Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Friday, May 3, 2013
First Quarter: What's on your mind? 1/2
"What's on your mind?"
Ito ang bubungad sa atin 'pag log-in mo ng iyong account sa Facebook.
Ano ba ang nasa isip mo?
Isa ka ba sa maraming tao na nahihiyang i-post ang saloobin? O katulad mo ako na walang takot/walang-hiya na magpost ng kanyang lahat na iniisip?
Kung magpo-post ka ng isang status 'wag ka gaanong mag-expect ng maraming likes o maraming comment, makuntento na tayo na nai-express natin kung ano yung gusto nating sabihin. Marami naman talaga tayong "friend" sa FB na hindi tayo friend kung ituring na for some reasons eh nai-add natin sila sa ating list of friends.
Hindi lang natin alam baka naaasiwa o naiirita na sila sa mga ipinu-post natin (kahit wala naman silang dahilan para mairita).
Hinay-hinay sa pag-post ng mga negatibo at maanghang na komento, nagri-reflect ito sa ating pagkatao at nakaka-attract din kasi ito ng negative vibes sa ibang tao.
Sa katulad kong blogger na may malikot ang utak at hindi nahihiyang i-post ang kanyang naisip na kwento/quotes/kabalbalan; nais kong ibahagi ang ilan sa mga FB post ko from January until March.
Sa pagbasa ninyo ng mga post na ito more or less ay may idea ka na kung anong klaseng personality meron ako. :)
January 4
-May bago na kong OJT start na siya ng Monday, siya lang ang nakapasa sa kaisa-isa kong requirements: LIBERATED.
-Ang tunay na kaibigan daw hindi nababayaran pero ang best friend ko hanggang ngayon hindi pa ako tapos magbayad ang pangalan niya: MORLOCK. Isa siyang Siberian
January 30
-Naniniwala rin ako na kapag may alak, may balak...
-Gusto kong mapanood sa Magpakailanman ang istorya ng buhay ni Charo Santos.
-Ikukulong pala si Carlos Celdran sa kasong pambabastos sa kaparian, bakit ung mga paring nanghahalay ng kabataan wala akong nabalitaang ikinulong? Ba't ganun?!?
January 31
-Naisip ko lang, parang sayang ang minting & production ng 5 cents & 10 cents...naiipon lang at hindi nagagamit, 'yun ngang kapitbahay namin ayaw tanggapin ito sa tindahan.
-Ang tunay na pag-ibig ay hindi sinusukat sa panahong kayo ay bata pa at maganda, hindi sa panahong kayo ay labis na masaya at masagana, hindi sa panahong pareho pang makinis ang inyong balat, hindi sa panahong masasarap pa ang inyong pagniniig sa gabi, hindi sa panahong wala ang mapanghalinang tukso at lalong hindi sa panahong wala kayong karamdaman at problema.
Dahil ang tunay na pag-ibig hindi lang puro sarap at kasiyahan kundi kasama rito ang hirap at kalungkutan.
Ang tunay na pag-ibig hindi nagugupo ng pagsubok, hindi pinagbabago ng panahon...
February 1
-Ang isa sa pinakamagandang mangyayari sa buhay mo ay ang patuloy na pagkapit, paglakad at pagtawid sa tulay ng pag-asa sa gitna ng karagatang puno ng unos, pagsubok at problema.
-Gusto kong i-define ang "reunion" at "get-together" sa maruming paraan, ito ang naisip ko:
REUNION - isang pagtitipon kung saan muling nagkikita-kita ang dating magkakaeskwela, magkakaibigan at magkakasintahan pagkalipas ng matagal na panahon, isang pagtitipon kung saan nagigising ang dati nang natutulog na pag-iibigan, kung saan ang ILAN ay inilalapit ang sarili sa kapahamakan sa pagbubukas ng pintuan patungo sa pangangalunya at kataksilan.
February 4
-Lahat daw ng bagay may dahilan.
Minsan, kahit wala namang dahilan hinahanapan pa rin natin ito ng kadahilanan para lang mapunan ang maliit na espasyo sa ating isipan na lahat ay may dahilan.
Ngunit minsan, hindi naman natin kailangan ng kongkretong dahilan para magmahal dahil madalas; ang ating puso hindi tumatanggap ng dahilan, hindi kumikilala ng katwiran.
-Kahit lumabo man ang mata ko pagdating ng ilang mga taon, sisiguraduhin kong malinaw pa rin ang pagmamahal na nararamdaman ko sa'yo...
-Hindi mo kailangang maging magaling sa ingles para malamang ang birdflu ay past tense ng birdfly.
February 5
-Ang nakakakaba sa salitang "kumusta na?" ay ang kasunod nitong..."favor naman oh".
-Minsan, kailangan nating kalimutan ang gusto natin para maalala natin kung ano 'yung nararapat para sa atin.
-Kung maganda ang tingin mo sa isang pangit na bagay/tao, tatlo ang maaring dahilan nito
a) isa kang malupit na artist
b) nabulag ka ng pag-ibig
c) pangit lang talaga ang taste mo
February 6
-Hindi naman wiper ang mga kaibigan na kakailanganin mo lang sa tuwing may ulan
-Mabilis na lumilipas ang panahon. Dati, ang dami-dami kong kailangan, ang dami-dami kong gusto...ngayon ikaw na lang ang kailangan ko, ikaw na lang ang gusto ko.
-Napost ko na ito dati, uulitin ko lang:
"Kung ang pagnanakaw ay isang uri ng Sining, Tambak ang ating National Artist".
-"Tiwala sa Tiwali" - Ang walang hanggang paghahagilap ng mga Pinoy sa mapagkakatiwalaan na sinusuklian naman ng katiwalian ng makapangyarihan.
February 7
-Sana dumating ang panahong hindi lang dugo ang naido-donate, pati taba na rin para hindi na gaanong nahihirapan ang mga kababaihang mag-diet saka mag-gym.
Hindi na magastos, hindi pa masakit sa katawan.
-Sa ating buhay; lahat tayo ay mayroong lihim na ‘di maisiwalat, pagkakamaling napagsisihan, pangarap na ‘di maabot at pag-ibig na ‘di kailanman malilimot.
-Hindi rin biro ang pumorma, na kailangan mong isuot ang iyong varsity jacket sa gitna ng tag-init...
Kailangan ng araw para umulan.
Kailangan ng ulan para magkabahaghari.
Ang bahaghari…kailangan ng araw, kailangan ng ulan.
Tulad nila, kailangan nati’y kalinga, pag-ibig, pagmamahal.
February 8
-Bili tayo ng bili ng gadget tapos nagtataka tayo kung ba’t tayo gipit na gipit.
-Sana lahat ay may paniniwala na; dapat ay mag-ipon muna bago mag-iPhone, pang-enroll muna bago ang DLSR at pang-equity muna bago LED TV.
‘Pag na-set mo na yung priorities mo saka mo na bilhin ‘yung mga gusto mo, ‘wag gaano sumabay sa agos ng teknolohiya baka iyon ang ikalunod mo.
Mas masarap pa rin ang pakiramdam nang naghuhulog ka ng monthly amortization sa PAG-IBIG kaysa monthly installment sa Credit Card..
February 15
-Hindi mo kailangan ng malinaw na mata para makakita ng maganda kailangan mo lang ng pag-ibig liliwanag na ang lahat nang nasa iyong paligid.
February 16
-Eksena kahapon ngayon ko lang naalala...
Sa kanto ng A.Bonifacio Ave. at Maria Clara St. sa Sampaloc, Manila. Nakahinto ang lahat dahil red light, may Traffic Enforcer sa gilid ko; nagbaba ako ng salamin at nagtanong kay Manong Traffic Enforcer.
Ako: Manong, hindi ba one way 'yang kalsada na 'yan? (itinuro ko ang Maria Clara St.)
Enforcer: Yes sir, bakit?
Ako: eh bakit hindi niyo sinisita yung mga tricycle driver na sumasalubong?!?
Enforcer: sinisita naman sir!
Ako: ayun o, may tricycle na sumalubong sitahin mo nga!
Enforcer: umalis nang bigla at parang hindi ako narinig...
Ayus. Hindi ko alam kung nabasag ko siya o ako ang nabasag niya. :-)
February 18
-Ang bawat pagluha ay may sariling rason, ang bawat pag-ngiti ay may sariling panahon.
Ang bawat pagbagsak ay isang paghamon na dapat tumbasan ng isang pagbangon.
Ang bawat gabi ay may katumbas na umaga na ikaw ang guguhit kung pangit o maganda.
-Ang problema sa parating nagbibigay ng tulong ay ang katanungang; sino ang malalapitan kung dumating ang panahong ikaw naman ang mangailangan nito…
February 19
-“Kahit ano” – ang madalas na sagot sa tanong na: “Anong gusto mong ulam?” na madalas din ay hindi naman nagugustuhan ‘pag naluto na ang “kahit anong” ulam.
-School Field Trip – isang “makabuluhang” activity outside the school na in-organisa ng school administration para sa mga estudyante nito; pero walang direktang pananagutan ang eskwelahan kung sakaling may mangyaring aksidente o sakuna sa mga bata katulad ng pagkamatay ng dalawang estudyante ng Holy Spirit Academy noong nakaraang linggo;
- isa rin itong source of income ng school na itinatago sa adjective na “EDUCATIONAL”.
-Kung wala ka nang maisip na dahilan para ngumiti, maghanap ka ng ngiti sa ibang mga labi baka sakali… hindi mo na kailanganin ang anumang dahilan para sumilip ang sarili mong ngiti. ☺
February 20
-May mga pangyayari sa buhay natin na parang pinupunit ang ating damdamin at pinipilas ang ating bawat kalamnan ngunit kung ‘di natin ito matutunang lampasan at ‘di papansinin ang araw sa likod ng mga ulap, mananatili tayong nakamasid lang at nakatayo sa gitna ng rumaragasang ulan.
-Hindi naman gaanong mahalaga kung saan ka nagtungo, ang higit na mahalaga ay kasama mong naglalakbay ngayon ang taong may halaga sa iyo.
-Ang problema sa salitang "Sorry" ay ang pagbibigay sa mga tao ng maling mentalidad na ang lahat ng pagkakamali ay kayang maresolve ng isang salita lang.
-Ayus talaga si Sen. Mirriam.
"Kung mahal mo ang isang tao , ipaglaban mo; kung dalawa ang mahal mo, paglabanin mo."
February 21
-Magbabago ang isip natin pero ‘di kahulugan nito na magbabago na rin ang ating nasa puso’t damdamin.
February 22
-'Pag may sipon ka pala hindi sasapat ang pag-ibig para makahinga ka nang maluwag sa dibdib.
-May magtatanong pa ba kung takot tayo sa China o Malaysia eh si JPE lang hindi natin kaya...
-Walang kuryente. Maulan.
Hindi ko alam kung nagkasundo ang ulap at MERALCO para ako'y pagkaisahan.
Madilim. Tahimik.
Naisip kong pag madilim at masyadong tahimik kumukurot ang lungkot.
Pero naisip ko din mas okay nang madilim ang paligid kaysa madilim ang buhay at pag-iisip.
-Nag-announce na ang PAGASA na ang kasalukuyang ulan ay hindi dahil sa bagyo o LPA kundi dahil sa pakikiramay ng langit sa mga nabigo sa pag-ibig.
-Klase lang naman ang sinuspindi 'yung pagmamahalan hindi pa..
February 23
-'Wag mo ipilit sa ibang tao ang gusto mo dahil maaring hindi nila ito maibigan, ang bawat tao ay may kanya-kanyang standard o pamantayan sa buhay; ang okay sa iyo pwedeng hindi okay sa kanya, ang maganda sa iyo maaring pangit pa sa kanya, ang kasiyahan mo hindi sasapat sa iba para sila'y mapasaya pero isa lang ang sigurado...Hangga't patuloy na tumataas ang standard mo sa buhay hindi ka na mapapangiti sa mga simpleng bagay lang. :-)
February 25
-Kung pwede lang na ang buhay ay parang Facebook, kung sino lang ‘yung nakalistang kaibigan mo ‘yun lang pwedeng magkomento.
-(Halos) Lahat tayo ang mindset ay; Hanapin at gawin ang mga bagay na nagpapaligaya sa ating buhay pero okay din naman kung…Hanapin at alamin natin ‘yung mga bagay na nagpapagulo sa ating buhay tapos ‘wag nating gawin.
February 26
-At kapag nawala na ang lahat-lahat sa'yo, doon mo pa lang malalaman kung ano ang pinakamahalaga sa buhay mo...
-Minsan nakabubuti ang pagkakaroon ng mabigat na problema dahil dito nalalaman ang iyong tunay na kaibigan.
Minsan nakabubuti ang magpalinlang dahil dito natin mararamdaman ang tunay na nagmamalasakit.
Minsan mapipilitan kang magsinungaling para sa ikabubuti ng mas nakararami.
Minsan mapipilitan kang magsawalang-kibo para hindi lumala ang magulo nang sitwasyon.
Minsan mapipilitan kang magdamot para hindi maabuso ang 'yong kabaitan.
Minsan mapipilitan kang magtanga-tangahan para alamin kung sino ang mas tunay na tanga.
Pero dapat minsan lang...
-Maaring hindi naman makakaapekto sa buhay ang pagtanggap natin sa mga taong nagkamali sa atin pero ang hindi natin pagtanggap sa isang taong TAMA at dapat para sa atin ‘yun ang higit na makakaapekto sa buhay natin…ang problema, hindi natin alam ang sakop at ang laki nito para mabago ng husto ang ating buhay.
February 27
-Magmahal. Mabigo. Muling magmahal.
Maaring masaktan ka ng paulit-ulit dahil sa letseng pag-ibig pero kailangan nating magmahal dahil ito lang ang tanging paraan para mailahad ng kumpleto ang istorya at kasaysayan ng ating buhay.
-Kung gusto ng isang tao maging bahagi pa siya ng buhay mo dapat gagawin niya ang lahat para mangyari ito, dahil hindi sasapat ang puro salita lang.
February 28
-Kung hindi mo na gusto - sabihin mo, kung hindi mo na kailangan - bitiwan mo, kung hindi mo na mahal - ipaalam mo, hindi 'yung paaasahin mo na kayo pa din hanggang sa dulo; bakit ba marami ang hirap na sabihin ang salitang "babay"?
Eh, ang dali kayang magsabi ng babay, ♪♫♪♫♫, ang dali kayang magsabi ng babay, ♪♫♪♫♫, ang dali kayang magsabi ng babay, ♪♫♪♫♫, B-A-B-A-Y.
-It’s not that I wasn’t know English in very good. Fyi, I also known English and I think I am very expertise on that said dialect too but I am more comfort in posting Tagalog statuses rather than English. It’s also because I does not have foreign friends to please their.
So don’t expect mine to post English status too much ‘coz me also assumes that you would not understand my thoughts in English & some people’s intelligence wasn’t enough to equal my above-average knowledge.
And this is the enough proofs that I am good in englishing.
-Hindi naman kailangan ng Pag-ibig ng mga pangako at dahilan; ang kailangan lang ng pag-ibig…dalawang taong nagmamahalan.
No comments:
Post a Comment