Wednesday, November 6, 2013

Close Encounter with Wickedmouth's Unang Putok





Isang achievement at accomplishment na maituturing ang magkaroon ng sariling libro na iyong pangalan or pseudonym mo ang nakalimbag na may akda nito o kung hindi man, achievement na ring mako-consider kung ang sumulat ng libro hindi mo man personal na kilala ay parang kakilala mo na rin dahil sa madalas na pagbisita at pagbabasa mo ng mga sinusulat niya (thru blog). Achievement ito hindi lang sa mismong sumulat na blogger kundi sa buong community ng blogosperyo. 'Yung support na kailangan niya ibigay natin dahil 'yung success niya parang success mo na rin at kahit mas mataas ang level ng kasiyahan niya dapat masaya ka rin para sa kanya. 


Hindi lahat ng magaling sumulat ay nabibigyan ng pagkakataong maging author ng sariling libro ganundin naman na hindi lahat ng nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng libro ay magaling sumulat. Sabi nga ni Eros Atalia sa libro niyang 'Wag Lang Di Makaraos', ang manunulat daw na binabasa ng mas nakararami, hindi raw talaga writer kundi popular writer lang at kapag ang isinusulat mo raw ay binabasa ng mas nakararami, hindi raw yun literature kundi popular literature lang. Para sa akin si Sir Glen ng Wickedmouth.com ay hindi lang basta popular writer kundi legit siyang manunulat at ang kanyang mga sinusulat ay hindi lang basta popular literature.


Marami ang tumutuligsa sa mga bold movies noong dekada 80 hindi raw kasi ito art kundi porno lang pero paano ba nating mauuri ang isang art?
May nabasa akong article dati na kung naantig o nadala ka, o sige...nalibugan ka sa mga eksena ng isang bold movie, art daw ito. Bakit? Iyon daw kasi ang purpose o layunin ng movie, ang kilitiin ang iyong imahinasyon. Walang art sa isang comedy film kung hindi ka nito napatawa, walang art sa isang drama o teleserye kung hindi ka nito napapaiyak, hindi art ang isang abstract painting kung hindi ka maweiweirdohan dito. At walang art sa 'Unang Putok' kung hindi ka nito kayang i-entertain at pangitiin pero higit pa rito ang kayang gawin ng libro ni Sir Glen. Maniwala ka.


Hindi ko alam kung may karapatang akong i-review ang mga sinulat ni Sir Glen, okay ipagpalagay na nating...WALA. Kaya ang isusulat ko na lang ay ang reaction, experience at impression ko (at ni Anna) sa kabuuan ng nakapaloob sa librong 'Unang Putok'.

Nang magkaroon ng announcement sa paglabas ng advanced copy ng 'Unang Putok' naisip ko na agad si Sir Joey Velunta ng Hiram na Kaligayahan, siya ang access ko para sa aking kopya ng libro at nirequest ko pa na dapat ay may autograph dedication (demanding) at hindi naman ako nabigo (salamat Sir Joey! I owe you one) Ang ganda ng dedication at sana nga magkatotoo ang kanyang sinabi.


Tuesday, October 29. Dumating ang libro. Inintroduce ko ang libro kay Anna na aming Accounting Staff sabi ko sa kanya maganda at nakakatuwa ang librong ito. Iniabot ko sa kanya, unang pasada pa lang ng kanyang pagbabasa humagikgik na siya sa pagtawa. At dahil doon nakiusap siya na hiramin niya na lang daw muna ang libro at pipilitin niyang tapusin ito ng overnight. Hindi na ako tumanggi dahil kasalukuyang pinagsasalit-salit ko sa pagbabasa ang dalawang libro ni Eros Atalia, Kislap ni Abdon Balde Jr., Top 10 vol. 2 nina Chico at Dela Mar at ang PDF version ng One Morning of July (E-book) ni Sir Amphie ng Modernong Pluma.


Wednesday morning. Pagkakita pa lang sa akin ni Anna nakangiti na siya. May ibig ipahiwatig pero dahil masyadong maaga pa para sa isang kwentuhan pinalipas na muna niya ang higit sa dalawang oras. Past 10 AM nakita ko siya mistulang isang baliw na tumatawa at ang dahilan: Ang Unang Putok.
Nag-umpisa siyang magkwento...kanina raw sa LRT kung pwede lang tumawa ng malakas ginawa na niya, so pinigilan niya ang kanyang halakhak para hindi siya mapagkamalang baliw ng mga kapwa niya commuter. Imaginine mo kung gaano kacurious ang ibang commuter na nakakita kay Anna na hawak ang libro habang nakangisi, malamang after nilang mag-opisina o pumasok sa eskwela hahanapin nila ito sa favorite nilang book store. At sila'y mabibigo.


Tuwang-tuwa siya sa character na Khikhi at ipinagpalagay niyang isa lang daw itong kathang-isip ng author. Kung bakit daw pumapayag itong walanghiyain at babuyin ni Glen, kung bakit daw hindi ito nadadalang sumali sa contest gayung lagi naman daw itong talo, kung bakit daw hindi tinulungan ni Glen ang batang tumatae sa likod ng puno. Malay ko, hindi ko rin alam.


Dahil hindi niya natapos ang pagbabasa ng libro overnight humingi siya ng one day extension. Since mahaba ang weekend sinabi ko sa kanyang dapat ay maibalik niya sa akin ang libro the following day. Pero in between her paperworks at pagpifacebook hindi niya mapigilan ang sarili na magbasa ng ilang page ng libro at sa tuwing ginagawa niya ito hindi na siya nagpipretend na tumawa tutal wala naman siya sa loob ng LRT. Hindi na ko nasurpresa pa dahil alam kong 'yun ang forte ng sumulat, ang ikaw ay patawanin.

Thursday. Tinupad naman niya ang request ko na tapusin ang pagbabasa. Salamat naman. Ngayon lang daw siya nakabasa ng ganung libro, walang pretention, walang preno, walang respeto, walang HIYA. Kailangan niya daw magkaroon ng libro for herself at isa pa na kanyang ipangreregalo for her friend. Sabi ko magiging available ito sa National Book Store on Nov. 12. But she insisted na dapat daw ay mayroon ding dedication tulad ng sa akin. Teka, paano ba?


The same night inumpisahan kong basahin ang libro. Walang palabok sa introduction basta kwento agad, 'yung tipong parang barkada mo lang ang kausap mong nagkukwento ng mga karanasan niya sa buhay. Sa tingin ko'y sinadya ring hindi ilagay ang biography and achievements of the author. And since hindi naman kasi ito resumé na kailangang malaman ng posibleng employer mo kung sino ka or ano ang mga experience at napagtagumpayan mo sa buhay. Katulad ng sa Coke, ang ibinibenta isini-share dito ay happiness. So, 'yung kasabihang 'hindi nabibili ng pera ang kasiyahan' pwede na nating isantabi dahil 'yung php200 mo pwedeng sumakit ang tiyan mo sa labis na pagtawa. On a serious note, sasabihin kong tumawid ang sumulat ng librong 'Unang Putok' sa isang kalsadang kakaunti lang ang nagtangka.

Napagdesisyunan kong iwan ang ibang aking mga binabasa para makapag-concentrate sa 'Unang Putok'. Hindi dahil ayoko nang basahin ang akda ni Eros Atalia o Abdon Balde Jr. o ni Sir Amphie kundi dahil mas naging interesting sa akin ang dahilan ng paghagikgik ni Anna sa kanyang upuan, ang pasimple niyang pagngiti sa loob ng LRT at ang 'pagwalanghiya' ni Sir Glen kay Khikhi. (Kahit na medyo pamilyar na rin ako sa character na ito again, thru the author's blog)


Sa loob ng dalawa't kalahating araw natapos kong basahin ang libro. For the record, ito na so far ang librong pinakamabilis kong binasa. Sa dami ng mga pinagkakaabalahan (naks!) ko sa buhay (responsableng ama / mapagmahal na asawa / masipag na empleyado / trying hard na blogger) hindi madali para sa akin ang bumasa at matapos ang isang libro ng wala pang isang linggo. Mayroon nga akong binabasa higit na isang taon hindi ko pa rin natatapos at walang halong biro iyon.


Naniniwala ako na bawat indibidwal ay may angking talino, galing at talento. 'Yung iba kinatamaran ng tuklasing ito at marami naman ang patuloy itong pinagyayaman at ang talentong pagsusulat na mayroon si Sir Glen ay namaximize ng husto, 'though sabi nga "there is always a room for improvement" pwede na ring i-conclude na he is good and destined to be great, mahusay na at may ihuhusay pa. At sa kanyang husay hindi naman natin siya pwedeng ikumpara sa iba pang established na manunulat dahil ang kanyang mga putahe ay may kakaibang hatid na sarap na inihanda at niluto ng isang chef na hindi nakasanayan ng marami. 
Isa itong cake sa hilera ng mga ice cream.


Ngayong kapaskuhan sa halip na sayangin niyo ang inyong pera sa pagbili ng tiket ng recycle na pelikula sa MMFF, bumili at magregalo na lang kayo ng 'Unang Putok' sa inyong kapamilya at kapuso. At sa halip na maubos ang oras niyo sa panonood ng paulit-ulit na tema ng isang teleserye mas okay na maglaan ng oras na basahin from cover to cover ang kabuuan ng libro.


Somewhere there mayroon din namang aral na makukuha pero kung gusto niyo talaga ng full pledged na leksyon mas mabuting magbasa ng mga librong sinulat ng mag-amang Zayde o i-click at i-search ang nais na malaman sa Wikipedia.

- - - - - - - - -

P. S.

1. Hindi applicable sa librong ito ang saying na “don’t judge the book by its cover” dahil sa pabalat na drowing ni Sir Mots, alam mo na agad na ang laman ng libro ay ‘kalokohan' humor.

2. Sinubukan ko ang prank (as instruced on page 126) na 'Tsoknat' slash Knorr Cube sa biktimang malapit sa aking puso pero nabigo ako dahil sa liwanag ng ilaw napansin niyang mas maputla ang kulay ng Knorr Cube kumpara sa matingkad na brownish color ng 'Tsoknat’ Tsk tsk. Sayang.

9 comments:

  1. Yun pala ang purpose ng abstract painting, ang mang-weirdo ng tao. *hahaha*

    Anyway, this is one hell of a review ha, Kuya Ramil (yun pala name mo). :D

    I already have my own copy as well, kaya agree ako sa lahat ng sinabi mo sa itaas. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. actually wala ako maisip na ibang purpose ng abstract painting, may message dun siyempre pero ang unang impression ng common tao 'pag nakita ko yung artwork is WEIRD.

      Review ba ito? hehe, salamat sa bisita. at oo Ramil ang name ko with an X.

      Delete
  2. One of the best reviews ng Unang Putok. Galing!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hindi naman 'yung review ang magaling, 'yung book and author mismo. :)

      Delete
  3. Your right about art, everything have art on it.. I love Unang Putok tuloy gusto ko ng basahin. thanks for sharing

    ReplyDelete
  4. Pano ako makakakuha nito at nung me didication miles and miles away ako... I seriously need this book lalo na sa gaya kung OFW mabisang pang tangal stress ito for sure.

    ReplyDelete
  5. Nice review! Good luck to the writer!

    ReplyDelete
  6. Hi Ms. Melgie. Thanks for visiting. Frankly, I really don't know whether I'm right or wrong about the meaning of art, but I know the book is worth reading but we have been warned that the contents may not be suitable for young audiences. haha. just kidding. :)

    Hi. Ms. Zei Maya, about the book pwede kang magpabili sa Nat'l Book Store, sa Nov. 12 (daw) available na ito sa store then pwede mong ipacourier sa favorite mong Fedex (as I assume), 'yung dedication? 'yun ang hindi ko masasagot. :) (todo promote ako ng book ah! dapat yata magpabayad na ako kay sir glen! haha)

    Hi. Ms Joy. Good luck to the writer sana bumenta ng higit sa inaasahan niya. :)

    ReplyDelete
  7. hello, Ramil... hihi, nakiki-Ramil lang. ;) natutuwa ako sa review mo - parang naririnig kita mismo. parang okey kang opismeyt , pwedeng maunang magbasa ng 'yong book, hehe. hala, may otograp din dapat mga kopya ni Anna, kaya mo 'yan... :) oks na opismeyt, effective seller pa, hihi.

    wicked kang mag-review, hahaha.

    ReplyDelete