Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, May 12, 2011
NBI 75
"November 16, 2010, The National Bureau of Investigation celebrated its 74th founding anniversary with the Secretary of Justice Leila M. De Lima as guest of honor and speaker yesterday.
This year’s celebration precedes the NBI’s 75th Diamond Jubilee next year. The agency has a rich heritage of significant accomplishments chronicled in the annals of the country’s law enforcement community."
Nagmula ang mga katagang 'yan sa website ng National Bureau of Investigation (www.nbi.gov.ph)o mas kilala natin sa tawag na NBI. Isang ahensya ng gobyernong tumutulong sa pagsupo ng kriminalidad sa bansa.
Okay. Nagdiriwang sila ng kanilang ikapitumput-apat na anibersaryo at patungo na ito sa kanilang Diamond anniversary ika nga. Congrats! Sa mga accomplishments, sa mga nasawatang krimen, sa mga nahuling kriminal ng lipunan at sa patuloy na pagbibigay ng mabuting serbisyo sa bayan.
Kasabay ng pagdiriwang ay ang pagbebenta ng commemorative plate ng ahensiyang ito ng may nakasulat na "NBI 75". Ang plakang ito ay nagri-range sa halagang P2500 hanggang sa P5000 depende sa patong ng nagbebenta at ang malilikom daw sa pagbebenta nito ay pandagdag sa pondo ng naturang ahensiya. Napakagandang adhikain. Subalit pansin niyo ba ang pag-abuso dito?
Sa unang linggo ng pagkakaupo ng bagong pangulo ay ipinag-utos niyang tanggalin ang mga "wangwang" sa mga pribadong sasakyan. Marami ang hinuling motorista at kinumpiska ang maiingay nilang mga sirena, marami rin ang boluntaryo at kusang-loob na tinanggal ito bilang suporta sa napakagandang layunin ng pangulo.
Ang tamang pag-lagay ng nagmamayabang na commemorative plate na ito ay nakaibabaw o nakatabi sa plakang inisyu ng LTO. Malinaw 'yan.
Walang mali o ilegal sa pag-gamit ng NBI 75 plates na ito basta sundin lang ang isinasaad na patakaran ng ahensiyang nakakasakop dito. Pero hindi yata ito ang nangyayari sa karamihan ng kalsada sa Kamaynilaan. Maraming kababayan natin ang buong pagmamalaking nakabalandra ang kanilang commemorative plates, nag-aastang mga NBI agents, employees, directors, assets, etc. Napaka-ironic isipin na ang mga totoong NBI agents ay itinatago ang kanilang personalidad at ayaw ipakilala ang sarili bilang ahente nito dahil sa kanilang seguridad pero heto ang ilang mga gunggong at mapang-isa nating mga kababayan gustong pangingibabawan ang batas. Sino ba namang matapang na traffic enforcer ang sisita sa behikulong mayroon nito? Akalain mo, sa halagang limang-libong piso pwede mo nang babuyin ang batas!
Wala ngang wangwang pero napakarami mo namang nakikitang ganyang pang-aabuso sa kalye. Maliban sa maingay, ano ba ang pagkakaiba nito sa wangwang? Halos wala. Buong giting na tatahakin at lalampasan lang ng mga sasakyang mayroon nito ang mga pulang ilaw, mga traffic enforcer at kanila ka rin nilang iilawan kung nakaharang ka sa daraanan nila. Siyanga pala bago ko makalimutan, self-proclaimed exempted din sila sa number-coding.
Kunsabagay, may bago pa ba rito? 'Lam mo naman ang Pinoy kung saan makakaginhawa dun sila. Pero sino ba ang dapat sumugpo sa kalabisang ginagawa ng mga sasakyang ito? NBI mismo at siyempre ang kapulisan. Ngunit hindi naman nila ito ginagawa at sinasawata at wala nga yatang planong itigil ito sa kung magkanong dahilan. Siguro hindi pa sapat ang naiipong pondo ng ahensiya kaya hindi pa pinagbabawalan.
Wasak at mababa na nga ang tiwala ng mga Pilipino sa PNP pero heto ang NBI hindi sadyang ibinababa ang kanilang estado dahil sa mga baluktot na isipan ng mga Pinoy na gustong maghari-harian at mag-feeling VIP sa kalsada. Ganun talaga marami ang can afford na bumili ng commemorative plate at hindi naman sila nasisita so, tuloy lang.
"The law applies to all otherwise none at all". Kalokohan lang 'yan mga 'tol.
Sayang, medyo maganda pa naman sana ang imahe ng ahensiyang ito pero nasisira lang dahil sa ganitong kalokohan. Tsk, tsk,tsk.
Naabuso Binaboy na Integridad dahil sa NBI 75.
No comments:
Post a Comment