Sunday, July 17, 2011

Paksyon


Kung babanggitin nang mabilis para itong isang mura, parang bad word, ika nga.
Actually, parang bad word na rin na parang hindi, ang gulo 'no?
'Yun siguro ang exact word: Magulo! Bakit ba may paksyon-paksyon pa eh, hindi ba pwede na lahat tayo ay sumangayon sa isang layunin o adhikain?
Hindi ba maaring tumango na lang tayo sa isang panukala?
Hindi ba maaring sumunod na lang tayo sa itinakdang mamuno?
Mas maiintindihan ba natin kung ang paksyon thing na ito ay manggagaling sa kabataan? Dahil sabi nga, it is a childish thing. Pero hindi, sa katunayan kung sino pa ang matatanda sila pa ang may paksyon, may pagkakawatak. Lahat na lang sila ay magaling, matalino, mahusay, maparaan at eksperto sa lahat ng bagay, pero lahat naman di-umano ay walang tumama.

Gaano pa man kaganda ang iyong layunin at ang iyong ideolohiya ay para sa ikabubuti ng mas nakararami hindi mawawala ang mga taong tutuligsa at kokondena sa iyong ideya at lubusang tatalikdan ang anumang simulain na magiging daan sana sa isang napakapagandang resulta.

Ito ba'y dahil lang sa pride o malisyang taglay ng taong dahilan ng paksyon?
Sa benepisyong tatanggapin o sa mas tama ang layunin?
Sariling ambisyon o sa kapakanan ng nakararami?
Simpleng hindi pagsang-ayon o mas progresibong kadahilanan?
Ganid o taglay na kagalingan?
Inggit o katalinuhan?
Ambisyon o katinuan?

Hindi man natin sadyain maraming tao ang may taglay na ugaling ganito.
Magmula sa paaralan, maliit na yunit ng lipunan hanggang sa mga nanunungkulan ay may namumuong paksyon.
Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila ay may paksyon na sa pagitan ng ating mga bayani.
Pero teka...masama ba ito? Bakit sa tuwing may tutuligsa at magbubunyag sa katotohanan ay iisipin ng karamihan na ito'y walang patutunguhan? Taksil sa namumuno at 'di dapat paniwalaan?
Sa tuwing may maglalabas nang hinaing, daing, sintemyento, reklamo o suhestiyon na taliwas sa "ipinaglalaban" ng kinauukulan ay sasabihing may namumuong paksyon. Idinadamay pa natin ang mga talangka na wala namang kinalaman sa maganda sanang palitan ng kuro-kuro sa halip na bangayan at batuhan ng putik. Subalit ayaw magparaya ng isa, sarado ang paniniwala at buong yabang na pangangatawanan ang tinayuang paninidigan na hindi naman umaayon sa gusto ng nakararami.

Ipokritong ayaw imulat ang mata sa katotohanan. Nabulag ng mga pangakong sa una pa lamang ay tiyak ng mapapako. Pilit na pagtatakpan ang kabahuan imbes na linisin.
Dapat bang manahimik at itikom ang bibig upang walang mamuong paksyon?
Hahayaan na lang ba natin na manatili kung tayo'y nasaan at ipikit ang mata upang 'di makita ang karaingan?
Ang Pinoy ba ay takot sa kritiko o sadyang sakim sa pwesto at kapangyarihan?
Bumalik na lang tayo sa Batas-Militar kung bubusalan ang mga bibig ng taong may magagandang layunin.
Iba ang nakikita sa natatanaw. Iba ang naririnig sa napapakinggan. At iba ang gumagalaw sa kumikilos.

Huwag matakot sumalungat kung pansin mo na ang kamalian.
Huwag mag-atubiling tumuligsa kung garapal na ang kawalanghiyaan.
Huwag masindak sa mga taong sarili lamang ang naiitindihan.
Huwag manahimik kung nais mo nang matinong pagbabago.
Huwag manlumo sa kritikong hindi batid ang tunay mong dahilan.
Huwag tumigil sa pagsusulat nang panawagan dahil baka ito na lamang ang tangi nating sandata.
Huwag huminto sa paglaban sa kasinungalingan dahil pinanigan mo ang kasamaan kung ikaw'y sumang-ayon.
Ang pananahimik ay isang tanda ng pagsang-ayon at ang pagbatikos ay 'di rin naman nangangahulugan ng pagiging makasarili. Kung tama ang ipinaglalaban dapat lang na panigan, kung pulos kamalian at ikaw'y ang kanilang kapanalig baka nilamon ka na ng sistema o tulad ka na rin nila na nagbubulag-bulagan.

Kung humahabi man ng paksyon ang kritikong may paninindigan hindi ibig sabihin nitong nais niyang tayo'y magkawatak-watak.
Kung paksyong maituturing ang mga punang may kurot nang katotohanan hahayaan ko na lang na sa ganong paraan ninyo ito pintasan.
Mas nanaisin ko ng may paksyon at magkawatak-watak tayo na katotohanan at katarungan ang dahilan nang ipinaglalaban kaysa mayroong pagkakaisa pero may layuning mali at labis ang kasinungalingan.
Kung mali ang pagpuna at pagbatikos sa katiwalian at kalokohan, patawarin niyo ako dahil 'di ko na alam kung ano ang tama at nararapat.

No comments:

Post a Comment