Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Tuesday, October 25, 2011
Ang Gulo Mo!
“If you have to choose between two evil choose the lesser one”, palagi kong naririnig ‘yan sa mga taong magagaling magpayo pero kung tutuusin parang wala ka namang choice na matino ditto. Halimbawa na lang noong panahon ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Bulacan at Pampanga sa kasagsagan ng bagyong Pedring at Quiel; kailangan daw magpakawala ng tubig ang mga Dam para din sa kapakanan ng mamamayan dahil mas malalang trahedya kung ito’y mago-overflow. Resulta: Bilyong pisong lugi sa agrilultura, libong katao ang nawalan ng tahanan, daang-milyong pisong halaga ng ari-arian ang nasira at may tala rin ng mga namatay. Ito ba ‘yung lesser evil? Kailangan bang may dumating na dalawang demonyo tapos mamimili tayo sa kanila? Eh bakit hindi magpakawala ng tubig ng unti-unti noong panahon ng tag-araw at mas kaunti ang panganib? Nanghihinayang ba sila sa matatapong tubig? Paatras ba tayo magdesisyon at mag-isip?
Hindi ako matalinong tao at lalong hindi ako nagmamagaling nais ko lamang ay magtanong pero ang sabi naman ang batang matanong ay sensyales ng pagiging matalino. Bakit, ‘pag nagkaedad ba at matanong pa rin ay bobo na? Ang gulo!
Hindi lingid sa lahat na dumarami ang nag-aaklas laban sa gobyerno, sa malalaking korporasyon, sa mga lider, sa karapatang pang-tao, sa karapatang pang-hayop, sa preserbasyon ng kalikasan, sa ekonomiya at kung saan-saan.
~Marami ang nag-aklas laban sa ‘di-umano’y hindi matinong pangulo pero kapag naluklok na ang nagustuhan at ipinalit na pangulo , ilang buwan pa lang ayaw na natin ulit ito. Aklasan na naman.
~Gusto natin ng magandang serbisyo ng LRT at MRT pero ayaw naman nating itaas ang pasahe nito. Sige hayaan na lang nating mababa ang pasahe dito pero maya’t-maya ay may tumitirik na tren sa gitna ng riles at tirik ding araw.
~Nananawagan tayo na sana’y magkaroon ng matinong pelikula at palabas sa TV pero ‘pag may showing na matinong Indie Film hindi ka naman nanonood. Magbabad ka na lang sa panonood ng maghapon teleserye at ang mababaw nitong istorya.
~Hiling tayo ng hiling ng progresibong pagbabago pero ikaw mismo ayaw makipagkoordina. Simpleng pagtawid at pagtapon ng basura ayaw mong isagawa ng tama.
~Gusto nating may maisuplong at makulong na magnanakaw na pulitiko pero ilang taon lang maaawa na tayo sa kanila at tuluyan nating kakalimutan ang lahat ng kawalanghiyaang ginawa nila. Kaya ‘wag ka ng magtanong kung bakit nasa posisyon sila ngayon.
~Halos lahat tayo ay tumutuligsa sa lantarang pagnanakaw ng ating buwis pero kakaunti lang yata ang nagbabayad ng tamang buwis. Ano ‘yan gantihan?
~Gusto mong magtipid at maka-ipon para sa kinabukasan pero panay naman ang bili mo ng modernong gadget at kasangkapan. May bagong iPhone ngayon bilhin mo ‘yun.
~Naiinis tayo ‘pag may mga nagka-counterflow sa kalsada pero kung ikaw ang nakasakay dito, okay lang sa’yo. Mabundol ka sana.
~Pintas tayo ng pintas sa mga taong mali-mali ang grammar at mga taong hindi kagandahan pero ‘pag ikaw ang napulaan sa ‘yong kamalian nanggagaliiti ka sa galit. Itigil mo na ‘yan hindi ka si Boy Abunda.
~Ang mga aktibistang maraming suhestiyon sa pagbabago ay aktibong-aktibo sa pagtuligsa sa pamahalaan pero sa kalaunan sila’y kakandidato at magiging bahagi na rin ng gobyernong dating kontra siya. Makibaka, sumali sa Kamara.
~Nababanas ka ‘pag may mga nagbi-videoke sa dis-oras ng gabi pero ‘pag ikaw, kasama ng mga barkada mo ang nagbi-videoke kahit medaling-araw na wala kang pakialam. Did it your way.
~Concerned ka umano sa milyong nagugutom sa mundo pero naiirita ka naman tuwing makikita sila sa kalsada. Para ka na ring pulitiko.
~Umiyak, nakiradalamhati at nagpost ka pa ng pakikiramay ng pumanaw si Steve Jobs pero nang may mabalitaan kang nagpakamatay dahil sa kahirapan ng buhay hindi ka man lang nalungkot. R.I.P. Steve Jobs.
~Galit na galit ka sa mandaraya ng eleksyon pero ‘pag may pagsusulit na binibigay ang propesor mo nandaraya ka rin naman. Magnanakaw galit sa kapwa magnanakaw.
~Halos sumpain mo ang manager ng isang bar na may nagsasayaw ng hubo’t hubad na menor de edad nang mapanood mo ito sa Imbestigador pero madalas ka namang customer ng kapareho ding bar. Banal na aso.
~Inis na inis ka kay Willie Revillame at sa kanyang kaplastikan pero lagi mo namang inaabangan at pinapanood ang Wiltime Bigtime. Hehe, plastic ka rin.
~Madalas mo tinatawanan ang mga hindi mahuhusay mag-park lalo na ang mga nagpa-parallel parking pero ikaw din mismo hindi mo ma-perfect ang ganitong pagpa-park. Park You.
~Banas na banas ka sa mga taong mahilig sa tsismis pero sandamakmak namang artista at celebrity ang pina-follow mo sa Twitter. Follow-in kita diyan eh.
~Gusto mong umasenso at yumaman pero tatamad-tamad ka naman at lagi kang late sa iyong mga pinupuntahan. Ligawan mo na lang si Paris.
~Panay ang bida mo sa ‘yong mamahaling gamit at damit pero ang dami mo namang pagkakautang sa bangko at kung kani-kanino. Ipon muna bago yabang.
~Naaawa ka sa balitang marami ang kinakatay na pating sa bansang Tsina at Taiwan pero paborito mo naman ang shark’s fin ng Henlin. Ipokrito.
~Aktibong advocate ka ng animal cruelty pero excited ka naman manood ng madugong UFC at URCC. Makahayop.
Sigaw ka ng sigaw ng “Proud to be Filipino” ‘pag may nagtatagumpay na Pinoy sa iba’t ibang larangan; beauty pageant, boxing, football, billiards, dance & singing competition at iba pa pero 'pag hindi naman nagtatagumpay patay-malisya ka lang. Piliin ba ang pagiging proud? Malimit nating nakikita ang mali ng lipunan pero kibit-balikat naman tayo ‘pag tayo ang mali at may pagkakamali. Minsan alam na nating tama hindi pa tayo naniniwala. Pintas ng pintas mas madungis naman sa pinipintasan, gusto mo nang pagbabago ayaw mo namang magtino pati mismong kasalanan at pagkakamali mo isinisisi mo sa iba. Kung paanong proud na proud ka sa Half-Pinoy na si Apl De Ap ng Black Eyed Peas pero sinasakyan mo naman ang paninira sa mga Fil-Foreign na miyembro ng Philippine Azkals, ang gulo mo!
Ang Gulo nga... Ang daming tama o lahat pala ay Tama... Ang gulo ko!. Pero aminin mo magkakatulad lang tayo na Magugulo!
ReplyDeleteAnyway Inong nga pala bagong taga subaybay mo!
Walang exemption. Lahat magulo. Gaya ng pagiging magulo ng ating mundo at ng magigiting nating pulitiko.
ReplyDeleteWelcome ka dito Inong, sa aking magulong blog na may magulong tema