Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Saturday, December 4, 2010
pamahiin at iba pa
Bunga ng ating kabataan, kamusmusan at murang isipan maraming mga bagay tayong pinaniwalaan ng mahabang panahon at ngayong may sapat na tayong pag-iisip alam na nating ihiwalay ang mali sa tama, ang katotohanan sa kasinungalingan, ang kathang-isip sa realidad.
Ang ilan sa mga nakalista dito ay posibleng pinaniwalaan mo rin nang ikaw ay medyo bata pa at ang ilan naman ay kasalukuyang nalilinlang pa ng mga "kalokohang" ito. Ang iba rito ay pamahiin, ang iba naman ay sabi-sabi lang ng mga matatanda noong araw na sa hindi malamang dahilan ay pilit na itinanim sa mga isip natin ng ating mga Inay o ng ating mga nakatatandang kapit-bahay o kaya naman ay kwento-kwento lang na kumalat at pinaniwalaan.
* nakakabulag ang paghawak sa pakpak ng isang paruparo kung ito'y napahid sa mata
* nakakatanggal ng tinik sa lalamunan ang haplos ng taong suhi o ng isang pusa
* may mamamatay sa pamilya kung may itim na pusang dumaan o tumawid sa iyong harap
* nakakabulag ang pagtulog ng basa ang buhok
* tatalino kung ilalagay sa ilalim ng unan ang isang libro habang natutulog
* nakakapagdulot ng kulugo ang paghawak sa palaka
* totoong itinataboy ang swerte kung magwawalis sa gabi
* may siyam na buhay ang mga pusa
* si santa claus, ang kanyang mga reindeer at ang kwento sa likod nito ay katotohanan
* bulate ang karne ng hamburger
* pusa ang karne ng siopao
* may itinatagong taong-ahas ang Robinsons department store
* may kayamanan sa dulo ng isang bahag-hari
* nakakabobo ang pagbatok sa ulo at kailangang i-tap ang baba para 'di ito mangyari
* nag-e-exist ang mga aswang, bampira at manananggal at lumalabas sila tuwing hatinggabi
* ang sirena ay kasama ng mga isdang namumuhay sa dagat
* may nakakatakot na personalidad ang mga bumbay bukod sa pagpapautang
* na ako'y huhulihin ng mga pulis dahil sa aking kakulitan o kalokohan
* ang pagkulog ay dulot ng pagbu-bowling ni San Pedro
* ang pagtalon sa gabi ng bagong-taon ay magdadagdag ng kaunting tangkad
* ang pagbaligtad ng suot na damit ay solusyon kung maliligaw ng daan
* mga dwende o nuno sa punso ang nakatira sa bahay ng anay
* ang pagkain ng kambal na saging ay nagre-resulta sa kambal na anak
Pahabol:
* ang pagyo-yosi ay cool na gawain
* simple lang ang buhay at madali ang kumita ng pera
Siguro'y napapangiti ka habang binabasa mo ito dahil karamihan sa mga narito ay pinaniwalaan mo rin noong ikaw'y bata pa. Bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang mga kasabihan at lalo na ang pamahiin. Dahil din sa lubos ang paggalang at respetong ibinibigay natin sa mga matatanda noong araw kumpara sa ngayon pinaniniwalaan natin ang bawat sabihin nila. Sa pagtakbo ng oras at sa pag-usad ng panahon napakarami na ang nangyari't naganap. Sa panahon ngayon na maraming estranghero ang nagkukunwaring kaibigan, mga manghuhula at propetang alam di-umano ang magaganap at mga "sugo" na nagsasabing sila ang daan at katotohanan...mas akma at mas makabubuting paniwalaan natin ang kasabihang: "ang maniwala sa sabi-sabi ay walang tiwala sa sarili".
No comments:
Post a Comment