Tao at Crayola
May maganda, may
kahanga-hanga, may kakaiba.
May gamitin, meron 'ding
pinapansin.
May mapupudpod dahil sa
labis na paggamit.
May mananatiling matulis
dahil ayaw siyang piliin.
May mabilis na mawawala o
maagang papalitan.
May walang silbi na tila
dekorasyon lang.
Kukulayan ng Crayola ang
guhit ng isang bata.
Gaya ng ating buhay na
kukulay at guguhit ng pangarap.
Ang tao'y tulad ng nang nasa
loob ng Crayola.
May iba't-ibang kulay, may
iba't-ibang pangalan.
Kahit tayo'y magkakaiba, KAHON lang ang ating tutunguhan.
Tulad ng nasa loob ng Crayola na kahon din lang ang tahanan.
- - - - - -
Crayola At Edukasyon
Makalipas ang medyo mahabang
dalawang buwang bakasyon, isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit excited ang
mga kabataang estudyanteng pumasok sa panibagong school year ay ang mga bagong
school supplies and uniforms na kanilang gagamitin. Ang amoy at halimuyak ng
bagong polo, medyas, sapatos, bag, books notebooks, papel, at siyempre ang
crayola ay may kakaibang hatid na aromang nag-aanyaya sa mag-aaral na kung
maari'y hilahin ang nalalabing araw ng bakasyon upang magbigay daan sa pasukan.
Ngunit gaya ng
pangkaraniwang taong mabilis magsawa, ang pagkasabik sa pasukan ng isang
estudyante ay unti-unting mawawala makalipas lang ang ilang buwan. Ang
mabangong school supplies and uniforms ay maglalaho kasabay ng pagkawala at
pagkapudpod ng paboritong crayola. At katulad ng maraming pilipinong may
ugaling niƱgas-cogon marami ring mag-aaral ang katatamaran ang pag-aaral sa
kabila ng kumpletong gamit pang-eskwelahan ay kulang ang motibasyon para
pagtiyagaan at pagsumikapan ang sampung buwang pag-aaral.
Kakatwang malaman na kung
sino pang mag-aaral ang may kumpletong gamit sa eskwelahan at may magulang na
may sapat na pambayad ng matrikula sila pa ang tamad na tamad na mag-aral at
pumasok sa paaralan samantalang 'yung mga kabataang kabilang sa pinakamahihirap
na pamilya, walang pambili ng supplies and uniform, walang pamasahe papuntang
eskwelahano walang sapat na pambayad ng matrikula ay sila ang may masidhing
pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral.
Kung susumahin, humigit
kumulang labing-anim na taon lang naman ang pag-aaral at kung hindi natin ito
pagsusumikapan at pagtitiyagaan katumbas nito'y lima o anim na dekadang
paghihirap at pagsisisi sa hinaharap. Kahit sabihin pang may mga taong yumaman
at naging matagumpay sa buhay o walang sapat na edukasyon mas malaking bentahe
at advantage pa rin ang mga degree holder kaysa nakapagtapos lang ng
elementarya.
Oo nga't maraming mga bagay
ang hindi natutunan sa loob ng paaralan pero para mahubog ang iyong
personalidad, para maharap mo ang mapanghusgang mundo, para mas malaki ang
tsansa mong makamit ang iyong tagumpay, para mas handa ka sa mga problemang
tila unli, para hindi ka tawaging mangmang at hamakin ng mga (perpektong) tao,
NAPAKALAKING tulong at kontribusyon ang pag-aaral dahil ito ang magiging
sandigan at kalasag mo sa bawat pagsubok na sa atin ay sasalubong.
Dahil sa panahon ngayon ang pag-aaral ay tila itinuturing na ring
dangal at karangalan ng tao. At ang Crayola ay bahagi ng anumang
mapagtatagumpayan mo.
- - - - -
Kulay sa Crayola
Madalas hinahalintulad ng
tao ang kulay sa maraming bagay na nagaganap sa ating buhay. May katumbas raw
na kahulugan ang maraming kulay; mga positibong paghahalintulad at negatibong
pagkukumpara na ating tinanggap at nakasanayan ng gamitin.
Heto ang ilan sa mga
halimbawa ng kulay na karaniwang hinahambing sa mga tao:
Pula - espesyal na kulay ang
pula. Hindi lang isa o dalawang bagay ang ina-associate natin sa kulay na ito.
Pula ay kulay ng pag-ibig at panganib (red alert), pulang carpet ang inilalatag
sa mga espesyal na taong lalakad sa isang okasyon at 'basag ang pula' ang
bansag sa mga taong may sayad. Tumutukoy din minsan sa rebolusyon ang kulay na
pula.
Berde - dalawang halos
magkasalungat na bagay ang maiisip mo sa kulay na ito. Berde ay tumutukoy sa
nature at kahalayan ang kahulugan ng taong may 'berde ang utak'. Berdeng dugo
ay figuratively tumutukoy sa mga bading at maraming salapi ang ibig sabihin ng
'greener pasture'.
Asul - asul ang kulay ng
dagat at ng kalangitan ngunit 'pag sinabing 'blue' sa hindi ko malamang dahilan
ang kahulugan nito'y kalungkutan. 'Bughaw na dugo' ay para sa mga miyembro ng
pamilya at ninuno ng monarkiya tulad ng hari, reyna, prinsesa at prinsipe.
'Blue collar job' ay tumutukoy sa mga trabahong nangangailangan ng malakas na
katawang pisikal gaya ng mason, karpintero at basurero.
Puti - kulay at simbolo ng
kalinisan. Kulay na hinahangad ng maraming morenang pilipino. Puting panyo para
sa pagsuko, puting budhi para sa may malilinis na kalooban. White collar job
ang tawag kung ang trabaho ay sa loob ng malamig na opisina, may malaking
sweldo kumpara sa karamihan at kagalang-kagalang posisyong iyong
pinaghahawakan.
Itim - madilim at malungkot
na kulay. Kulay ng pagluluksa. Madalas negatibo ang katumbas ng kahulugan ng
kulay na ito. Kung ang puti ay presence of all the color, ang itim naman ay
absence of all the color. Ayon sa science, hindi raw ito kulay pero paano natin
ito iuuri? Bahala sila. Hindi ko rin alam. 'Pag maitim ang budhi mo ibig
sabihin sobrang walanghiya mo, 'black sheep' ang tawag sa pasaway ng pamilya at
'blackmail' naman ay may kahulugan na panggigipit.
Pink (rosas) - ang kulay na
masyadong in-associate sa kababaihan. Ngunit maling isipin na kung kulay pink ang suot
na damit ng lalake ay hindi na ito tunay na lalake. Kailan pa naging basehan
ang kulay sa sekswalidad? Magandang paglalarawan ang katagang 'kulay rosas ang
paligid' kahulugan nito'y positibo ang aura o may magandang nangyayari sa taong
tinutukoy.
Mas maganda at mas exciting
ang buhay kung ito'y may kulay kaya nga 'pag sinabing walang kulay ang iyong
buhay kahulugan nito ay kawalan o kakulangan ng magagandang alaala, pagsubok at
karanasan. Pasalamat tayo at tayo'y 'di tulad ng maraming hayop na colorblind
ang paningin dahil kundi ay itim at puti lang ang mga kulay na ating nakikita.
Matalinghaga ang buhay, may
talinghaga ang bawat kulay.
Ang kulay ay simbolismo ng
maraming bagay na may kinalaman sa ating buhay.
Saang kulay ka man
maihambing o anumang kulay ang iyong nararanasan katunayan lang na malaking
bahagi ng ating buhay ang kulay.
Tulad ng kulay darating ang
panahon na ang ating buhay ay kukupas, tulad ng alaalang iniwan ng crayola
noong ating kabataan darating ang oras na ang buhay ay magiging isang alaala na
lang.
No comments:
Post a Comment