Monday, December 29, 2014

Tatlong Iglap (mga kwentong iglap) IV

www.philstar.com
Unang Iglap: Bisikleta

Wala pa sa itinakdang minimum wage ang sweldo ni Irma.
Tagalinis at tagawalis siya sa mga kalsada ng Delpan, Zaragosa, Pritil at kalapit na lugar sa Tondo. Ang kanya namang asawa si Gibo ay umeekstra-ekstra lang bilang mason sa tuwing isinasama ng kapitbahay nilang foreman.

Hindi pa sumisikat ang araw ay nasa lansangan na siya upang gampanan ang kanyang trabaho. Dahil sa kakapusan ng pera madalas hindi na siya nanananghalian upang makatipid, sayang din kasi ang humigit-kumulang na treinta pesos na kanyang gagastusin niya sa pananghalian.

Maaga si Irma sa City Hall nang araw na iyon ng Disyembre 15. May ipapamahagi raw na bonus si Meyor sa mga katulad niyang streetcleaner - bahagi ito ng 'Masayang Pasko Program' ng nakaupong alkalde.

Eksakto tatlong libong piso lang ang sweldo ni Irma kada buwan kaya bawat pisong pumapasok at lumalabas sa kanyang bulsa ay mahalaga.
Hindi alintana ni Irma ang napakahabang pila -- naisip niyang malaking tulong ang anumang halagang ibibigay ni Meyor sa kanya.

Matagal nang hiling sa kanya ng bunsong anak na si Gerald ang bagong bisikleta. Kung ilang pangako na ang kanyang binitiwan para bilhin ito, 'yon din ang bilang ng pagkabigo ng kanyang anak.

Matapos ang higit dalawang oras na pagpila ni Irma nakuha rin niya ang aginaldo ni Meyor. Isang libo dalawandaang piso. Kung bakit hindi pa hinustong isang libo limandaang piso ay hindi niya rin alam.

Isandaang piso na lang ang sukli sa binili ni Irmang bisikleta. Ito na ang pinakamura sa hilera ng mga bisikletang kanyang pinagpilian. Bitbit ang bagong-bagong bisikleta ng anak sa kanang kamay habang isang supot ng loaf bread at peanut butter ang nasa kanya namang kaliwa -- may pagkasabik niyang tinatahak ang masikip na eskinita ng dating Smokey Mountain.

"Bakit ka umiiyak?" tanong ni Irma sa binatilyong anak na si Gerald. "Heto na ang pangako ko sa'yong bisikleta!" iniabot ni Irma ang regalo sa anak.

"Si papa po kasi..." humihikbing tinanggap ni Gerald ang bike.

"Napaano si papa mo?!"

"Nakakulong daw po siya ngayon sa Presinto Uno kasi po nagnakaw daw ng bisikleta sa tindahan ni Mang Felix."

Bagsak ang balikat ni Irma. Humahagulhol.

* * * * *

Ikalawang Iglap: Bisperas

Sa MCU Hospital na inabutan ng balikbayang si Bino ang pitong gulang na anak na si Zaldy. Tatlong araw na ang bata sa ICU. Biktima ito ng hit-and-run sa kahabaan ng Mac Arthur Hi-way, nahagip nang rumaragasang sasakyan habang nangangaroling kasama ang ibang mga bata sa mga humihintong jeep at kotse, at mga commercial establishments doon.

Pangalawang araw pa lang ni Bino sa Pilipinas. Disyembre 23 siya nang dumating mula sa Qatar. Limang taon ang kanyang kontrata bilang karpintero sa isang maliit na construction firm dito. Sa kagustuhang sorpresahin ang pamilya tila siya ang sinorpresa ng mapaglarong tadhana.

Bisperas ng Pasko.
Sa halip na masayang noche buena ang kanilang pagsasaluhan, tulala ang buong pamilya sa malungkot na bahagi ng ospital. Si Bino, ang asawang si Gerna na hindi makausap ng matino at ang isa pang anak nilang si Gina.
Habang maraming pamilya ang nagkakasayahan at nagkakatuwaan ng sandaling iyon, kalungkutan at trahedya naman ang hatid sa kanila ng okasyong pinakahihintay ng lahat.

Kritikal ang lagay ng inyong anak, hindi pa namin alam kung kailan siya muling magkakamalay -- paulit-ulit na umaalingawngaw sa pandinig ni Bino ang sinabing iyon ng Doktor. Ito ba ang pasalubong sa akin ng tadhana para sa pagtiis at pagsasakripisyo ko ng limang taon sa ibang bansa?! Kanyang tanong sa kung kanino na walang kasagutan.

Makalipas magdasal sa prayer room ng ospital ay nagdiretso sa presinto ng pulis na humahawak ng kaso ng anak.

"Boss may lead na ba?" matipid niyang tanong sa officer-in-charge ng gabing iyon.

"Tamang-tama ang dating mo kararating lang ng witness na nakakita ng sasakyang nakadisgrasya sa anak mo. Nakita niya raw ang sasakyan at ang mismong plate number."

Hindi mawari ni Bino kung good news o bad news 'yon para sa kanya.

"Espinas! Dalhin mo nga rito 'yung witness sa kaso ng batang si Zaldy!" utos ng pulis sa isa pang pulis.

Hawak ng pulis ang ballpen at record book, inutusan nito ang witness na ikuwento ang nasaksihan.

"Sir, nagtitinda po ako ng yosi sa kantong iyon. Nakita ko pong nahagip ng itim na sasakyan 'yung bata, kung hindi po iyon Montero malamang po Fortuner -- hindi ko po gaanong nabasa e, pero malinaw po 'yung plate number sir, nabasa ko po!" pagmamalaking kwento ng witness.

"Ano? Anong plate number?!" halos sabay na tanong  ni Bino at ng pulis.

"No. 8 po! No 8 po ang plate number na nakita ko sa harap at likod ng sasakyang nakabangga sa bata!"

Napangiwi ang mukha ni Bino sa narinig na salaysay ng witness.

* * * * *

Ikatlong Iglap: Grand Prize

"Siguraduhin mong pangalan ko ang mabubunot mo ha? Siguraduhin mo ring hindi tayo sasabit, mahirap na..." si Froilan ang kausap ni Jake.

Si Froilan kasi ang naatasang bumunot ng pangalan sa grand prize ng raffle ng christmas party ng kanilang kompanya ngayong gabi. Tatlumpung libong piso ang premyo -- napagkasunduan nilang tig-fifteen thousand sila sa makukuhang pera. Kaunting diskarte, easy money, ika nila.

"Oo. Wala itong sabit! Mamayang lunch time habang kumakain ang lahat hahanapin ko na ang pangalan mo sa box na pinaglalagyan ng mga pangalan ng lahat at mamayang gabi naman sa raffle, nakaipit na 'yun sa mga daliri ko kaya siguradong pangalan mo ang isisigaw ko!" buong kumpiyansa si Froilan sa gagawing kalokohan.

Tumanggi at akmang nagtulug-tulugan si Froilan nang ayain ng mga kasama sa opisina na mag-lunch. Ginawa niya ito hindi dahil busog siya o inaantok siya, ginawa niya ito upang maisakatuparan ang maitim na balak nila ni Jake.
Limang minuto pagkatapos na masiguro ni Froilan na wala nang tao sa opisina --tinuloy niya ang plano. At wala pang tatlong minuto ay nakita na niya ang pangalang 'Jake Gonzaga' sa maliit na box na nakatago sa isang drawer ng HR Department.

"The name appearing in this paper will receive a grand prize of thirty thousand pesos cash!" hawak na ni Froilan ang pangalan ng maswerteng mananalo ng malaking pera.

Napuno ng sigawan at palakpakan ng mga empleyado ang kapaligiran. Sabik nilang inaabangan ang pangalang mababanggit. Lahat sila'y umaaasang pangalan nila ang matatawag.

"And our grand prize winner is.... JAKE GONZAGA!!!"

Kunwang nasurpresa si Jake. Nagtatalon-talon. Nagsisigaw-sigaw.

Kahit di nila pangalan ang nabanggit, nagsigawan at nagpalakpakan na rin ang iba pang mga ka-officemate nina Jake at Froilan. Masaya sila para kay Jake.

Wala pang alas-nuwebe ng umaga kinabukasan ay nasa office na ng HR Department ang magkasapakat na sina Froilan at Jake. Kasalukuyang ipinapanood sa kanila ng head ng HR ang kopya ng CCTV nang ginawang pagdukot ni Froilan ng pangalan ni Jake sa isang kahon.

Hiyang-hiya ang dalawa sa napanood na footage.
Nakatungo. Hindi makatingin ng diretso.


Dalawang linggo na lang sana'y regular na sila sa kani-kanilang trabaho, sa kani-kanilang posisyon. 

No comments:

Post a Comment