Monday, February 14, 2011

Gerontophobia

Gerontophobia - The fear of getting old.

"Habang tinitingnan ko ang aking sarili sa salamin hindi ko maiwasang umiling. Habang nagkakaedad ang mundo unti-unting nakikita sa mukha ko ang aking edad. Tsk tsk. Hindi na talaga ito maiiwasan."

Hindi ako matapang na tao at katulad ng karamihan marami rin akong kinatatakutang mga bagay kabilang na ang pagkatakot sa pagkakasira ng pamilya, sa pagkakawala ng isang mahal sa buhay, sa kamatayan at marami pa. Kinatatakutan ko ang mga bagay na ito dahil marami pa kong gustong gawin, mga plano ~ sa buhay, sa pamilya, sa trabaho, sa mga anak, sa kinabukasan at dahil na rin sa mga kasalanang hindi ko pa naikukumpisal. Ngunit ang pinaka sa mga kinatatakutan kong ito ay ang gerontophobia o ang takot na tumanda o ang aking kalagayan sa pagtanda. Lumalaro sa isip ko ang aking kalagayan kung ako'y sumapit na sa old age.

Nakalulungkot pero lahat tayo'y papunta doon sa ayaw man natin o hindi. Kung ang pangkaraniwang edad ng isang tao ay 75 to 80 na taon medyo ilang dekada na lang pala ay papunta na ako doon. Sa pagsapit ng aking kaarawan ngayong araw ako'y tatlumpu't-walong taong gulang na ibig sabihin papunta na ako sa pangalawang bahagi ng aking buhay ~ ika nga.

Parang kailan lang na ako'y isang maharot, pasaway, makulit at malikot na estudyante ng Mataas na Paaralang Torres na walang inaalalang problema bukod sa bagsak na grado pero heto ako ngayon may Gerontophobia. Bagama't alam natin na lahat tayo'y tatanda pero mas nakararami ang may ganitong kalagayang nadarama. Ako pa naman na napakaemosyonal at maiksi ang pasensya sa halos lahat ng bagay, paano ko i-o-overcome ang fear ko na ito kung alam kong ito ay hindi maiiwasang mangyari?

Sa paglipas ng panahon at pagdagdag ng taon sa aking edad nakikita ko na ang aking inaalagaan ay magkakaroon ng sariling buhay, sariling mundo; sila'y parang mga inakay na unti-unting natutong lumipad sa kalawakan at handang sagupain ang lakas ng hangin sa taglay nilang bagwis. Na sa pag-usad pa ng ilang taon ay hindi mapipigilang maiwan ako ~ maiwan nang panahon, maiwan nang teknolohiya, lisanin ng enerhiya sa katawan, lumabo ang paningin, mabawasan ang pandinig, mawala ang tikas, mawala ang pagka-astig at higit sa lahat ang maiwan ng mga anak upang sila naman ang sasagupa sa digmaan ng buhay...

Aking namasdan isang matandang hirap sa paglakad
Utal na salita hindi maisaad ang ibig ilahad
Tungkod na hawak ay upod na at nanlillimahid
Salamin na makapal katulong sa pagmasid
Ilang dipa lang ang layo pero animo'y kilometro
Habol ang hininga pupunta lamang sa banyo

"Sa'n na nga ba aking panulat na pluma?"
Sakit na kalimot ay lumalala na
Nais nang kumain subalit 'tikom naman ang bibig
Hanggang nahulog kaning may sabaw sa sahig
Bitamina at gamot hindi na yata epektibo
Ubos na rin kahit ang naisubing sandaang piso

Isa nang pasaway wala na yatang pakinabang
Huwag naman sanang itapon sa ampunan
Kahit nangangatog kamay at mga tuhod
Pipilitin pa ring bumangon sa tulong ng tungkod
Buhok na abuhin, katawang walang tikas
Malayo sa noo'y... bawat sabihin ay batas

Sabado't Linggo mga inaasahang araw
Baka sakali mga apo't anak ay dumalaw
Lagi mang bigo ay patuloy pa rin sa pag-asa
Hanggang sakit na malala 'yun pa ang nauna
Sa wakas nakita rin ang mga inaasahan
Pero bakit dito pa sa banig nang karamdaman?

Hindi namalayan may luhang bumagsak
Bagama't walang tunog kay lakas ng lagapak
Malapit nang mapinid malamlam na mata
Isusunod na rin ang pagpantay ng paa
Patay na ang apoy, upos na ang kandila
Tapos na ang lahat, paalam gerontophobia...


No comments:

Post a Comment