Saturday, December 10, 2011

Pi7ong Bilyon


Hindi na nakapagtataka na ang populasyon ng tao ngayon ay umabot na ng pitong bilyon medyo napaaga nga lang ito sa pagtantiya ng mga ekspertong nag-aaral tungkol sa pagdami ng tao. Hindi ba napaka-ironic na kung ano pang bansa ang medyo maunlad ay ‘yun pa ang mabagal ang paglago ng populasyon at kung ano pang bansa ang kabilang sa listahan ng mahihirap na bansa ay ‘yun pa ang mabilis ang paglago ng populasyon. At kung sino pang pamilya ang may lubos na kakayanan na mag-anak at magpa-aral ng marami ay ‘yun pa ang iilan lang ang anak at ang magulang na walang matino o permanenteng hanapbuhay ‘yun naman ang sandamakmak ang anak!

Tulad sa Pilipinas, third world country tayong maituturing pero may populasyon tayong humigit-kumulang sa 93 milyon katunayan pang-labing dalawa nga tayo sa talaan ng overpopulated na bansa sa mundo. Hindi pa kasali diyan ang labing-isang milyong Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Mabuti sana kung ang milyong bilang na ito ay produktibo, kapaki-pakinabang at nakakatulong sa pag-unlad ng bansa pero sa palagay ko'y hindi dahil marami sa bilang na ito ang hikahos at salat sa buhay, sa madaling salita: tambay. Sa napakalaking bilang na ito ng mga Pinoy ay tila lalong lumiliit ang oportunidad ng pag-unlad sa dahilang marami rin ang naghahagilap ng pagkakakitaan; ng trabaho. Lalo’t hindi naman patuloy na dumadami ang investor at negosyanteng nais na mamumuhunan sa ating bansa. Subalit hindi lang sa bansa natin nangyayari ito maging sa ibang bansa ay may ganito ring suliranin; ang mga mamamayang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap o pangkaraniwang tao ay ‘di gaanong umaasenso o kaunti ang bilang ng umaasenso.

Pitong bilyon.
Ang dami na natin. Pansin mo ba ang unti-unting pagbaba produksyon ng pagkain ng tao? Pansin mo ba ang pagkalugas ng mga puno sa gubat na pinagkukunan natin ng maraming mga bagay na ginagamit natin sa araw-araw tulad ng kahoy, papel, gomat at iba pa? Pansin mo ba ang pagwawalanghiya sa ating mga bundok na pinagkukunan natin ng bakal, ginto, tanso at iba pang yamang mineral? Pansin mo ba ang unti-unting pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin? Dahil ito sa patuloy na pagtaas ng demand ng pagkain ngunit lumiliit naman ang supply para dito. Naisip mo ba kung ilang toneladang basura ang napo-produce natin sa bawat araw na lumilipas at saan ba natin ito itinatambak? Ang tao’y napakabilis at napakahusay kumonsumo ng ng likas na yaman pero tila wala naman tayong sapat na kakayahang palaguin at pagyamanin ito. Kung ikaw ay magagawi sa liblib na bahagi ng iba’t-ibang lalawigan nakakatawag-pansin ang ganda at kariktan ng dagat, ilog o bundok at kung sakaling ito’y pamugaran, pakialaman o i-explore ng tao asahan mo ito’y masasalaula. Kung saan maraming tao asahan mo ang marumi at sira ang paligid, ganoon lang iyon.

Pitong Bilyon.
Pitong bilyon tayong mag-aagawan sa oportunidad, maghahanapbuhay para sa pagkain, para sa tirahan. Pitong bilyon tayong tayong didisiplinahin at babantayan ang isa’t-isa. Pitong bilyon ang magpapakiramdaman kung sino ang mas responsable sa pag-aalaga sa karapatang pangtao at pangkalikasan. Kung ngayon pa lang ay nakararanas na tayo ng matinding pagbagal ng trapiko, matinding polusyon, pangamba ng krimen, kakulangan ng oportunidad sa hanapbuhay ano pa kaya ang mangyayari sa susunod na dekada sa patuloy na pagdami ng tao?

Nakakabahala na rin ang tila pagbabalewala ng mga tao sa patuloy na paglala ng pagiging abnormal ng panahon. Kahit anong panawagan at kampanya para sa malinis na kapaligiran, sa pag-preserba sa yamang-dagat at sa pagsawata sa pag-abuso ng kagubatan parang walang pakialam ang mga kinauukulan. Patuloy lang tayo sa pagtapon ng basura sa kung saan-saan, kabi-kabila ang pagmimina, pangangaso sa gubat, pananalbahe sa karagatan, walang humpay na pagbuga ng mala-dambuhalang mga usok galling sa pabrika at iba’t-ibang uri ng sasakyan at lahat ng ito’y sa kawalan natin ng disiplina at siyempre kapalit ng pera. Kung ang tao’y marunong marunong maghiganti ganoon din ang kalikasan, sino bang mag-aakala na ang mga bansang dating hindi nakakaranas ng baha ngayo’y may pagbaha? Malakas na buhos ng ulan sa panahong tag-init o matinding tagtuyot sa malaking bahagi ng mundo. Ang mga bagyo’y palakas ng palakas na animo’y lulunurin ka sa dami ng bumubuhos na tubig, ang taglay na hangin nito ay patindi ng patindi na hindi malayong pati ang mismong tahanan natin ay liparin nito. Dahil dito nalilimas ang mga pananim na dapat sana’y ating kakanin resulta: kaawa-awa ang mga taong walang kinalaman sa kawalanghiyaan ng ilang taong ganid at nagsasamantala sa kapaligiran. Kawawa ang mga hayop sa gubat na wala nang masilungan, sayang ang mga ari-arian na kung ilang taong pinag-ipunan sa isang iglap ay aanurin. Ano ba ang ginagawa ng tao para manumbalik ang ganda at yaman ng kapaligiran? Wala. Wala na tayong magagawa dahil mas marami ang gustong magkamal at makinabang kaysa mangalaga.

Pitong bilyon.
Ilang porsyento ba rito ang wala nang takot sa batas? Ilang porsyento ba rito ang halang ang bituka at tila walang kaluluwa? Ilang porsyento ba rito ang nagpapahalaga sa terorismo o tinatangkilik ang kaguluhan kaysa kapayapaan? Ilang porsyento ba rito ang may pagpapahalaga sa pera kaysa buhay? Ilang porsyento ba rito ang binibigyang importansya ang kapangyarihan kaysa dignidad at karangalan?
Mahirap uriin at bilangin pero sapat ba ang batas na umiiral para lahat ng masasamang uri ay malipol? Sa darating na panahon madadagdagan ba ito o mababawasan? Paano mo ba mapo-protektahan ang iyong pamilya laban sa masamang uri ng lipunan? Kung ang ating mga alagad nga ng batas ay nasasangkot na rin sa kriminal na aktibidades. Sana'y 'di dumating ang punto na patuloy na dumami ang masasamang elemento ng lipunan kaysa mabuti dahil baka sa dami ng bilang ng tao ay hindi na tayo makontrol ng otoridad.

Ang realidad ayon sa pag-aaral darating ang panahon na kukulangin umano tayo ng supply ng pagkain. Ilang dekada na lang at tiyak na may kakulangan na rin sa langis at gasolina. Magiging limitado ang pagdami ng isda sa dagat dahil sa labis na panghuhuli nito at ito'y mangyayari daw sa taong 2050's o 2060's. At patuloy na ring nababawasan ang dami ng ating bukirin dahil ang mga nagsasaka nito'y napipilitang ibenta ang kanilang lupain sa developer ng mga subdivision o sa higanteng mall na pumapatay sa mga maliliit na negosyante. Ang mga karne ng hayop na ating kinakain tulad ng baboy, baka at manok ay baka 'di sumapat dahil sa dami ng tao, mapipilitan ang exporting countries na itigil ang pagbebenta ng kanilang agrikulturang produkto kabilang na dito ang bigas, trigo at mga gulay dahil mas kailangan ito ng kanilang mamamayan. Ang tanong: kaya ba nating isustini ang pangangailangan sa pagkain ng bawat isa sa atin? Nakakatakot na baka dumating ang panahong ultimo karne ng pusang kalye ay handa na sa hapag-kainan ng ilan nating kababayan dahil marami ang walang kakayahang makabili ng matinong pagkain dahil sa labis na kamahalan ng presyo nito.

Masasabi kong mapalad pa rin tayo sa panahong ito dahil kahit medyo mahal ang halaga may mabibili pa rin tayong mabitaminang prutas, maprotinang karne, masustansiyang lamang-dagat at isda, pampalakas na gulay at pampalusog na bigas sa tindahan, palengke at supermarket kahit na pitong bilyong katao na tayo.
Pahabol: Pakiusap, pwede bang 'wag mong itapon ang basura o kalat mo sa kung saan-saan? Baka sakali sa ganitong paraan ma-extend natin nang kahit na kaunti ang preserbasyon ng ating lupang tinatapakan at mundong ginagalawan.

>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>>

“This is my entry to The Gasoline Dude’s Blogversary Writing Contest. I want to win the 1TB Portable Hard Drive!")


7 comments:

  1. para sa akin hindi naman dapat pinoproblema natin kung dumadami pa tayo as long as na magiging responsable tayo pero pagdating sa realidad tunay na ngang problema ang pagiging over papulated natin lahat nalang hindi sapat! Dagdag pa dyan, Dahil sa tumataas na bilang ng mga tao sa mundo ang daming kailangang pagkain (kaya ang daming hayop na na kinakatay para kainin), ang daming may kailangan ng tinaraha (kaya ang daming puno ang tinutumba sa araw araw)..... Mas madami, mas maraming kailangan; mga kailangan na kailangan pang mag sakripisyo ang Iba.

    ReplyDelete
  2. walang pag-tutol, inong. at aking idagdag: sa panahong magdadamot na ang kalikasan ay hindi na natin ito mararanasan dahil ang susunod na henerasyon na ang "mangangalaga" dito, sila naman ang sisira at magtatamasa sa maganda sanang kapaligiran. at 'pag lalong dumadami ang mahihirap na walang trabaho nadadagdagan din ang krimen.

    ReplyDelete
  3. Isang malaking pagsang-ayon Limarx214

    ReplyDelete
  4. ako'y natutuwa. Lagi talagang malaman ang iyong isinusulat. Nakabusog ng isipan. Napapanahon.

    ReplyDelete
  5. subok lang sir joey sa pakontes ni blogistang gasdude. unang beses ko lang makilahok sa ganitong pakontes nakakachallenge din pala. wala naman gaanong pressure at mas angat pa nga ang pagkatuwa; walang problema kung 'di magwagi ang mahalaga nasuportohan ko ang kanyang adhika (pero mas okay kung mananalo, haha.) at may entry ka din doon kasama ang iba pang malulupit na blogista. goodluck sa atin.

    ReplyDelete
  6. After more than a month of reading and putting scores on each entry, FINALLY! Check my blog for the list of winners. Salamat sa paglahok at pagsuporta sa aking munting patimpalak. :)

    ReplyDelete