'Pag sinabing tatak Pilipino ano ang unang-unang sumasagi sa isip mo?
Filipino hospitality? Native Philippine products? Philippine Azkals?
Sa negatibong aspekto, ang agad mong maiisip ay ang korapsyon, polusyon, overpopulation at marami pang ibang nega na sa sobrang dami ay makakabuo ka na ng isang blog entry.
Kamakailan, nalagay sa isang kontrobersiya ang pagkomento ni Arnold Clavio sa kanyang pang-umagang programa na ang karamihan umano sa miyembro ng Phil. Azkals ay wala o hindi taos sa isip at puso ang pagiging tunay na Pilipino; maraming panatiko ng Azkals ang bayolenteng nagre-act at bumatikos sa naturang komento. Naisip ko, ano ba talaga ang tatak Pilipino? May natitira pa bang tatak at ugaling Pilipino sa panahong ito? At may kahalagahan o pinahahalagahan pa ba ang tatak Pilipino sa kasalukuyan?
Sa modernong panahong ito, tila wala nang kumakatawan sa pagiging orihinal na tatak Pilipino; magmula sa naglalahong kaugaliang bayanihan hanggang sa mga personalidad ng ating palakasan, magmula sa ating pangalan hanggang sa mga kasangkapan.
Ang ating mga musika, pelikula at programa sa telebisyon ay may malaking impluwensiya ng mga banyaga; ang ating pananamit, kasuotan gayundin ang ating mga kagamitan sa bahay; ang ating pagkain, gadget o ang suot-suot mong sapatos o relos, ang mga makabagong reality show, talent search/show at ang ating news o showbiz program, lahat ng mga iyan ay may bahid ng tatak banyaga. Ang pangalang taglay mo ngayon ay may tunog banyaga; karamihan sa apelyidong Pinoy ay tunog Kastila samantalang ang unang pangalan naman ay karaniwang galing sa mga kanluraning bansa.
Nawala na nang tuluyan o 'di kaya'y bilang na lang halos sa ating daliri ang mga magulang na nagpapangalan sa kanilang mga anak ng tunay at likas na pangalang Pilipino, si Kidlat Tahimik (sino 'yun)
Dito sa atin ang karaniwang pangalan ay tulad na rin sa bansang Amerika o Espanya tulad ng Johnny, Jessie, Margie, Eleonor atbp. Maraming kapitbahay nating bansa sa Asya ang may tunay na identidad, pagkakakilanlan na agad mong maiisip ang kanilang bansa; anong bansa ba ang maiisip mo 'pag binanggit ang Sony o Toyota o ang maganda at mabangong bigas na Thai Jasmine Rice o ang sasakyang Hyundai at gadget na Samsung? At ang counterpart nito sa mga Pinoy: NFA rice siguro. Pinoy napinoy. Haha.
Ang pambansang punong Narra mayroon pa ba tayo nito? Inuubos na sa labis na pangangaso.
Ang dating pambansang ibon natin ay maya na ngayon ay agila ay tila ginaya lang natin sa Amerika.
Wala na rin halos tayong nakikitang kalesa, bahay-kubo at bakya napalitan at naging moderno na rin ito.
Ang sayaw na tinikling ay tila sa CCP o sa Loboc river o tuwing Linggo ng Wika na lang umeeksena.
Dapat na rin sigurong palitan ang ating pambansang laro na sa halip na sipa ay gawin natin itong lotto dahil sa obvious na dahilan.
Panaka-naka'y may nakikita pa tayong nagtitinda ng sampagita pero 'di malayong ito'y unti-unti ring maglaho. Pasalamat na rin tayo dahil nandiyan pa ang pambansang prutas at isda na mangga at bangus. Mangga na ang primera klase ay agad na pinadadala sa mga bansang Amerika, Hapon Australia atbp. at ang naiiwan sa atin ay yung hindi export quality at ang bangus na may masarap na produksyon na rin ang bansang Taiwan.
Alam mo ba na maski ang ating pambansang watawat na tinahi nina Marcela at Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad ay gawa sa ibang bansa (Hong Kong)?
At alam mo rin ba na ang ating pambansang awit na Lupang Hinirang ay orihinal na salitang Kastila? Taong 1899 ng ito'y magawa galing sa kastilang tulang 'Filipinas' ni Jose Palma, isinalin sa Ingles noong 1919 at 1940's nang ito'y maging ganap na Lupang Hinirang sa salitang Tagalog o Filipino.
Sadyang mahirap yatang ugatin ang tunay na tatak Pilipino dahil kahit ang ating mga pambansang sagisag kundi may bahid ng banyaga, ay halos nawawala na.
Dahil sa kahirapan, naglalaho na rin halos ang magandang kaugalian na: 'Filipino Hospitality' napapalitan ito ng pagiging makasarili at pagsasamantala sa mga dayuhang turista bagama't mayroon pa rin namang mangilan-ngilan na mababait na pilipinong may taglay nito. Ang native products tulad ng banig, kapis, bamboo, atbp. na ipinagmamalaki nating gawang Pinoy ay hindi na rin halos tinatangkilik ng pangkaraniwang Pinoy. Mayroon pa ba kayo nito sa inyong salas o kwarto? Malakas ang impluwensiya ng kanluraning bansa kaya mas ginugusto natin ang mga modernong disenyo at kagamitan sa bahay. Kakatwa nga na mas naa-appreciate pa ito ng mga dayuhan kaysa sa 'tin. Huwag na nating pag-usapan ang mga negatibong aspekto ng tatak Pilipino dahil ito'y ibang usapin.
Aminin man natin o hindi, hindi natin kayang mamuhay ng mag-isa, hindi natin kayang mamuhay ng walang produkto o tulong ng mga dayuhan. May kasabihan sa Ingles: 'no man is an island' applicable din ito sa kahit anong bansa, mayaman man o mahirap.
Nakakalungkot lang malaman na kahit mayroong tayong orihinal na gawa o produktong Pilipino ay mas tinatangkilik pa rin ang gawa o produktong dayuhan; mayroon nga tayong mga patok na Pilipinong produkto pero makikitang malakas ang impluwensiya dito ng banyaga o di kaya ay malaking bahagi ng naturang produkto ay inaangkat galing sa iba't ibang bansa (lalo sa China). Ang numero unong fast food chain na Jollibee ay sa Pilipino pero hamburger ang isa sa may pinakamalakas nilang nabebenta; ang matinong Philippine made na Cherry mobile na celphone products na kahit mura ang halaga ay tila nilalangaw sa merkado ganundin ang Timex watches; ang numero unong clothing product na Bench ay pagmamay-ari ng isang Pilipino-Tsino at malaking porsyento ng kanilang produkto ay galing Tsina.
Mayroon noong panawagan si Cong. Joey Salceda na i-boycott ang mga produktong galing China kung tutuusin maganda ang kanyang layunin at adhikain at ang magbebenipisyo dito ay ang maliliit na negosyanteng Pilipino ngunit sa reyalidad at tunay na kalagayan ng Pilipinas ay hindi natin kayang tustusan ang ating sariling pangangailangan. Higit sa animnapung porsyento ng ating angkat na produkto ay galing China/Taiwan/Hong Kong at kung ipagbabawal ang mga produktong Tsina ano na lang ang ititinda ng ating mga kababayan sa Tutuban o 168 mall? Saan manggagaling ang ating supply ng maraming building materials? At kahit ang mga paboritong produkto ng mga sosyalin na Lacoste o iPhone ay galing China, oo galing 'yan sa China.
Marami sa basketball player ng paborito ng masang PBA ay binubuo ng Fil-foreigners sa katunayan muli ng lumakas ang benta ng tiket ng PBA nang dumami ang mga fil-foreigner sa naturang liga, ang national team natin sa basketball ay binubuo ng Filipino/Filipino foreigner at kahit nga ang orihinal na coach nito ayforeigner (Iranian) din, ang Philippine Rugby team ay ganundin mas marami sa kanila ang mas mahusay mag-ingles kaysa mag-tagalog at hindi exempted dito ang kontrobersyal at popular na Philippine Football Team ang: Philippine Azkals.
Hindi maitatanggi na malalakas at may talento ang mga Fil-Foreigner kumpara sa purong Pilipino kung hindi ba naman e di sana matagal na tayong muling nakabalik sa FIBA at iba pang liga. May talento rin naman ang mga Pinoy pero tila hindi ito sasapat sa laki at liksi ng mga dayuhang kalaban sa iba't ibang pisikal na sports. Tanggapin na natin na ang mga Fil-Foreigner athletes natin ngayon na kabilang sa iba't-ibang sports team ay malaki ang naiaambag at nagiging kontribusyon sa pagyabong muli ng natutulog na sports sa Pilipinas, naging mas exciting at mas maangas ang dating ng ating bagong pambato laban sa ibang bansa. Kung magiging isyu ang nationality sa pagkakasali ng mga Fil-foreigner sa pambansang koponan na basketball, rugby, football o kahit ano pa 'yan; dapat ay kinuwestiyon din dati ang nationality ni Robert Jaworski na iniidolo ng napakaraming basketball fanatics, oo Fil-foreigner din siya (Polish-American/Filipino) idagdag ko na rin ang ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal (siya rin may dugong banyaga).
Tulad nila Phil at James Younghusband, o nila Robert Jaworski o ng ating idolong si Jose Rizal o tulad mong bumabasa nito hindi mo naman hiniling na maging Pilipino o maging half-bred na Pilipino; ito na ang nakagisnan at naitadhana sa iyo, hindi na natin ito maitatanggi ngunit mabuti pa nga sila itinataguyod at ipinaglalaban nila ang pagiging Pilipino sa larangang alam nila hindi tulad sa maraming Pilipino na lumisan, tinalikdan at niluran pa ang bansang Pilipinas. Mayroon namang tunay daw na Pilipino pero wala namang malasakit sa kanyang kapwa Pilipino at nakukuha pang lustayin ang perang buwis ng Pilipinas at saka sasabihing mahal ko kayo at ang bansang Pilipinas! Kung ikaw ang tatanungin, mas nanaisin mo bang magkaroon ng kaibigang Pilipino na oportunista't mapagsamantala o isang (fil) foreigner na tapat at mapagkakatiwalaan?
Nakakatawa na tayong mga Pilipino ay sobrang sensitibo kung kakantiin at pupulaan ang Pilipino at bansang Pilipinas ng ibang nasyon pero tayo mismo ang nagbebenggahan sa isa't isa at tayo ring Pinoy ay sagad kung makapamintas sa ibang lahi. Sa halip na lunasan ang suliranin at tanggapin ng positibo ang kritisismo ginagantihan din natin ito ng pangungutya.
Wala na nga ang tunay na tatak Pilipino, wala na rin tayong tunay na identidad ngunit ano bang magagawa natin o may magagawa pa ba tayo? Problema ba itong dapat na solusyunan? Sa tuwing may Pilipino o kahit katiting na dugong pilipinong nagkakaroon ng papuri at karangalan sa ibang bansa nagkukumahog at nag-uunahan ang maraming kababayan natin na ipagmayabang ang pagiging pilipino ngunit patay-malisya naman kung sakaling matalo o may nasasangkot na pilipino sa isang kalokohan at buong yabang na babatikusin ang kanyang kapwa, 'yan marahil ang bagong Tatak-Pilipino.
Sa pananamit na lang siguro natin masasabing tayo'y may orihinal na tatak Pilipino; hindi ang baro't saya ang tinutukoy ko dahil hindi na ito pangkaraniwang isinusuot ng kababaihang pilipina kundi ang Barong Tagalog, madalas pa rin itong sinusuot at nakikita sa mga kasalan, sa pagtitipon, sa kongreso, sa senado at kahit sa Malakanyang pero teka ano ba ang pang-ilalim natin dito? Ah, T-shirt na Hanes o kaya ay Kamisa Tsino ayos, Tatak Pilipino nga.
No comments:
Post a Comment