Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Monday, February 18, 2013
At ang libog ay matatalo ng antok (re-post)
At may namatay na isang mayamang pulitiko.
'Di nakapagpigil ang mga malisyoso at ang mga halang ang pag-iisip. Wala raw nabitbit kahit 'sang pirasong mulay sa kanyang pagpanaw; hindi raw nailigtas ng yamang umaapaw na daig pa ang buhos ng malakas na agos ng mabalasik na si Sendong, yamang higit pa ang bilang sa dami ng lahat ng Pilipinong nagtakwil man o hindi sa kanyang lahi, yamang kasalukuyang pinag-aagawan ng kanyang naiwang legal at ilegal na pamilya.
Hindi sila masisisi, kahit anong pagtanggi ay maalala ang bakas ng nakaraan at lumipas; nang akma ng huhulihin ang isdang lumalapa ng kapwa isda'y lumabas ang isang nagngangalit na pating at ang lahat ng nagtangka ay dinunggol at inihain ang pangil na higit pa sa tulis ng isang palaso. Ang tsubibong lumilipad na libangan ng kawal ng lipunan na inakala nang nagtatanga-tangahang pinuno nito na bago ay isinalya sa halagang birhen; sino ang may sala? Batid na ng lahat pero walang makapagsabi gayon pa man sa bandang huli wala namang may kasalanan; walang umaamin walang mapaparusahan kahit itanong mo pa sa mga naiwan nang nagpatupad ng batas-militar.
Kapwa hungkag ang nagtanungan, isa ka rin bang tanga? Nagmayabang na nangatwiran. Kung tanga ang turing sa paghagilap sa matinong pinuno, kung tanga ang tawag sa patuloy na paghahalal sa lider na ang panata’y mag-aahon sa mga nalulunod sa kahirapan, kung tanga ang taguri sa mga taong madaling magpatawad at makalimot...Tama nga sila, tanga nga sila. Tangang walang kadala-dala. Tanga pero hindi gago. Ngunit kasalanan pa rin ba natin kung patuloy tayong ninanakawan ng garapalan ng mga gunggong na nasa trono? Ikaw, ako, tayo ano ba ang kaya nating gawin para sila'y maigupo? Kaya mo bang tibagin ang pader na singtibay ng bundok na pinatatag ng kasaysayan? Kaya mo bang kitilin ang pagiging ganid ng marami sa kanila na ang nanalaytay sa kanilang ugat ay dugo ng kasakiman? Paano ka magwawagi kung ang iyong sandata'y patpat at ang kanila'y matalas na kris at may kapanalig na metal na kalasag?
Pero teka, nakikita ko sila sa pahayagang nagtatanong minsa'y nakapikit ang matang dumadalangin, minsa'y tumatanggap ng ostiyang komunyon, minsa'y nagkakawang-gawa sa mga dukha, mga nabiktima at nasalanta. Mabubuti rin pala sila. Ilang Ama Namin ba ang kanilang inuusal sa bawat araw tatlo, sampu, dalawampu? Ilang rosaryo ba ang kanilang napigtas sa tagal ng lumipas? Ang kanila bang pangmumog sa umaga at sa tuwing bumabaho ang hininga'y agua bendita? At kasabay kong ngumisi ang idolo ng mga aktibista na si Dong Abay.
Ano daw ang nasa dako paroon na bunga nang malikot na pag-iisip?
May natatanaw ka bang pagbabago o tagumpay? May pag-unlad bang sasalubong sa aandap-andap na pag-asa ng mga nagdarahop? May liwanag na bang sisilay at sisilip sa matagal ng karimlan? Saglit mong ipikit ang iyong mga mata…ano ba ang ‘yong nakikita? Madilim. Napakadilim. Gaya ng ating kinabukasan, madilim. At ikaw ay susuntok sa buwan, maghahagilap ng karayom sa dayami o makikipagdigma tangan ang isang balaraw laban sa dambuhalang armas ng mandirigma. Malabo ang tagumpay ‘wag mo nang isipin. Iba ang reyalidad sa pagiging optimistiko. Hindi ka uunlad sa pag-asa sa kanila baka tuluyan kang lumubog sa sinasakyan mong bangkang puno ng butas, nag-aagawan sa sagwan at naghihintay ng isdang hinuli gamit ang dinamita. Lumangoy ka muna hanggang makahanap at makahagilap ng panibagong bangka, makiangkas sa gusto ring magsikap, matutong mangisda. Walang puwang ang tamad sa nagmamadaling pag-ikot ng mundo. Ilibing mo na lang ang iyong sarili kung patuloy mong yayakapin ang katamaran, mga katawang malusog pero umaasa sa nagbabanat ng butong nasa lugar ng dayuhan, mga tiyan na busog pero ang nagpapalamon ay hinahabol ng gutom, mga ngiti nila’y matamis pero ang nagpapadala ng kuwarta’y pinagsimangotan ng among malupit, mga damit ay moderno’t mabango pero tila gulanit ang suot at pati pagkatao nang nagpapaalipin sa ibang nasyon. Muli mong idilat ang ‘yong mata. Ano ngayon ang iyong nakita? Pareho lang, kung isa ka sa nagpapaalipin sa kagaguhang hatid ng pulitiko, ng pulitika, ng komersiyalismo.
Marami ang humahanga’t nagayuma sa komersiyalismong hinatid ng mansanas na may kagat; may nagbenta ng laman, literal. Inoperahan kapalit ng ilang pirasong modernong pilak. May nag-iipon para makasunod sa uso, nais na may nakasukbit na mansanas sa sinturong mumurahin na alanganing plastik, alanganing balat. Walang medisina sa nilalasong sentido. Mga taong winaldas ang kinabukasan para sa kasalukuyang kaluhuan. Bukas uuwing luhaan, duguan pinitik ng mandurugas ang piraso ng mansanas at mangangarap ng bago ang walang kadala-dalang gago. Subukin mong tanungin kung may naisalba para sa anak na nagkukumahog sa pag-aaral o sa inang humahalinghing dahil sa karamdaman, ‘di makaimik. Katumbas ng katahimikan ay pagsang-ayon. Mga nasa tahanan ay nahuhumaling sa kinomersyal na sabon, umuubos ng higit sa anim na oras kada araw o katumbas ng higit sa siyamnapung araw sa isang taon. Umiiyak, tumatawa, nauulol sa karakter na umaastang sinto-sinto. Paulit-ulit. Parang hibang. May kandili, may pangangalunya…na naman. Umpisa pa lang alam na ang katapusan. Habang ang anak sa murang mga edad ay nasa datkom na mahalay at isa naman ay sumisigaw ng tagay. Detalyado at bente-bente ang kwento ng nasa sabon pero banlag sa istorya ng kanyang mga may balahibong-pusang inakay.
May mga bubot na magpapadala sa tawag ng kalamnan. Walang pakundangan, walang pakialam. Maghaharutan. Maglalandian. Magkakantahan. Bubuhatin ang pusong kiri. Titirik ang mata, kikislot ang laman. Butil-butil ang pawis sa silid na malamig. Sisimsim sa nektar; hihimurin ang hinaharap. Babanggitin ang mahal kita sa kanyang maharlika. Gagayahin ang eksena gabi-gabi sa obra-maestrang teleserye. Titikim, lalasap, madadarang. Naglalaro ng apoy ‘di mapapaso; nagtatampisaw sa ulan ‘di mababasa; humihigop ‘di mabubusog; kumakatas ‘di matigib ang uhaw. Hindi tumitigil, uulit. Bagito pero isa nang eksperto; isang mag-aaral pero daig ang kanyang guro. Nalimot ang alpabeto panay patinig ang bukambibig, a, e, i, o, u! Buhol-buhol na pangarap ay tuluyang mapuputol nang limang-minutong paulilt-ulit na sarap. Sandaling kaligayahan pangmatagalang sisihan. Matapos ang siyam na buwan palaboy ay nadagdagan.
May magsusunog ng oras sa halip na magsunog ng kilay; magpapaskil sa librong walang pahina, magyayabang sa huni ng ibon, maghahanap ng katatawanan at kalaswaan sa modernong tubo at dedepensa laban sa lumang tao. Kawawang haligi hilahod sa trabaho.
May nagpapataasan ng mapanghing ihi. Ayaw magpagapi kahit yabang na lang ang natitirang kayamanan. Nanaising tuntungan at apakan ang likuran ng iba upang mamintini ang kapalaluan. May mandurugas na aangat at makararating sa taluktok. Ibubuka ang bagwis at papaimbulog. Dahan-dahan sa paglipad at pagpagaspas ng pakpak mas malakas ang lagapak ’pag bumagsak sa lupa. Nakakalula sa itaas. Baka walang makasabay sa’yo at matuklasan mong ikaw na lang pala ang humihimpapawid; sa sandaling mapilay ang bagwis dahil sa iyong bilis unti-unti kang babagsak tulad ng pagkawala ng bagsik at pagtamlay ng lason ng mga mapanganib na pinuno ng iba’t ibang lugar at panahon; si Adolpo ng Alemanya na natagpuang may bala sa sentido inutas ang sarili ng tangan niyang armas na loyalista, ang dating hari na namuno ng halos tatlong dekada ng dating Mesopotamia ay kinitil sa pamamagitan ng pagbigti, ang makapangyarihang diktador na hanggang ngayon ay wala pa sa huling hantungan, pinagkaitan. Walang permanente. Walang pangmatagalan. Permanenteng interes at pangmatagalang pagka-inip lang. Sa pananatili sa tugatog lalago ang kaibigan ngunit sa pagdausdos at pagsadsad sa lupa unti-unting malalagas ang umano'y matatalik. At hangal lang ang magigimbal.
Ang kasinungalingan ay nakatakdang paniwalaan sa katagalan ‘pag patuloy na inuulit-ulit, ulit, ulit. Kaya ba ang lahat ay nagpapakakadalubhasa sa paglulubid ng buhangin? At ang pagsisinungaling ay kapatid ng pagnanakaw. Kaya ba marami ang mga ito’y pinagsasabay? Kaya mo bang basagin ang mundo ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pagsiwalat ng katotohanan? Tutulad ka ba sa mga taong bumubulong ng sipol? Pinaniwalaan ba sila? Kung oo, ano na ang kinahinatnan nito? Saan ito tumungo? Nagmistula lang itong utot na nagyabang at umalingasaw sandali subalit naglaho rin ang aroma nang ganoon din kaliksi. May ilang mahusay sa pagsisinungaling na kahit ang sarili niya’y kanyang kinukumbinsi na katotohanan ang kanyang pinagsasabi. May mga ibang ginawa na itong hanap-buhay; propesiya ‘di umano pero panlilinlang ang adhikain. Mamalasin ka dahil walang trabaho. Katapusan ay malapit na maghanda ka lang. Bulaan. Isinasantabi na lang ang ika-siyam na utos. Lahat na ay bihasang magsinungaling, ako na lang ang hindi. At biglang humaba ang aking ilong.
Paano mo gustong maalala? Ano ba ang higit na mahalaga, ang makabuluhang kamatayan o ang makabuluhang pamumuhay? Paano kung hindi ka nagtaglay nito? Ano ang maalala sa’yo? Magtatanong ka pa, pare-pareho lang tayo. Gusto mo bang maalala ng lahat na ikaw ay bantog sa pagtatakip ng bumabahong katiwalian? O sa pagiging pusakal na pasimuno sa pagkawala ng nag-aaklas sa pamahalaan? O sa pagiging dalubhasa sa pagkamal ng yamang kinukupit sa mga pulubi? Hayaang magbunyi ang iba sa kamatayan ng isang pusakal, hindi mo sila mapipigil kasiyahan nila ito. Humanap ka na lang ng sarili mong kasiyahan. Subukan mong tumipa ng masasayang alaala kaysa maging palalo sa suot mong magara, subukan mong mag-abot sa mga nasalanta kaysa ibalandra ang nagmamayabang mong tableta; Subok lang, kung hindi ka sumaya sabayan mong tumawa ang mga mahuhusay mang-alipustang nasa ikatlong lahi; nasa Silid-Aklatan, Payaso o ang sikat na tatlumpu't-siyam na pulgada. Ako? Nais kong maalala ng mga tao ng walang pag-aalala parang alikabok na pupuwing sa taong may demonyong pag-iisip saglit na ikukusot ang mata pero muling papaslang.
Nagkubli ang gabi. Walang nangyari. Sumakay sa pulang kabayo o tatawag sa santong may dalang sulo, hihiram ng tapang sa katas ng ispiritu ng sebada. Lilimutin ang problema, panandalian. Hahamunin nito maging si Kamatayan. Isisisi ang malas sa lahat; sa gobyerno, sa magulang, sa orasan, sa balita, sa droga, sa gasolina, sa alak, sa punong tumawid sa kalsada. Baluktot na isipan ng buhay ng wagas na palaboy. Bukas, bubuka ang liwayway ang suliranin ay muling sisilay at may dagdag na liyo.
Kamay ng oras ay ‘di na kayang ibalik. Sayang na panahon. Malulugas ang dahon, hahalik sa lupa; matigas na bakal, kakalawangin; masel sa kalamnan, lalaylay. Ang malalabi sa libog ay hambog at ang landi ay magiging kadiri-kadiri. Gisingin ang nagtutulog-tulogang diwa. Hindi araw-araw pasko, hindi maaaring maghapon ay may araw, hindi habang panahon ay may lakas ang naghuhumindig mong kalalakihan. Subukan mo mang umulos ay ‘di naman tumitigas ang iyong mga litid at ugat. Lilipas ang panahong matikas.
Ang anumang bagay na hinandog mo sa ‘yong sarili ay kasabay mong papanaw at lilisan. Ngunit ang mga bagay na inalay sa kapwa mabuti o masama ay mananatili kailanman; huhusgahan ka sa iyong ginawa, hindi sa buwaya mong ‘di nangangagat o sa pamagat ng mga ari-arian o sa may lasong mansanas na may kagat. Habang may panahon pulutin ang mga nabasag na piraso ng iyong pagkatao sa sahig, ang tropeyo ay dekorasyon lang na inalay at dinesisyunan ng binayarang inampalan. Dahil bukas maaaring ang libog ay matatalo ng antok.
No comments:
Post a Comment