Sunday, September 25, 2011

Magkabilang Mundo


Lubhang hindi matatapos ang ating paghahalintulad at paghahambing sa magkabilang mundo ng buhay. Katunayan lang ito na ang lahat ng nais nating mangyari ay hindi aayon sa ating kagustuhan. Na habang may mga taong labis ang kayamanan may mga tao namang lugmok sa kahirapan, habang ang kalabisan sa iba ay pakikinabangan pa ng marami, habang ang iyong pinanghihinayangan ay sinasayang lang ng iba, habang ang basura sa mayayaman ay kayamanan pa ng mahihirap. Marami ang madalas na sinisisi ang mga kabiguan sa kung kani-kanino at kung saan-saan kahit wala naman itong kaugnayan at kinalaman sa kinahinatnan ng kanilang buhay. Na sa halip na magsumikap ay hinahayaan ang sarili na malubog at tuluyang hindi na bumangon sa isang hamon at pagsubok. May mga taong patuloy na ikinukulong ang pag-iisip; na ang mayayaman ay mapang-api at ang mahihirap ay mahirap pagkatiwalaan. Iwaksi sana natin ang ganitong mentalidad dahil kahit may kurot at kapiranggot na katotohanan ito hindi naman ito aplikable sa lahat ng tao. Hanggang saan ba tayo dadalhin ng paniniwalang ito? May buti bang maidudulot ito sa atin? Tandaan...Ang kasalanan ni Pedro ay 'di kasalanan ni Juan; ang naging kapalaran ng iba ay maaaring hindi mo kapalaran; ang katarungang nakamit ng iba ay maaaring ipagkait sa iyo at marami ang nasa ganitong kalagayan kahit ang isang pangulo ~ dahil may mga pagkakataong nangingibabaw ang mahuhusay magtago ng kasalanan at minsan ding nananaig ang mahusay sa pagsisinungaling at kadalasan parang kasalanan na rin ang magsiwalat ng katotohanan.

~ Habang may mga taong pumapadyak na ang halaga ng sapin sa paa ay libo-libo
May mga taong nakapaa lang at 'di alintana ang paglalakad ng kung ilang kilometro
~ Habang may mga kabataang sinasayang ang pagkakataong makapag-aral
May mga taong napagkaitan ng oportunidad ng isang edukasyong pormal
~ Habang may mga taong inaabuso ang sarili dahil sa iba't-ibang bisyo
May mga tao namang lubos na nagsisisi at nakaratay sa karamdaman dahil din dito
~ Habang may mga taong patuloy na nakalalaya sa kabila ng sandamakmak na kasalanan
May mga taong ngayo'y nakapiit kahit inosente at 'di ginawa ang paratang
~ Habang may mga opisyales na lumalamon ng pagkaing milyones ang halaga
May mga taong nagdarahop na kinakain ang tira-tira ng iba
~ Habang ang ilang Heneral ay nangungulimbat ng kung ilang milyong piso
Ang kanyang mga sundalo naman'y nakikipagdigma ng walang sapat na gamit at kay baba ng suweldo
~ Habang ang mga pulitiko'y malayang nangungulimbat sa kaban ng bayan nang nakatawa
May inang tumatangis dahil agad na ikinulong sa ibinulsang gatas na nasa lata
~ Habang may mga kababaihang walang pag-aalalang nagpapalaglag ng bata
Maraming kababaihan ang hindi nabiyayaang maging isang ina
~ Habang may mga taong may koleksyon ng iba-iba at mamahaling sasakyan
May mga taong walang pamasahe at di makarating sa dapat na puntahan
~ Habang may mga batang hindi na mabilang ang dami ng laruan
May mga batang hindi mabigyan kahit man lang manyikang basahan
~ Habang may mga taong tumututol sa pagkain dahil sa kaartehang dahilan
May mga taong literal na gumagapang na lang dahil sa kagutoman
~ Habang may mga taong nakatira sa malapalasyong tirahan
May mga taong ang barong-barong na nasa ilalim ng tulay ang itinuring nilang tahanan
~ Habang may mga taong nagsasayang ng oras at pera sa sugalan
May mga taong humihiling ng kaunting sandali na ang buhay ay madugtungan
~ Habang may mga taong humihiga sa karangyaan
May mga taong inuutas sa halagang 'sandaang piso lang
~ Habang may mga taong nagnanais na kitilin ang sariling buhay
May mga taong pilit na nilalabanan ang kamatayan sa kabila ng malalang karamdaman
~ Habang ang mga may kapangyarihan ay winawalanghiya at inaabuso ang batas
May mga tao namang sumisigaw at naghahanap ng katarungan.

Nakalulungkot. Subalit lahat ay pawang totoo at matuto sana tayong tanggapin ang katotohanang ito na ang buhay ay sadyang hindi patas; kung may mayaman may mahirap, kung may nabubusog may nagugutom, kung may kasiyahan may kalungkutan. Datapwat magkaugnay ang magkabilang mundo ito pa rin ang bumabalanse sa mundong ating ginagalawan.
Kung walang mayaman, sino ang magbibigay ng pagkakataon sa mga mahihirap na maghanap-buhay?
Kung walang kalungkutan, pa'no natin mapapahalagahan ang kaligayahan?
Kung hindi tayo nagugutom, makuha pa kaya nating magsikap?
Kahit sa lumang panahon ng kasaysayan ay ganito na ang naitakda. May mga panginoon at taga-silbi, may hari at may mga alipin, may mang-aapi at may inaabuso. Sino ba ang may kakayahang baguhin ito? Wala. Mananatili na ito ngayon, at bukas gaya ng pag-iral nito noong unang panahon.
Napakaiksi lang ng buhay para magmukmok, magnilay at manisi sa mga bagay na hindi natin kayang baguhin. Ang tao'y may kanya-kanyang pag-iisip at kakayahan. Ang tao ay tao at walang nagsabing tayo ay perpekto subalit pansin mo ba na parati na lang nating ginagamit na dahilan at hustisya ang pagiging tao natin para sa ating nagawang kasalanan? Kahit na madalas ay alam naman natin na kasalanan pero patuloy pa rin nating gagawin ang kasalanang ito.
Kung ginusto mong sayangin ang iyong oras, salapi at buhay ikaw ang magdedesisyon nito. Pero sana maisip naman natin ang buhay sa ilalim na bahagi ng mundo. Hindi man natin kayang baguhin ang mundo sana'y hindi rin tayo manatiling taga-silbi, alipin, mahirap, taga-sunod at api-apihan ng mga ligaw ang pag-iisip.
At kung bigo pa rin tayo makuhang maging makatotohanan ito, hindi pa rin ito dahilan para tayo'y gumawa ng kasamaan at hahayaan na lang natin ang ating mga sarili na sumabay at matangay sa dausdos ng agos ng kasalanan kahit mayroon pa tayong isang sangang makakapitan.

Monday, September 12, 2011

Elemento

Hangin.
Ilipad mo ng iyong sidhi
Mga maninila at mapaniil
Iyong alimpuyo'y ganap na tumindi
Dagitin mga may sungay at may pangil

Datapwat laganap mga masamang uri
Na nagkukubli sa ngiting mapanglinlang
Sa ngayo'y nangingibabaw at naghahari
Iganti mo'y buhawing walang hamlang





Apoy.
Idarang mo ng iyong galit at poot
Mga pusakal, ganid at halimaw
Ningas mo'y 'wag sanang ipagdamot
Sumilab ka't umalab kawangis ng sa araw

Tangan mo man lahat ng uri ng kulay
'Di rin nagpagapi mga maiitim ang budhi
Wari ko'y lunas kitlin na 'yang buhay
Magliyab ka't sunugin hanggang sa abo na lang ang malabi



Tubig.
Tangayin mo ng iyong dausdos
Tampalasan sa sinukuban
Bumagyo ka't puspos na bumuhos
Sa bangis mo'y malunod labis na kabuktutan

Sa taglay mong kadalisayan
Na taliwas sa gawi ng lahat
Dagli mong anurin maruruming isipan
Hayaang matangay, maanod na siyang nararapat




Lupa.
Yumanig ka't maghasik ng lagim
Tabunan at utasin, mandarambong at kriminal
Lamunin ng kumonoy mga humahalay at sakim
Tuluyang ilibing mga diyablong umuusal ng dasal

Mabalasik man dagundong ng lindol
Na lilipol sa bawat lahi at lipi
'Wag malunos sa tangis at ungol ng mga ulol
Pagtila ng delubyo, uusbong mga mabuting binhi.

Thursday, September 8, 2011

Customs Lingo



Sa pag-asang mababawasan kung hindi man masawata ang garapal na katiwalian, korapsyon at talamak na pangungulimbat ng taong-gobyerno sa kaban ng bayan...naghalal at nailuklok sa Pinas ang isang lider na may slogan na: "kung walang corrupt, walang mahirap" .

Makalipas ang isang taon, kumusta na ang Kagawaran ng Aduana?
~ Makabubuting hindi ko na sagutin baka ako'y maakusahang taksil sa bagong pamunuan pero ang masasabi ko lang: "Bagong mga mukha pero pareho ang gawain." Ano mang inisyatibo ng nakatataas, ano mang pagpupursigi ng mga lider, katakot-takot man na pagsusumbong at pag-uulat sa iligal na gawaing ito; lahat ito ay walang BISA! Hangga't maari sila ay sila ay magtatakipan at niƱgas cogon lang ang lahat ng programa para sugpuin ang katiwalian sa Aduana; ang dahilan: Mas makinang ang kislap at mas mabango ang amoy ng pera upang matabunan ang nakasusulasok nilang pagkatao. Kung alam man ito ng pinakamataas na lider? 'Yun ang hindi ko alam.

Madalas nating sabihing pampalubag ay: "Nandiyan na 'yan tanggapin na lang natin" Eh ano pa nga ba?!? Alangan ba namang magmukmok sa isang tabi ang mga nakikipagnegosasyon sa Aduana? O di kaya'y mag-aklas at mag-alsa laban sa pamunuan nito? May magagawa ba ito? Mamamaos at kalauna'y mawawalan ka lang ng boses sa karereklamo pero wala rin namang mangyayari. Ang sistema ng Aduana ay parang isang malalang kanser na hindi na kayang gamutin ng kahit na sinong ekspertong doktor. Pagbabago ba kamo? Pagbabago ng namumuno pero hindi nang kalakaran. Korapsyon sa pinakamataas na antas.

Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng kaunting kaalaman (sa mga hindi pamilyar sa aduana) sa mga lengguwaheng ginagamit ng taga-aduana. Hindi man natin mabago ang sistema nila dito ko na lang idadaan ang aking sintimyento.

Ang Kagawaran ng Aduana...
kung saan ang tama ay hinahanapan ng mali at ang mali ay ginagawang tama;
kung saan ikaw na ang nagbibigay ng pera ikaw pa ang may utang na loob;
kung saan ang mga kawani nito'y umaasa at nabubuhay sa hingi;
kung saan kahit na pambili ng isang boteng alak ay iniaasa pa sa iba;
kung saan kahit walang okasyon ay kailangan mong mag-aginaldo.

1. Salida - matapos ang balitaktakan at tawaran sa mga opisyales ng BOC, ito ang huling proseso kung saan ang isang kargamento ay maari ng ilabas o i-deliver. Ilabas kaagad dahil kung babagal-bagal ka at hindi ka nakatimbre ay baka i-hold ka ng Office of the Commissioner o kaya'y habulin ka ng mga kupal na ahente ng Customs at magdagdag ka ng tara.

2. Talon - para makaiwas sa mas makukulit na opisyal ng iba't ibang Section sa Assessment Division kailangan mong patalunin ang iyong dokumento para pumabor sa'yo ang pakikipag-usap sa mas "mababait" na opisyal nito ang dahilan: mababang OT at mababang duties & taxes.

3. Ligaw - Upang lansihin at linlangin ang kinauukulan kailangan mo silang iligaw sa pamamagitan ng hindi pagdeklara ng tamang laman ng kargamento. Ibig sabihin, iba ang nasa papeles, iba ang aktwal na kargamento. Gets mo?

4. Tara - binibigkas ng mabagal; ta-ra. Sa madaling salita ito ay payola o padulas. Madalas itong binibigay tuwing araw ng Biyernes sa halos lahat ng klase ng buwaya este opisyales, ahente, pulis at kahit na sinong empleyadong adwana may kinalaman man sila o wala sa kargamento mo para hindi ka maabala sa susunod mong kargamento.

5. Timbre - pag-alerto o pagpapa-alam sa mga ahente at matataas na opisyal ng adwana na ikaw ay mayroong kargamento at papeles na ipu-proseso kapalit nito ay ang hindi pag-abala sa iyong papeles at smooth na tatakbo ito hanggang ito'y masailda. Siyempre pagsapit ng Biyernes tatara ka sa kanila.

6. OT - Hindi ito ang usual na overtime na alam natin. 'Pag sinabing OT sa adwana, ito ay ang halaga ng ibibigay mo sa opisyales ng Bureau of Customs, partikular sa bawat Section ng Assessment Division.

7. Picture - hindi ito larawan o litrato, sa lenggwahe ng adwana ang ibig sabihin ng picture ay ang pagbigay ng porsyento ng isang opisyal ng adwana sa taong nagpro-proseso ng papeles. Kadalasan ang "picture" na binibigay nila ay sampung porsiyento ng kabuuang tara.

8. Benchmark - ito ang pinakamababang halaga na dapat maging buwis ng isang kargamento kahit na ano pa man ang laman nito. Ngunit pinapayagan namang mas mababa ang benchmark kung ikaw ay isang tanyag na player sa adwana.

9. Player - Mga fixer / broker na eksperto sa paglalarong gusto ng Adwana. Ang dahilan kung bakit lalong nasalaula ang dati ng salaulang Bureau of Customs. Hindi ito kayang sabayan ng pangkaraniwang broker dahil mas marami silang impluwensiya na kahit na higit na mababa ang buwis ng kanilang kargamento at kahit na ligaw na ang dokumento nila ay halos walang umaabala sa kanila.

10. Haoshiao - Mga kawani di-umano ng Kagawaran pero ang totoo'y sila'y mga tau-tauhan lang ng mga organiko at balidong opisyales ng Aduana na ang tanging layunin lamang yata sa buhay ay manggipit at manghingi sa mga importer o broker.

11. Item - Pang-ukol pabalbal na ibinibigay sa mga organiko at balidong opisyales at empleyado ng Adwana.

12. Bukol - Pananadyang hindi pagbigay o pagbabawas ng tara sa isang opisyales ng Adwana ng isang kauri nila o ng isang broker na gustong makatipid sa panggastos.

13. Trabahong baluktot - Dito nagkakamal ng husto ang mga malalaking opisyales ng Adwana.

Trabahong baluktot ang mga kargamentong hinahawakan ng mga matitinik na Player; mga trabahong saliwa na iba ang dokumento sa aktwal na kargamento. Kailangan na ito'y ligaw at tumalon sa ibang Section upang mas madali at madulas ang salida kahit na ito'y mas mababa sa itinakdang benchmark. Upang maisakatuparan ito dapat ay naka-timbre ka sa matataas na opisyal ng bawat Dibisyon, may sapat kang pang-OT at ang regular na tara para sa opisyal na may item o kahit na sa Haoshiao ay 'di mo malimutan. Nasa kanilang mga kamay kung sila'y magbibigay ng picture basta't 'wag mo lamang silang bubukolan dahil siguradong abala ang iyong aabutin.