Kung susuriin ang "paglimot" ay isang malungkot na salita. Malungkot dahil kahulugan nito'y kailangan mong iwanan at lisanin ang alaala ng isang bagay upang makapagsimula ka nang panibagong yugto ng iyong buhay. May dalawang uri nang paglimot; ang una ay ang pagpilit sa sarili na limutin ang isang tao o bagay ang ikalawa ay ang paglimot ng hindi lubos na kagustuhan at hindi namamalayan. Nakatutuyang isipin na madalas kung sino pa ang gusto nating kalimutan iyon pa ang hindi mawaglit sa ating isipan siguro'y dahil maraming bagay ang nagpapa-alala sa kanya at ng kanyang presensiya o pagkukunwari lamang ang paglimot na ating ginagawa. Ngunit nakalulungkot din ang paglimot ng hindi natin kagustuhan ~ nagaganap ito sa mga taong hindi natin madalas makasama o makita at sa mga bagay na hindi natin gaanong pinahahalagahan. Sa isang kaibigan kung hindi mo siya madalas makasalamuha, makausap o makasama at sa dami nang pinagkakaabalahang gawain ito'y nangyayari.
Hanggang saan ba ang paglimot?
Kaya ba nating lumimot sa isang bagay na lubos na nagpapaligaya sa atin?
Kaya ba nating lumimot sa isang bagay kung ang katumbas nito’y matinding kalungkutan?
Bagamat ang kasalukuyan ay ginawa raw para kalimutan ang kahapon ako'y lubos na sumasalungat dito ~ ang kahapon ay bahagi ng ngayon at masayang alalahanin ang mga aral at masasayang naidulot nito.Datapwat kung hindi mo kayang labanan ang paglimot sa isang bagay na dapat nang limutin ikaw ang igugupo nito - igagapos ka ng nakaraan, malulubog sa kumunoy ng kahapon at maaaring humantong sa isang depresyon.
Gaano man kahalaga ang isang bagay hindi maiiwasan ang paglimot dahil hindi habang panahon na hawak natin ang anuman o sinoman at darating ang sandali na sa ayaw natin at hindi sila'y mawawala at dapat kalimutan. Masakit subalit totoo. Ang mga bagay na nagpapangiti sa'yo ngayon ang maaaring dapat mong kalimutan sa pagdating ng panahon. Kung hindi mo ito gagawin ang dating kasiyahan ay mauuwi sa kalungkutan. Hindi ka makararating sa iyong pupuntahan kung hindi mo gagawin ang unang hakbang.
Masaya ang bawat sandali. Nakapinid ang kalungkutan at animo'y walang katapusan. Musika ang bawat bitiwan niyang salita. Mahalimuyak ang samyo ng paligid. At pangarap mong matigil ang bawat oras na siya'y kapiling. Subalit mapagbiro ang tadhana ~ Siya'y lumisan at hindi mo matanggap ang dahilan. Wala ng ibang solusyon kundi ang paglimot, gagawin mo ito o matatali ka sa kahapon?
Ngunit ang paglimot ba'y kasagutan sa iyong katanungan o ito'y pansamantalang solusyon para maibsan ang kasakitan?
Makakahilom ba ito sa dinaranas mong sugat o ito’y magpapalala lang sa kasalukuyan mong sitwasyon?
Pagtakas ba ito o pagkasa sa hamon ng buhay?Pero sigurado ito'y kabawasan sa bigat na nakaatang sa'yong balikat.
Ano ba ang mas nais mo - ang ikaw'y lumilimot o ikaw ang nililimot? Walang pinag-iba. Ang ikaw ay nililimot o lumilimot ay parehong lumilikha ng sugat. Sugat sa lumilimot dahil bawat sandaling gusto mong makalimot at lisanin ang magagandang alaala ay lalong lumalalim ang pighati. Sugat sa nililimot dahil hindi mo man kagustuhan ang nangyari magdudulot ito nang pagkabagabag at pag-alala sa taong iyong nilisan, hindi mo man gustong makasakit ito ang hinihingi ng pagkakataon.
Kung sino man ang nagsabi na madali ang lumimot ay hindi pa nararanasan ang hirap nito. Madali ang magpatawad pero hindi ibig ipakahulugan nito na madaling kalimutan ang mapapait at masasayang alaala sa likod nito...
Lumipas ang panahon
Sapat na ang sampung-libong kahapon
Lahat tayo’y sa kalimot mababaon
Walang maka-aalala anuman ang ipamana
Ililipad ng hangin lahat ng gunita
Ni pangalan mo’y hindi alintana
Tulad nang iginuhit sa buhangin ng baybayin
Didilaan ng alon aanurin, buburahin
Paglimot ay magaganap ‘di man pilitin
No comments:
Post a Comment