Hindi lang natin gaanong
pansin pero malaking suliranin na ng bansa partikular na sa Kalakhang Maynila
ang espasyo ng parking. Kadalasan, nagiging sanhi ng kaguluhan at awayan ang
agawan sa parking. Meron ngang isang insidenteng ganito sa Marikina na nagresulta
sa pagkamatay ng isang ginang dahil hindi nagbigayan sa parada.
Sa Kamaynilaan, may malaking
bahagi at kontribusyon sa pagsikip ng daloy ng trapiko ang mga nakahambalang at
nakabalagbag na iba't ibang uri ng sasakyan. Sa maraming car/vehicle owner dito
sa atin ipinagpapalagay nila na ang tapat ng bahay nila ay extension ng
kanilang pag-aari at may karapatan silang iparada ang kanilang sasakyan (jeep,
tricycle, pedicab, AUV, SUV, sedan, trak, etc.) kesehodang nasa masikip na
eskinita lang sila o nasa main road na daanan sana ng mabibilis na sasakyan.
Dahil sa kaisipang ganito,
may mga insidenteng binabasag ang windshield, pina-flat ang gulong o
ginagasgasan ang isang sasakyang 'di sinasadyang makapag-park sa parking space
umano nila. At ang kaawa-awang biktima ay clueless sa kung sino ang maysala sa
kagaguhang ginawa sa kanyang sasakyan.
Napakalabong maisulong ang
batas na magbabawal sa mga sasakyang (pribado man o pampubliko) magparada sa
kalsada. Napakalabo dahil malaking porsiyento ng mga car/vehicle owner dito sa
atin ay wala namang paradahan. At kung mayroon mang 'available parking space
with pay' malabo pa sa tubig-kanal na may pumatos dito dahil bakit ka nga naman
gagastos ka ng isang libong piso o mahigit pa para sa maliit na espasyo ng parada
kung libre lang naman sa kalsada at wala pang sumisita.
Halos hindi nababawasan ang
sasakyan sa Kamaynilaan bagkus lalo pa itong dumarami, at sa pagtantiya ng LTO
ay libo rin ang dinadagdag sa kalsada ng Kamaynilaan kada taon kabilang na ang
mga dambuhalang trak at bus. At sa pagdagsa ng maraming bilang na ito, asahan
mo na rin ang pagsikip ng kalye hindi lang dahil sa mabagal na daloy ng trapiko
kundi dahil ang mga kalyeng dapat sana'y maluwag na ating dinaraanan ay
pinasikip at sinakop ng mga sasakyang ipinarada ng mga iresponsable at walang
pakialam sa ibang motorista na mga car/vehicle owners.
Ang iligal na pagparada sa
kalsada ay hindi lang sektor ng ekonomiya o negosyo ang apektado, sa maraming
pagkakataon nagiging sanhi rin ito ng pagkaantala ng mga bumbero sa tuwing
sila'y rumiresponde sa isang sunog saanmang lugar sa Kamaynilaan. Ang dati nang
masikip na kalsada'y lalong sumisikip dahil sa kabi-kabilang nakabalagbag na
sasakyan. At sa oras ng isang emergency hindi kaagad makakapasok ang mga otoridad
na sasawata o may kapasidad na pumigil sa 'di inaasahang sakuna o aksidente.
May kaukulang multa para sa
mga motoristang iligal na nagpaparada ng kanilang sasakyan sa Kamaynilaan pero
tila walang silbi ito para sa kanila. Hindi nila iniinda o ‘di sila nababahala
kung sakaling may mag-tow ng kanilang sasakyan dahil ang lahat ng kampanya para
mabawasan (kundi man mawala) ang illegal parking ay pawang mga ningas-cogon
lang – muli nating napatunayan na walang ngipin ang batas dito sa atin. May
pagkakataon namang ang may-ari ng sasakyan kung sisitahin ay kakasa at
magbabanta sa pobreng magpapatupad ng batas.
May mga kalsadang medyo
maluwag naman kung susuriin gaya ng R-10, Abad Santos Ave., Rizal Ave.,
maraming kalye sa Maynila, Quezon City, ParaƱaque, Caloocan at iba pa, pero
dahil nga open space for parking ang LAHAT ng kalsada sa atin at dahil din
walang kakayanan ang mga tagapagpatupad ng batas na sitahin ang mga iligal na
naka-park -- nagmimistula itong masikip na nagreresulta sa "traffic".
Isipin mo na lang kung maaalis LAHAT ng mga sasakyang nakaharang sa kalsada,
hindi ba't may mas mailuluwag pa ang daloy ng trapiko?
Hindi nagkakaroon ng
widening project ang DPWH o MMDA para sa convenience ng pribadong mamamayan,
ginagawa ang mga ganitong proyekto dahil nais ng pamahalaan na mas maluwag, mas
swabe at maibsan kahit papaano ang problemang trapiko. Ngunit marami ang
nag-a-assume na ang pinalawak at sinimento o inaspaltong kalsada sa tapat ng
bahay nila ay pag-aari rin nila kaya't asahan mo na ang komportableng pagpa-park
ng kani-kanilang sasakyan, na 'yung iba sa sobrang pagiging komportable ay
naglalagay pa ng tent sa kotse nila na proteksyon sa mainit na araw at hamog ng
ulan.
Mahirap masanay sa mali pero
'yun ang pinapamulat sa atin ng karamihan at kahit ang mga otoridad. Ang
pangatwiranan ang isang mali ay pagpapakita ng kamangmangan at kaarogantehan at
mahirap kalabanin ang mga taong may ganitong pangangatwiran dahil siguradong
mawawalang saysay ang lahat ng iyong ipinaglalaban. Ang akala nating maliit na
bagay lang ay lumalago kalaunan at dahil sa pagkunsinti ng mga dapat sana'y may
kakayahang supilin ang isang mali magiging parang anay ito na bubuwag at guguho
sa matibay na pundasyon ng isang lipunan.
Kahit saan man tingnan o
suriin, ang mali ay mali -- maliit man ito o malaki.
Ngunit ang nakalulungkot
walang ginagawang inisyatibo ang sinuman para ito'y umayos at itama. Madalas pa
nga, hinayaan na lang nila ang ganito dahil ito na ang nakasanayan. At kung
mayroon mang maglalakas loob na sumita dalawang bagay lang: una, makukuha lang
ito sa lagay at areglo, ikalawa, may padrino o may katungkulan ang sinisita.
At hindi lang sa Illegal
Parking ito applicable kundi sa halos lahat ng ilegal na aktibidades sa
ating bansa.
Tama. Actually maluwag talaga ang kalsada, wala lang disiplina lahat, jeepney man o private vehicle, makapag park lang kahit double parking na itutuloy pa. Ang masakit kasi sa mentality ng pinoy, pag nakita nilang ginagawa ng iba, bakit haman hindi nila puwedeng gawin, kung madidisiplina sana ang Maynila, masarap magdrive, parang Subic, pero tingin ko Malabo na hahaha
ReplyDelete