Thursday, July 25, 2013

Ghost of Yesterday




Disturbed.
Feels like I’ve been used.
Deranged.
Alone, lost and confused.


Feared.
Paranoid as it can be
Obsessed.
Once heard her “sorry”.


Haunted.
By the ghost of yesterday
Slaved.
By every word she says.


The word that has been abused
Is the word I always long to hear.
Numbed with the excuses
Blinded by the unknown fear.


Tuesday, July 23, 2013

May Sayad



"'Tangna ka wala kang silbi."

Nakita kita sa SONA kahapon nakangiti ka pa. Kuntodo palakpak sa bawat pang-uuto ng pangulo. At ang gara ng suot mo Barong Tagalog na yari sa PiƱa! Putsa, ang mahal siguro niyan saka mukhang kagalang-galang ka kahit alam ng mga taong manggogoyo ka.
Siguro rumampa ka rin sa red karpet kasi 'di ba espesyal at importanteng tao ka? 'Kinangina mo hindi ka na nahiya sa pagmumukha mo! Kung espesyal at importanteng tao ka ano na ang tawag sa aming busabos?!? 


Malabo talaga ang mundo Dre, akalain mo 'yun ikaw may lisensya kang kulimbatin ang milyon-milyong putanginang pork barel pand na 'yan tapos kagalang-galang ka pa samantalang ako nung ninakaw ko ang isang kaha ng Malboro sa tindahan ni Mang Kanor todo-gulpi ang inabot ko. Naospital pa nga ako dun eh. Naalala ko pa 'yung nars na umasiste sa akin nun, ambait-bait kahit alam niyang patay-gutom lang ako at taga-iskwater ginamot niya ako hindi tulad mo, ulol ka. 
Ang dami-dami mong pera pero ang damot-damot mo tanda ko pa nung minsang humingi kaming abuloy sa opisina mo dahil sa namatay kong pinsan pinagtabuyan mo kami, sabi mo iskam lang namin ang manghingi. Tsk tsk. Hiyang-hiya naman ako sa'yo kahit hindi ako nag-aral na gago ka alam ko 'yung Pertilasyer pand. Hindi ka marunong magsher ng blessing. Shet.


Pakanta-kanta ka pa ng "Lupang Hinirang" hindi ka na nahiya sa balat mo, hindi ka ba kinilabutan nang sabihin mong "ang mamatay nang dahil sa'yo'? Sa pagkatalo nga sa eleksyon takot ka eh, mamatay pa?


Pero bumilib ako sa'yo nang nakita kitang sumabay sa dasal at nag-sayn op da kros, madasalin ka pala! Ano ba ang pinagdadasal mo? Pinagdadasal mo bang 'wag manakaw ang mga ninakaw mo? O 'wag kang mahuli sa mga kalokohan mo?


Dati nung bago ka pa lang maliit pa ang tiyan mo saka mukhang matino ka pa nun aydol pa nga kita dati eh, pero ngayon ang laki-laki na ng kaha mo sumasabay yata 'yang ulo mo sa paglaki ng tiyan mo, pero kahit mukhang lagi kang busog ang siba mo pa din, hindi ka ba marunong mabusog? 


Nagtataka lang ako sa'yo kasi dun sa baranggay namin wala naman sa mga tropa kong may gusto sa'yo pero nanalo ka pa rin. Tarantado rin kasi 'yang si Kap parang asong uto na sunod-sunuran sa lahat ng sasabihin mo, sukat ba namang mamigay ng tiglilimang-daang piso sa bawat botante sa amin. Eh bobo at tanga nga di ba? Siyempre ikaw ang iboboto nila, tangina talagang buhay 'to tapos magrereklamo kasi hindi raw makaaahon sa kahirapan. 
Pakshet kayo.


Tinititigan kitang maigi habang nakapokus sa'yo ang kamera, mukha ka namang magaling at matalino ka rin sabi ng marami. Iskolar ka nga di ba? Nakita rin kita minsan makipagdebate sa Kongreso putangina lang! Kahit hindi ko naiintindihan 'yung mga pinagsasasabi mo dun alam ko ang galing mo! Hanep 'yung mga inggles na binitiwan mo dun talagang nakakawindang parang tumira ko ng 'sangboteng solbent pagkatapos ng ispits mo, palakpakan lahat, pati ako! 'Tangna kongresman ka kaya namin, wi ar paking prawd op yu.


Pero tangina naman kung ganyan din lang ang depinisyon ng ng magaling at matalino pipiliin ko nang maging tanga at bobo habangbuhay, baket? May prayd kaya ako.

Sa tingin ko hindi ka bagay diyan sa Batasan mas bagay sa'yo nasa loob ng bilibid sa dami ng kagaguhan at kabalastugan na pinaggagawa mo o kaya samahan mo ako dito. 'Kinangina, ang dami nating magiging katropa dito, palagay ko nga mas malala pa ang sayad mo kaysa sa akin. 
Nagtataka nga ako kung bakit ako nandito eh, kaya ko lang naman kinatay 'yung pusa ni Aling Jill kasi wala akong pambili ng peborit ko na petutsini o bip salpikaw. Pakshet sila. Hindi ako baliw. Gusto kong sabihin na selp depens lang ang paggulpi ko kay Gary Balensya, sinita ko lang naman siya kasi nakakabulahaw na 'yung 'kinanginang boses niya, hatinggabi na kanta pa ng kanta ng 'Gib mi a rison'. Siya kaya ang naunang nanuntok eh 'di ihampas ko sa ulo niya 'yung mayk, hindi ko naman sadya na tumama 'yung ulo niya sa kanto ng bidyoke. 

Tapos 'pag nandito ka na gago ka igaganti ko ang sambayanang pilipino gugulpihin kita ng todo pero hindi kita papatayin dahil mas gusto ko mag-istey ka dito sa mental ng isandaang at limampung taon. Pero malabong mangyari 'yun, 'tangina para sa'n pa't naging kongresman ka kung hindi mo kayang bilhin ang batas.


Ako, 'pag nakalabas ako rito? Kunwari magpapakatino ako, kakaibiganin ko lahat ng taga-baranggay namin 'tas kakandidato ako kahit kagawad lang muna, 'tas tserman, 'tas kongresman - para magkaroon din ako ng milyon-milyong pork barel pand. 
'Tangina sawa na ko sa kahirapan!

Muntik ko na makalimutan, sikmura pala muna bago ang prayd.

Thursday, July 18, 2013

Dust in the Wind



Parang kumpol ng mga bulak na nagmula sa maruming estero ang makikitang nakalatag sa kalangitan.
Sa likurang bahagi naman'y may nakamamanghang mga kidlat na animo'y nagtatalo at nagsasagutan. Nagpapaligsahan sa pagkislap, ayaw magpadaig sa isa't isa.
Maya't maya ang dagundong, maya't maya ang atungal.

Matagal ko siyang minamasdan sa gano'ng kalagayan, hinihintay ang kanyang pagbuhos.
Ngunit nabigo ako.
Walang pagbuhos na naganap. Manapa'y kusang lumisan ang kanina lamang ay mga ulap na nagbabadya at nagbabanta ng malakas na pag-ulan.
Siguro'y nainip.
Nagbunyi ang lahat maliban sa akin.
Unti-unti, lumiwanag ang kalangitan 'di tulad ng aking pag-iisip. Magulo. Malabo.

Pumikit ako.
Tatangkaing limutin ang mga nabigong mithiin, ang mabibigat na suliranin, kahit panandali. Ngunit sumisiksik pa rin sa aking isip ang lahat ng aking mga kabiguan sa buhay, kahit itanggi'y kumukurot pa rin sa aking malay ang lahat ng alaala ng kahapong puno ng kasawian.
Pakiramdam ko'y tinutuya ako ng demonyo. Nakangisi. Nanunukso.

Sa edad kong sitenta y singko'y matagal akong nagtampisaw sa karukhaan.
Sa edad kong sitenta y singko'y tila purgatoryo ang aking naging tahanan.
Sa edad kong sitenta y singko kasama kong magiging alikabok ang lahat ng aking mga pangarap, mananatiling panaginip ang aking mga panaginip at matitigil na sa wakas ang panunumbat sa Langit.

Mahihimlay sa buhangin, tatangayin ng hangin.

Matagal ko nang pinanabikan ang sandaling ito; ang makahulagpos sa pagkakagapos sa tila walang hanggang pagsubok at pagdurusa, ang makalas at makatakas sa tanikala ng paghihirap sa buhay at kamalayan.
Panghabangbuhay. Sa kabilang buhay.

* * *

Ang sumusuot na sinag na nagmumula sa labas ng silid na aking kinararatayan ay hindi nakatulong upang maging maaliwalas ang aking humpak na mukhang kangina pa nakamasid sa kawalan. Nagtatanong. Nagugulumihanan.

Matingkad ang kulay asul na ulap at tila nag-aanyaya sa mga paslit na lumabas at maglaro sa kanyang karilagan. Kainaman ang init ng araw na kung pagmamasdang maigi ay tila may nakaukit na napakagandang ngiti sa kanyang pisngi, sinag na puno ng liwanag, sikat na puno ng pag-asa.

Ngunit walang silbi ang ganda ng araw na ito sa akin, ako na kasalukuyang pinapanawan ng postibong pananaw at nililisan ng matinong pang-unawa.
Ang kakasikat pa lang na araw ay kabalintuanan sa papalubog kong pagkatao.

Ikagagalak mo ba kung ikaw ay nasa ganitong kalagayan?
Masisiyahan ka ba kung ang bawat araw sa iyo'y katumbas nang panibagong pagdurusa?

Tila huli na nang malaman kong ang magarang bahay at marangyang pamumuhay pala ay hindi katumbas ng masayang tahanan.
Tila huli na nang aking matalos na ang pera'y 'di sasapat upang makabili ng 'sang minutong buhay.
Ang malapiging na dami ng pagkaing nakahain sa hapag-kainan ay tila hindi sumasapat sa aking gutom na diwa at kaluluwa.

Alipin ako ng aking pangarap, diniyos ko ang aking yaman.
Hinirang ako ng tagumpay ngunit hinatid niya rin ako sa nakalugmok na kabiguan.
Sa batang edad na kwarenta y kwatro tila ginagapi ng kanser ang lahat ng aking napagtagumpayan.
Kumurap ba ang Diyos kaya ako ngayo'y may taning?
O hinayaan ko ang aking sariling malasing sa kinang ng tagumpay?
Nag-aalala ba ako sa kamatayan o sa mga maiiwan kong kayamanan?

Pumikit ako.
Tila natanaw ko ang anghel na maghahatid sa akin sa langit. Nakabukas ang mga palad na nag-aanyaya. Hindi ko nais sumama ngunit hindi ako makatanggi.

* * *

Lahat tayo kung tutusin ay parang patak lang ng tubig sa malawak na karagatan, parang tuldok na alikabok sa walang hanggang kalawakan.
Walang karapatan ang sinuman na magmalaki dahil lahat ay magiging alikabok lang.

Nagmula sa lupa, magbabalik na kusa.
Nagmula sa wala, patungo sa wala.
Galing sa alabok, magbabalik sa alabok.

Ikaw, ako, tayo kasama ng iyong yabang, yaman, pagdarahop, pangarap, sarap, paghihirap, karamdaman, karangyaan, kabutihan, kasamaan, kapurian, kapintasan, luha, halakhak, lungkot, ngiti, hikbi, mithiin, suliranin, pag-asa, kabiguan, sagot, katanungan, duda, paniniwala, pagsubok, pagdurusa, hinaing, libog, lisya, talento, galing, talino, galit, pag-ibig ng iyong mortal na katawan'y maglalaho, lahat ng ito'y patungo sa alikabok, lahat ito'y tatangayin ng hangin.

Sa takda o 'di itinakdang panahon, lahat ay bibitiw sa pangarap, iiwan ang buhay. Gaano pa man kasarap, gaano pa man kahirap lahat ay may katapusan.
Harapin ang katotohanan ikaw ay alikabok lang. Wala kang karapatang magmayabang.
Harapin ang kamatayan ikaw ay tuldok lang. Lahat nang nasa iyo'y ito rin ang hantungan.

Itanggi mo man...
Tayong lahat ay hahalik sa lupa, gaano man tayo kataas. Ibabagsak, gaano pa man kalakas.
May hangganan ang lahat, may hangganan ang buhay ngunit ang langit, ulap, araw, hangin, ulan, kidlat, kalawakan, ang lupa at karagatan ay mananatili kailanman. Magunaw man sila hindi mo na ito mararanasan.

Matupad man o hindi ang ating mga pangarap darating ang araw na tayo'y magiging alikabok lang.



* * * * *
Don't hang on, nothing lasts forever but the earth and sky
It slips away, all your money won't another minute buy

Dust in the wind, All we are is dust in the wind