Tuesday, February 1, 2011

Demokrasya


Pebrero na. Sa Pilipinas may dalawang okasyong ipinagdiriwang ang buwang ito; ang araw ng mga puso at ang araw ng demokrasya. Huwag na nating isama ang Chinese New Year at mag-focus tayo sa pangalawa.
Pebrero 25. Freedom day o Araw ng Demokrasya ~ Minsan holiday minsan hindi, depende sa presidente.
Araw ng demokrasya napakagandang pakinggan; araw ng paglaya sa kamay ng diktaturya noong si Marcos. Pagkatapos nang napakatagal na dalawampu't-limang taon saan na ba tayo dinala ng demokrasyang ito?

Tunay ba na malaya na tayo sa kamay nang mapanupil na lider?
Sino ba ang nagtamasa sa pagpapatalsik ng malupit na pangulo?
Ang demokrasya bang hiningi natin ay tunay na nasa atin?
Masaya ka ba ngayong muli na naman nating gugunitain ang ating araw ng demokrasya?

Tayo'y magbalik-tanaw. Pebrero 25, 1986. Labing-tatlong taong gulang lang ako noon. Kung tutuusin ano ba ang pakialam ko noon sa demokrasya? Hindi ko naman batid na makakaapekto pala ito sa buhay ko ngayon. Ngayong ako'y may malay na napagtanto kong napakasarap palang sariwain ang araw na ito dahil ito ang nagpatanyag sa bansang Pilipinas sa buong mundo sa positibong aspeto. Lahat ay puno ng pag-asa. Lahat ay maligaya at nag-akalang abot-kamay na natin ang kaunlaran na naudlot ng napakatagal na panahon. Ang luha at ngiti sa mga mukha, ang mayaman at mahirap ay literal na magkasama, ang marungis at malinis ay magkahawak-kamay, walang halaga kung ano ang estado mo sa buhay dahil iisa lang kanilang adhikain: ang magka-isa! Magkaisa na tuldukan ang panunungkulan nang noo'y tinuturing na hari ng Pinas si: Ferdinand Marcos.

Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Pilipino!
Ang lahat ay hindi mapagsidlan ang ligaya sa tagumpay na tinamasa dahil ang buong angkan ng Marcoses' ay nilisan ang MalacaƱang sa huling araw ng mapayapang rebolusyon. Pinakita naman ng iba ang galit at pagkamuhi sa mga Marcoses' ng apakan, duraan, alipustahin, tadyakan, hambalusin at sunugin ang anumang imahe na mag-uugnay sa Unang pamilya. Galit na galit sila dahil sa di-umanoy maka-Hitler na panunungkulan ni Marcos at walang pakundangang pagnanakaw sa kaban ng bayan kaya ang ginawa nila'y ninakaw din nila ang anumang pwedeng isukbit nang sila'y makapasok sa loob mismo ng MalacaƱang kabilang na ang maraming pares ng sapatos ni Ginang Imelda.

Fast forward tayo makalipas ang 25 taon.

* Pinatalsik natin si Marcos dahil sa akusasyon nang pagnanakaw. Tanong: Wala na bang magnanakaw sa gobyerno ngayon? Sagot: Marami at patuloy na dumarami.

* Daang Milyong dolyar ang diumano'y naitago ng buong pamilya ng mga Marcos.Tanong: Napatunayan na ba natin ito sa saan mang korte sa Pilipinas at sa labas ng bansa? Sagot: Siyempre, hindi.

* Sagad ang pagkamuhi ng karamihan sa mga Pilipino sa Pamilya Marcos noong EDSA Revolution.Tanong: Nakalimutan na ba natin sa isang iglap ang kanilang mga kasalanan sa bayan? Sagot: Posible, dahil ang buong pamilya ng Marcoses ay may posisyon sa gobyerno; Senador, Gobernador, Congressman, ibig sabihin sila'y muli na namang minamahal at tinatangkilik ng madla.

* Umaapaw sa pag-asa nang pag-unlad ang mga Pilipino makaraang sipain natin ang Unang Pamilya.Tanong: May pag-unlad bang naganap makalipas ang dalawa't kalahating dekada? Siyempre, wala. Pati nga opisyal ng PAGASA sa Quezon City ay nangingibang-bayan sa kawalan ng pag-asa.

* Pumalahaw ng iyak, bumaha ng luha at ngiting abot-tainga ang nasilayan sa mga Pilipino noong umeskapo sila Marcos.Tanong: Bukod sa pagpapalayas sa mga Marcoses' , May napala ba tayo sa mga pumalit na mga lider at pinuno? Sagot: Siyempre wala. Nagpapalit-palit lang ng personalidad ang mga namumuno pero isa lang ang kanilang adhikain: Magkamal. (idol din nila si Marcos)

Demokrasya...isang sistema ng pamahalaan na kung saan nasa mga taong-bayan ang kapangyarihan. Wow! Ang ganda ng kahulugan; taong-bayan ang may kapangyarihan! Totoo ba ito o isa na namang kathang-isip na tulad ng kwento sa mga telenobela at telepantasya? Hindi ko nakikita ang kahulugan nito sa tunay na nangyayari sa Pilipinas na may demokrasya. Sa diksyonaryo lang tama ang kahulugan nito.

Hindi natatapos sa pagpapatalsik sa palpak na pangulo ang pagkamit nang tunay na demorasya.
Hindi natatapos sa paghahawak-hawak ng kamay at pagkanta ng "Magkaisa" at "Handog ng Pilipino sa Mundo" ang pag-unlad ng bansa.
Hindi natatapos sa pagluha at pag-alay ng bulaklak sa sundalo ang pagiging matinong Pilipino.
Hindi natatapos sa pag-asa sa mga lider at pinuno ang pag-asenso ng ekonomiya.
Hindi natatapos sa "L" sign ang laban ng Pilipino sa kahirapan.
Hindi natatapos sa tahimik na himagsikan ang pagsugpo sa tiwaling Pangulo.

Makalipas ang dalawampu't-limang taon ipagdiriwang na muli natin ang Araw ng Demokrasya.
Bukod sa pagpapalayas kay Marcos sa posisyon at pagkakabalik ng "demokrasya" ano ang maganda rito?...Holiday. Walang pasok (para sa mga estudyante.

No comments:

Post a Comment