Kawani ng Adwanang nakapinid ang mga mata
Taimitim na nakikinig sa tagapagsalita
Lunes hanggang Biyernes sa tuwing ikatlo ng hapon
Walang palya, walang patid kanyang mga dasal ay inipon
Natapos ang higit-kumulang na tatlong minuto
Iuusal ang Amen babalik sa dating pwesto
Ibinulsa ang libo-libo bago lagdaan ang dokumento
Kabaitang iglap na naglaho tila sinapian ng demonyo
Alkalde Mayor na lubos na matulungin
Sa mga kababayan ang ayuda'y agad na ihahain
Bagyo, baha, sunog lahat ng kalamidad
Kagyat na tutulong sa bata man o may edad
Pati ang Parokya sa bayan palaging may donasyon
Tuwing siya'y dumadalaw at nananalangin sa poon
Umaapaw, umaagos ang daloy at buhos ng pera
Ngayo'y suspendido dahil sa kaban ng Munisipyong nawawala
Sakristang inaalay ang maraming oras sa simbahan
Kasama sa bawat misa lahat ay nginingitian
May hawak na insensaryo at maliit na batingaw
Makikiluhod at hihingi ng kapatawaran sa halos buong araw
Matamang nakikinig sa payo ng naka-abito
Naririnig ng tainga 'di naman sinasapuso
Pagdating ng bahay diretso sa dotcom na mahalay
Pumipindot, naghahanap ng bagong paskil na alay
Pastor na hatid ay magagandang balita
Lahat ay napapahanga sa kanyang bawat salita
Sa pananalig at pananampalataya lahat ay kanyang kapatid
Walang berso at bersikulo na hindi niya batid
Kakambal ng kanyang pangalan ang salitang kabanalan
May takot sa Diyos at lubos na iginagalang
Isang umaga bigla niyang nilisan ang kanyang serbisyo
Kasabay niyang nawala ang lahat ng donasyon at mga pondo
Kapayapaan at kaunlaran ang kanyang adbokasiya
Ang hiling ay soberenya, otonomiya at independensiya
Walang puwang ang kalimot tuwing oras ng dasal
Taimtim na na nagpupuri sa lugar na banal
Quran ang umano'y nagsisilbing gabay sa pamumuhay
Ngunit malalakas na armas ang tangan ng bawat kamay
Jihad ang isinisigaw tuwing galit sa gobyerno
Walang habas na maghahasik ng kaguluhan at terorismo
Debotong ang debosyon ay magsakripisyo
Nakayapak na maglalakad ng kung ilang kilometro
Tagaktak ang pawis sa init ng tirik na araw
Sumisiksik, nagtitiis sa prusisyong puspos ng taong umaapaw
'Di alintana ang hirap at gutom ng higit sa dose oras
Sumisigaw ng 'Viva' habang mga kamay ay nakataas
Pag-uwi sa bahay, umpisa na ng pot session at tagay
Balik sa dating buhay ang adik na debotong tambay
Negosyanteng Tsinong bumubulong ng kung ano
Nakatungo, nakapikit parang tupang napakaamo
Sa altar ay may halad siyang pagkain at kandilang may bango
Aral at pangaral ng Budismo'y kanyang kabisado
Sa likod nito'y may kakaibang maskarang nakakubli't nakatago
Siya'y ganid na dayuhang ilegal at isang among abusado
Mababa magpasweldo sa mga abang empleyado
Panginoon ng mga sugapa sa nakakapraning na bato
Kagalang-galang at aktibong ministro ng simbahan sa bayan
Posisyong kanyang lubos na pinagsumikapan
Handang maglingkod sa tuwing oras ng samba
Tangan ang siboryong ang laman ay sagradong ostiya
Mamahagi ng komunyon sa mga debotong parokyano
Buong bayan at kaparian ay lubos ang tiwala at respeto
Sa kabila nito kanyang pamilya'y 'di lang pala isa
May keridang itinatago at may anak na isa pa
Nakakasilaw na puti ang suot niya tuwing may misa
Libo-libo ang tagasunod sa sinasakupang parokya
Ang kanyang bawat sermon ay talagang kaabang-abang
Kahit salmo o awit ay sadyang pinakikinggan
Takbuhan ng mga taong may nais ikumpisal
Nagtuturo, nagpapayo ng kagandahang asal
Nagulat ang lahat ng may lumabas na 'di kagandahang balita
Walang makapaniwala na si Father ay nangmomolestiya ng bata
Ang sumasampalatayang kanyang kasapi'y abot na sa milyon
Nirirespetong pinuno nang kanyang itinatag na relihiyon
Dalubhasang tagapagpalaganap ng mga dakilang salita
Kanyang mga gawa at aral ay umano'y ayon sa banal na bibliya
Ang bawat sabihin at pag-uutos katumbas ay isang batas
Dahil sa labis na paghanga turing sa kanya'y pantas
Dukha ang karamihan sa miyembro pero ang pinuno'y labis ang kayamanan
Ibang mga donasyon at pondo ng simbahan nasa kanyang pangalan.
*Agrietar Aureola ~ broken halo
No comments:
Post a Comment