugtugin hanggang sa Crowd D na may kahirapan ang estado sa buhay.

Cutterpillow. Ikatlong album. Muling umukit ng kakaibang kasaysayan ang Eraserheads nang sa unang araw ng (unofficial) release ng kanilang album ay kaagad itong nakabenta ng higit sa 40,000 copies! Agad itong ginawaran ng Gold record award kahit hindi pa ito available sa mga record bar. Ini-launch noon ang album sa Sunken Garden ng UP Diliman Disyembre 8, 1995 at para makapasok ka kailangan mong bumili ng advanced copy ng album na magsisilbi mong ticket papasok. Sa sumunod na mga taon ipinagbawal ang mga katulad na concert dahil sa pinsala na nangyari sa lugar.

Kabilang sa album na ito ang pinakamagandang nagawang kanta sa kasaysayan ng musika ang: 'Ang Huling El Bimbo'. Higit sa pitong minutong kanta na puno ng kaluluwa, komposisyong aakalain mong ginawa sa langit, sa saliw ng instrumentong animo'y nilapatan ng salamangka. Sa ganda ng awit na ito nais kong ibilang ito sa pinakamagagandang kanta sa mundo tulad nang obra ng The Eagles na 'Hotel California' at 'Bohemian Rhapsody' ng The Queen minus the subliminal message.

Sandali, mayroon ba talagang subliminal na mensahe ang mga kantang ito? Hindi ba't nalagay din noon sa ganoong kontrobersiya ang Eraserheads nang bigyan ng mas malalim na kahulugan ang kanilang mga kanta? Hindi ba't natampok pa sila noon sa MGB ni dating Bise-presidente Noli dahil sa parehong rason? Sa kasalukuyang panahon ang mga kanta naman ni Lady Gaga o Rihanna ang binibigyan ng malisyosong kahulugan ng mga moralista. Subliminal raw ang mensahe ng ilang mga kanta at lumampas sa isyung moralidad. Hanggang saan ba ang hangganan ng sining? May hangganan ba ito? Kung ano ba ang interpretasyon ng isang tao sa isang sining 'yun na rin ang dapat nating paniwalaan? Panahon pa ng The Beatles, 'American Pie' ni Don Mclean, hanggang ngayon sa panahon ng RNB nina Jay Z o Lady Gaga hindi pa rin namamatay ang isyung ito. Sadyang malalim talaga ang sining.

Kung mayroon kang kopya ng Cuttepillow at Ultraelectromagneticpop! mapapansin mong malayong-malayo ang tunog ng una nilang album sa ikatlo. Ang una'y bagitong-bagito sa halos lahat ng aspekto; lyrics, tunog at instrumento samantalang ang ikatlo ay hinog na hinog sa pagiging propesyonal. Pagbabagong positibo na muling kinabiliban ng kanilang mga tagahanga.
Sa album din na ito ay maiibigan mo ang halos lahat ng kantang nakapaloob dito. Mula sa unang track na Superproxy hanggang sa huling track nito na Overdrive. Sa panahong ito kabi-kabila na ang kanilang mga pangaral, guestings, record awards, gigs sa iba't ibang lugar ng Pinas at sa ibang bansa. Bukod sa record na ang Cutterpillow ang pinakamabenta nilang album, ang isa pang pinalamalaking achievement nila ng taong iyon ay ang pagkakapanalo nila MTV Asia Viewer's Choice Award. Ang award na iyon ang nagbigay daan sa kanila para lalong umusbong ang kanilang career at makilala hindi lang sa Pilipinas kundi kasama na rin ang ilang bansa sa Asya at ibang bahagi ng mundo.

* * *
Halos lahat yata ng sumikat na singer/grupo na nabigyan ng pagkakataon na magrelease ng Christmas Album at hindi ipinagkait ito sa Eraserheads sa pamamagitan ng kanilang kaisa-isang All English album ang: 'Fruitcake'.
Sa unang track ng album na may parehong title mapapansing sa intro nito ay may backmask, ito ay bilang 'pang-resbak' nila sa mga kritikong nagbackmask sa kanilang ilang kanta at malisyosong binigyan ng ibang kahulugan.
Bagamat isang christmas song ang Fruitcake all year round naman ay maari mo itong ulit-uliting patugtugin. Isa na namang experimental ang album na ito dahil inspired ito ng musical play bagaman hindi naman ito naging ganap na play.

Trivia sa album na ito:
1.        ito ang una at huli nilang all english album
2.        ito ang may pinakamaraming kanta sa lahat ng kanilang nagawang album
3.        may kwentong magkakadugtong dito mula umpisa hanggang huling track

Pagkatapos ng ilang buwang pagkakarelease ng Fruitcake the album ay inilabas naman ang Fruitcake the book na matiyaga ko ring inabangan at binili sa National Book Store. Sa puntong ito parang lahat na yata ng merchandise na nakakabit o may kaugnayan sa paborito kong Eraserheads ay hindi ko pagdadalawang-isipang bilhin. Bukod sa consistent kong pagbili ng kanilang album at pagtangkilik sa kanilang mga awitin may iba't ibang koleksyon din ako ng kanilang dalawang magazine na Pillbox, Eraserheads theme na T-Shirts, Tikman ang Langit (book of essays about the band), Songbook / magazines about the Eraserheads. Hindi pa ko nakontento dahil ang sunvisor ng sasakyan ko ay "Overdrive" decal at ang sparetire cover naman nito ay ang naka-paintbrush na larawan nilang apat. Kaya kung sakaling makita mo sa kalsada ang artwork na ito maalala mo ang sumulat nito. Adik sa Eheads. Haha.
  * * *
Walang nagbago.
Muli akong nagkaroon ng pagkakataon na mapanood ang Eheads sa isang gig sa bagong bukas na bar sa Gracepark (sarado na ito ngayon) at isa pa sa halftime break ng PBA Finals noong 1997. Ganun pa rin sila, walang kupas sa galing. Walang pagbabago sa kahusayan.

Hindi nabawasan ang paghanga sa grupong ito lumipas man ang ilang mga album, may mga fans na bumitiw dahil hindi nakarelate sa mga kantang nakapaloob sa Fruitcake. Ngunit ako at ang mga die hard fan ng Eheads na tinanggap ang "pagbabago" ng grupo ay patuloy na sumuporta. Walang iwanan, walang nagbago.

Sa panahon ng kasikatan ng Eraserheads marami na ring banda ang gumawa ng sariling tatak at pangalan, tinangkilik at nagkaroon ng sarili nilang tagahanga. Hindi man tuwirang may kaugnayan dito ang Eheads, sa ibang paraan ay maikokonekta mo sila dito. Kung ang Dekada 70 ang tinaguriang Golden Years ng musikang pilipino dahil sa pamamayagpag ng Manila Sounds, Dekada 80 naman ay ang pagsikat ng filipino solo artist, sa buong panahon ng Dekada 90 ay ang paghahari sa airwaves ng mga banda; ang ilan sa mga bandang sumikat din noon ay The Teeth, Yano, Siakol, The Youth, Orient Pearl, True Faith, Hungry Young Poets, Barbie's Cradle, Alamid,  Grin Department, Afterimage, Color it Red, Rivermaya, at ang isa pang malupit na Parokya ni Edgar. Malaki ang aking pasasalamat na nabuhay ako sa panahong iyon dahil nasaksihan ko ang husay at galing ng mga OPM band na ito; mga musikerong inuunang gumawa ng magagandang kanta kaysa magsuot ng magagandang damit, may mga orihinal na malulupit na kanta at hindi humihiram ng kanta sa iba upang agad na sumikat.

Sticker Happy - ikalimang album, wordplay ng salitang Trigger Happy. Bagamat tunog techno o electronic ang ilang kantang nakapaloob rito hindi pa rin nawala nang tuluyan ang tunog pop-rock na hinahanap ng karamihan sa mga fans. Kabilang sa album na ito ang "Spoliarium" na hango sa titulo ng isang artwork ni Juan Luna. Spoliarium na higit pa sa isang kanta ang mensaheng gustong ipahatid; parang Noli me Tangere ni Jose Rizal o Monalisa ni Leonardo Da Vinci na may malalim na kwento sa likod ng isang sining. Para namang isang farewell song ang kantang "Para sa Masa" na sa tema ng kanta ay parang pasasalamat sa lahat ng nagmahal at tumangkilik sa kanila (binanggit din dito si Sharon Cuneta dahil sa naging isyu ng guesting ng Eheads sa programang Sharon).

Isang kakatwa na sa kaisa-isang pelikulang nilabasan ng grupo ay kasama nila si Joey de Leon (Run Barbi Run) ng sikat na triumvirate na Tito, Vic and Joey; si Joey na kaibigan ni Tito Sotto na naging numero unong kritiko noon ng banda dahil sa pagbibigay malisya sa kantang "Alapaap". Isang EP rin ang inilabas ng grupo para sa pelikulang ito kabilang sa EP ang kantang "Tikman" na ginamit sa commercial ng Burger Machine na sikat pa ng panahong iyon.

TRIVIA: Ang babae sa cover album ng Sticker Happy ay si Joey Mead ng Channel V.